ni Anthony E. Servinio @Sports | May 31, 2023

Laro sa Biyernes – Ball Arena
8:30 a.m. Miami vs. Denver
Magtiwala kay kabayan Coach Erik Spoelstra. Pasok ang bisitang Miami Heat sa 2023 NBA Finals matapos durugin ang Boston Celtics, 103-84, sa Game 7 ng Eastern Conference Finals kahapon sa TD Garden.
Matapos ang masaklap na 103-104 talo sa Game 6, nanindigan si Coach Spoelstra na kukunin nila ang serye at hindi niya binigo ang mga tagahanga. Humugot ang Heat ng lakas kay Jimmy Butler na may 28 puntos at Caleb Martin na may 26 at 10 rebound para makapasok ang prangkisa sa Finals sa ika-7 pagkakataon at ika-9 sa gabay ni Coach Spoelstra.
Sa unang hawak ng Celtics sa bola ay natapilok si Jayson Tatum matapos tapakan ang paa ni Gabe Vincent. Naglaro pa rin si Tatum subalit apektado ang diskarte at isang free throw lang ang nagawa sa buong first quarter at lumamang ang Miami, 22-15.
Walang nakapigil sa arangkada ng Miami at lumaki sa 23 ang agwat sa 4th quarter, 96-73, at 5:33 sa orasan matapos ang magkasunod na buslo nina Duncan Robinson at Butler. Iginawad sa Heat ang Bob Cousy Trophy bilang kampeon ng East at si Butler ang tumanggap ng Larry Bird Trophy bilang MVP ng serye.
Sinikap ni Jaylen Brown na buhayin ang Boston sa kanyang 19 puntos at sinundan ng bayani ng Game Six na si Derrick Brown na may 18. Tiniis ni Tatum ang sakit at nag-ambag ng 14 puntos at 11 rebound.
Naghihintay na sa Miami ang Denver Nuggets sa Game 1 at 2 ngayong Hunyo 2 at 5 sa Ball Arena. Lilipat ang seryeng best-of-seven sa Kaseya Center para sa Game 3 at 4 sa Hunyo 8 at 10.



