ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2023

Idagdag ang mga pangalan nina 2023 Defensive Player of the Year Jaren Jackson Jr. ng Memphis Grizzlies at Brandon Ingram ng New Orleans Pelicans sa mga magiging bahagi ng Team USA sa FIBA World Cup ngayong Agosto rito sa Pilipinas.
Dahil dito, walo na ang kasapi ng koponan na sisikaping bawiin ang tropeo na huli nilang napagwagian noong 2014 sa Espanya. Malaking bagay ang depensa ng 6’11” Jackson upang magtala ng kartadang 51-31 ang Grizzlies. Tinapos ng 6’8” Ingram ang kampanya ng Pelicans na may 24.7 puntos bawat laro, pinakamataas sa 7 taon sa NBA.
Sasamahan nila ang mga naunang nagpahayag na mga 2023 All-Star Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves at Tyrese Haliburton ng Indiana Pacers. Kasama rin sa listahan sina Jalen Brunson ng New York Knicks, Mikal Bridges ng Brooklyn Nets, Bobby Portis ng Milwaukee Bucks at Austin Reaves ng Los Angeles Lakers.
Makakarating na si Brunson sa Pilipinas kung saan naglaro bilang import ng Ginebra ang kanyang ama na si Rick Brunson noong 1998. Tiyak na dudumugin si Reaves na bumango ang pangalan nitong nakalipas na taon para sa Lakers na isa sa pinakasikat na koponan sa buong mundo.
Maliban sa mga Amerikano ay makakapanood ang mga Filipino ng NBA player sa iba pang koponan na dadalaw dito. Pangunahin dito ang mga dating MVP na sina Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Serbia at Giannis Antetokounmpo ng Bucks at Gresya.
Sa mga makakalaro ng Gilas Pilipinas, nandiyan sina 2023 Rookie of the Year Paolo Banchero ng Orlando Magic at Simone Fontecchio ng Utah Jazz para sa Italya at Bruno Fernando ng Atlanta Hawks at Angola.



