top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 21, 2023



Tinapos ni Giannis Antetokounmpo sa tulong ni Jayson Tatum ang perpektong kartada ni LeBron James at nanaig ang Team Giannis sa Team LeBron, 184-175, sa NBA All-Star Game kahapon sa Vivint Arena. Si Tatum ang pinakamaliwanag sa lahat ng bituin at nagtala ng bagong marka na 55 puntos patungo sa Kobe Bryant Trophy para sa Kia All-Star Most Valuable Player.

Hawak ng Team Giannis ang 99-92 lamang sa simula sa third quarter at iyan ang hudyat para kay Tatum na magsabog ng 27 puntos na hinigitan ang dating marka na 21 sa isang quarter ni Stephen Curry noong 2022. Lumobo ang kanilang agwat sa 158-141 at fourth quarter ay naging unahan na makaabot ng 182 puntos.

Hindi pa tapos si Tatum at nagdagdag ng walong puntos para sa 181-170 iskor at wasakin ang dating marka na 52 ni Anthony Davis noong 2017. Pilit ipinasa ang bola kay Tatum para tuldukan ang laro pero napunta ang karangalan kay Damian Lillard na bumomba ng malayong tres para sa huling talaan.

Nagpasikat din si Donovan Mitchell sa kanyang 40 puntos habang 26 si Lillard. Nanguna sa Team LeBron sina Jaylen Brown na may 35 at Joel Embiid at Kyrie Irving na parehong nagtala ng 32 puntos.

Dahil pilay ang pulso, naglaro lang ng 20 segundo si Giannis at umupo agad matapos mag-dunk, 2-0. Mula roon ay pinanood niya ang mga kakampi na ihatid ang kanyang unang tagumpay bilang kapitan matapos mabigo kay LBJ noong 2019 at 2020.

Hindi rin tumagal si James at lumabas na may limang minuto pa sa second quarter dahil nasaktan ang kanang kamay. Gumawa lang ng 13 puntos si LBJ at tapos na ang kanyang limang panalo sa All-Star mula 2018 hanggang 2022.

Sa oras ng laro mismo nalaman kung sino ang mga magiging magkakampi matapos isa-isang tawagin ng mga kapitan ang mga napiling pangalan. Ang 2024 All-Star ay gaganapin sa Indianapolis, Indiana.




 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 20, 2023




Kinoronohan sina Pinoy Pride Jordan Clarkson, Collin Sexton at Walker Kessler ng host Utah Jazz bilang kampeon ng Kia Skills Challenge sa pagpatuloy ng 2023 NBA All-Star Weekend kahapon sa Vivint Arena. Nakibahagi rin sa eksena ang mga kampeon ng AT&T Slam Dunk Mac McClung ng Philadelphia 76ers at Starry 3-Point Contest Damian Lillard ng Portland Trail Blazers.

Matapos ang mabagal na simula, bumawi ang Jazz sa dalawang sumunod na paligsahan na pagalingan sa pasahan at pag-shoot. Pumangatlo lang ang Utah sa unang round na karerang relay kung saan umarangkada ang Team Rookies nina Paolo Banchero ng Orlando Magic, Jabari Smith Jr. ng Houston Rockets at Jaden Ivey ng Detroit Pistons at pumangalawang Team Antetokoumpo ng magkapatid na Thanasis at Alexandros at si Jrue Holiday na pinalitan si Giannis na nagpapagaling ng pilay sa pulso.

Nauwi sa wakas ni Lillard ang tropeo matapos mabigo noong 2014 at 2019. Ipinasok niya ang huling apat na bola upang magtala ng 26 at lampasan ang 25 puntos ng naunang tumira na si 2020 champion Buddy Hield ng Indiana Pacers.

Naubusan ng talas ng pangatlong kalahok na si Tyrese Haliburton ng Pacers at 17 puntos lang siya matapos pantayan sa elimination round ang pinakamataas na marka na 31 puntos ni Stephen Curry noong 2021. Espesyal din ang tagumpay para kay Lillard na naglaro suot ang uniporme ng kanyang paaralan Weber State University sa bayan ng Ogden, Utah na 50 kilometro lang ang layo sa Vivint Arena.

Tinuldukan ng 6’2” guwardiyang si McClung ang gabi sa kanyang sunod-sunod na perpektong dunk laban kay 6’9” Trey Murphy III ng New Orleans Pelicans sa finals. Tinanggap niya ang Dr. J Trophy mula mismo sa alamat ng 76ers na si Julius Erving.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 19, 2023




Idagdag na ang kampeon sa Jordan Rising Stars sa mahabang listahan ng karangalan ni Pau Gasol sa pagbubukas sa 2023 NBA All-Star Weekend kahapon sa Vivint Arena.


Sa likod ni MVP Jose Alvarado ng New Orleans Pelicans, nanaig ang Team Pau Gasol sa Team Joakim Noah, 25-20, kung saan nagsilbing coach si Gasol sa mga pinakamahusay na rookie at sophomore ng liga.


Nagtapos si Alvarado na may limang puntos, kasama ang nagpapanalong three-points sa unahan makaabot ng 25 puntos. Ito ay kasunod ng kanyang pagsabog ng 13 puntos sa kanilang 40-25 tambak sa Team Deron Williams sa semifinals upang itakda ang pagkita sa Team Joakim na nanaig sa Team Jason Terry, 40-32.


Sa Ruffles Celebrity Game tampok ang mga artista, singer at atleta, nalusutan ng Team Dwyane Wade ang Team Ryan Smith, 81-78, sa likod ni MVP Dk Metcalf na NFL player.


Hindi binilang ang shoot mula sa halfcourt ni WWE pro wrestler The Miz kasabay ng huling busina na magtatabla sana ng iskor.


Aabangan ngayong araw ang pagsabak nina kabayan Jordan Clarkson, Collin Sexton at Walker Kessler sa Kia Skills Challenge bilang kinatawan ng host Utah Jazz. Haharapin nila ang hamon ng Team Antetokounmpo ng magkakapatid na Giannis, Thanasis at Alexandros Antetokounmpo at Team Rookies nina Paolo Banchero, Jaden Ivey at Jabari Smith Jr. sa karera na susubok ng kanilang husay sa pag-shoot at pag-dribol ng bola.

Susunod ang AT&T Slam Dunk tampok ang mga lumilipad na sina Kenyon Martin Jr., Mac McClung, Trey Murphy III at Jericho Sims. Sisikapin ni Sims na mauwi ang ikalawang sunod na kampeonato para sa New York Knicks sa hindi paglahok ni defending champion Obi Toppin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page