top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 22, 2023




Hindi basta isusuko ng World Champion Golden State Warriors ang kanilang korona at pinabagsak ang bisitang Sacramento Kings, 114-97, sa NBA Playoffs kahapon sa Chase Center. Wagi rin ang Phoenix Suns at tinalo ang LA Clippers, 129-124, para lumamang ng 2-1 sa kanilang seryeng best-of-seven.

Kontrolado ng Warriors ang buong laro at tuluyang humataw palayo sa 15 puntos ni Stephen Curry sa second quarter para sa 55-41 na halftime. Umabot ng 23 ang agwat sa fourth quarter, 114-91, at nakaiwas ang Golden State na malugmok sa 0-3.

Pumukol ng anim na tres si Curry patungo sa 36 puntos habang dumagdag ng 20 si Andrew Wiggins. Sisikapin ng Warriors na itabla ang serye sa Game Four sa Lunes sa parehong palaruan.

Nabawi ng bisitang Suns ang homecourt matapos mapahiya noong Game One. Binuo ni Devin Booker ang three-point play na may 42 segundo sa orasan para sa 125-116 lamang at kinailangan ng Phoenix ang apat na free throw ni Kevin Durant sa huling 11 segundo upang masigurado ang resulta.

Umusok para sa 45 puntos si Booker at sinundan ni Durant na may 28. Hindi naglaro sa Clippers si Kawhi Leonard at inaasahan na bubuti ang kanyang tuhod para sa Game 4 sa Martes.

Sa Eastern Conference, 3-0 na ang Philadelphia 76ers laban sa Brooklyn Nets matapos maitakas ang 102-97 tagumpay. Inagaw ni De’Anthony Melton ang pasa ni Royce O’Neale at naka-shoot para tuldukan ang laro na may 5.4 segundong nalalabi. Namuno sa Philadelphia si Tyrese Maxey na ipinasok ang 10 ng kanyang 25 puntos sa fourth quarter. Hahanapin na ng 76ers ang walis para sa Game Four sa Linggo.

Samantala, iginawad kay Malcolm Brogdon ng Boston Celtics ang 2023 KIA Sixth Man of the Year.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 21, 2023




Parehong naglaro na wala ang kanilang mga superstar na sina Giannis Antetokounmpo at Ja Morant, nagawang itabla ng Milwaukee Bucks at Memphis Grizzlies sa 1-1 ang kanilang mga seryeng best-of-seven sa pagpapatuloy ng 2023 NBA Playoffs kahapon. Tinalo ng Denver Nuggets ang Minnesota Timberwolves, 122-113, para lumamang ng 2-0.

Nakabawi ang Bucks sa Miami Heat, 138-122, sa likod ng 25 puntos ni Brook Lopez at 24 puntos at 11 assist ni Jrue Holiday. Mula sa huling tabla na 11-11, bumuhos ng walong puntos si Lopez at kinuha ng Milwaukee ang first quarter at hindi na lumingon, 35-28.

Anim na minuto lang ang nilaro ni Giannis sa Game One at lumabas dahil sa pasa sa likod at tuluyang naagaw ng Heat ang 130-117 panalo. Lilipat ang Game Three sa Kaseya Center sa Linggo.

Inspirado ang Memphis at umabot sa 66-46 ang lamang sa third quarter sa tres ni Xavier Tillman. Lumapit ang Lakers sa huling tatlong minuto, 88-94, subalit matatag ang Grizzlies at namuno si Tillman na may 22 puntos at 13 rebound.

Napilay ang kanang kamay ni Morant bago ang huling limang minuto ng Game One matapos bumangga kay Anthony Davis. Dahil dito, hindi na pumuntos ang Memphis sa huling tatlong minuto para mapunta sa Lakers ang 128-112 tagumpay.

Kumilos ang Nuggets sa huling anim na minuto at inagaw ng tres ni Michael Porter ang lamang, 101-98, at hindi na ito binitawan. Ipinasok ni Jamal Murray ang 10 ng kanyang 40 puntos sa fourth quarter habang 27 puntos si MVP Nikola Jokic.

Samantala, napiling 2023 Coach of the Year si Mike Brown ng Sacramento Kings. Sa kanyang unang taon sa koponan, ginabay ni Coach Brown ang Kings sa kartadang 48-34 at makabalik sa Playoffs matapos ang 17 taon.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 2, 2023




Nagising ang bisitang Los Angeles Lakers sa third quarter at naitala ang maaaring pinakamahalagang panalo ngayong taon laban sa Minnesota Timberwolves, 123-111, sa NBA kahapon sa Target Center.


Wala pa ring talo ang Phoenix Suns basta nariyan si Kevin Durant at hinila pababa ang numero unong Western Conference Denver Nuggets, 100-93.

Lumamang ang Timberwolves sa 3-point play ni Karl Anthony Towns upang simulan ang third quarter, 68-55, at iyan na ang kanilang huling ingay. Mula roon ay uminit para sa 8 puntos si Anthony Davis upang pangunahan ang paghabol ng Lakers na umabante papasok sa 4th quarter, 90-83, at hindi na nila binitiwan ito.

Hindi pa tapos si Davis at nagdagdag ng 17 puntos sa 4th quarter upang magtapos na may 38 puntos at 17 rebound. Double-double din si LeBron James na 18 puntos at 10 rebound at ito ang unang pagkakataon na mas marami ang panalo sa talo ng Lakers na 39-38 at ika-7 sa West katabla ang nagpapahingang New Orleans Pelicans.

Lumapit ang Suns sa playoffs sa ika-42 panalo sa 77 laro matapos ipasok ni Durant ang pito ng kanyang 30 puntos sa 4th quarter. Nalagay sa peligro ang pagiging numero uno ng Nuggets (51-26) at lumiit ang lamang nila sa humahabol na Memphis Grizzlies (49-28).

Sa gitna ng namumurong huling hirit ng Lakers, nagtagumpay ang World Champion Golden State Warriors sa San Antonio Spurs, 130-115, matapos magpaulan ng pitong 3-points si Stephen Curry para sa 33 puntos. Pantay ang Warriors at LA Clippers sa 41-37 para sa ika-lima at ika-anim sa West.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page