top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 15, 2023




Patuloy pa rin ang selebrasyon ng Denver Nuggets ng kanilang unang kampeonato sa NBA at ngayon pa lang ay laman ng usapan ang pagtatag ng bagong dinastiya sa liga.

Ang kanilang kapalaran ay nakasalalay sa tambalan nina Finals MVP Nikola Jokic at Jamal Murray at mga kakamping wala pang 30-anyos.

Sinong mag-aakala na isang hindi kilalang manlalaro galing Serbia na pinili sa ika-41 puwesto sa 2014 Rookie Draft ay tuluyang magiging isa sa pinakamahusay ng kanyang henerasyon. Hindi naglaro agad sa NBA si Jokic at nagpahinog ng isa pang taon sa Europa bago pumirma ng kontrata noong 2015.

Inspirasyon ang pagbangon ni Murray mula sa malubhang pilay sa tuhod, dahilan ng kanyang pagkawala ng mahigit 18 buwan at bumalik lang noong nakaraang Oktubre. Parang walang nangyari at nagtala siya ng 20.0 puntos bawat laro kumpara sa 21.2 bago mapilay.

Sa edad na 28, lumalabas na kuya si Jokic sa mga kakamping sina Aaron Gordon (27), Bruce Brown (26), Murray (26) at Michael Porter Jr. (24). Sa kabilang banda, ang kampeonato ay nararapat na gantimpala para sa mga beteranong sina Jeff Green (36), Ish Smith (34) at DeAndre Jordan (34) na nasa takip-silim na ng kanilang mga karera.

Nasundan ni Coach Michael Malone ang yapak ng kanyang ama Coach Brendan Malone na assistant coach sa dalawang kampeonato ng Detroit Pistons noong 1989 at 1990.

Magpapahinga saglit ang mga bituin ng NBA bago katawanin ang kanilang mga bansa sa 2023 FIBA World Cup ngayong Agosto sa Pilipinas, Japan at Indonesia. Susubukan nina Jokic ng Serbia, Murray ng Canada, Vlatko Cancar ng Slovenia, Reggie Jackson ng Italya at Jack White ng Australia na dagdagan ng isa pang tropeo ang kanilang koleksiyon.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 14, 2023



World Champion na ang itawag sa Denver Nuggets. Nakamit ng koponan ang kanilang unang kampeonato matapos manaig sa bisitang Miami Heat, 94-89, sa Game 5 ng 2023 NBA Finals kahapon sa Ball Arena.

Hindi naging madali ang daan para sa Nuggets at kinailangan nilang magising sa second half matapos umarangkada ang Miami sa halftime, 51-44, sa likod ng 18 puntos at siyam na rebound ni Bam Adebayo. Sinikap ng Denver na ihatid ang maagang knockout at itinayo ang 86-79 agwat papasok sa huling apat na minuto subalit hindi sumuko ang Heat at naagaw pa ang lamang sa dalawang free throw ni Jimmy Butler kasabay ng last 2 minutes, 89-88.

Ibinalik agad ni Bruce Brown ang lamang sa Nuggets, 90-89, na sinundan ng malaking agaw ni Kentavious Caldwell-Pope kay Butler sabay kuha ng foul at dalawang free throw na may 24 segundo sa orasan, 92-89. Nagmintis ang 3-points ni Butler at napunta ang bola kay Brown na walang kabang sinelyuhan ang kampeonato sa dalawang free throw.

Nagtapos si Nikola Jokic na may 28 puntos at 16 rebound at walang duda na siya ang napili bilang Finals MVP. Matapos ang malamyang ipinakita sa unang apat na laro, nahanap ni Michael Porter Jr. ang shooting at sumunod na may 16 puntos at 13 rebound.

Naubusan ng lakas si Adebayo sa 2nd quarter subalit namuno pa rin sa Heat na may 20 puntos at 12 rebound habang ipinasok ni Butler ang 13 ng 21 puntos sa second half. Lalong hinigpitan ng Denver ang depensa at ang 89 ang pinakamababang puntos ng Heat sa buong serye.

Nagtiis ng kabuuang 56 taon ang mga tagahanga ng Nuggets bago natamasa ang inaasam na tropeo. Itinatag ang prangkisa bilang Denver Rockets ng American Basketball Association (ABA) noong 1967, nagpalit ng pangalan Nuggets noong 1974 at lumipat sa NBA noong 1976.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 13, 2023



Laro ngayon- Ball Arena

8:30 am Miami vs. Denver


Bagong tadhana ang naghihintay sa Denver Nuggets sa Game Five ng 2023 NBA Finals ngayong araw sa Ball Arena. Hawak ang 3-1 lamang, maaaring makamit na ng prangkisa ang kanilang unang kampeonato sa 47 taon sa liga subalit gagawin ng bisitang Miami Heat ang lahat upang pahabain ng isa pang laro ang seryeng-best-seven.

Sasakay muli ang Nuggets sa mahusay na laro ni Nikola Jokic na may 30.8 puntos at 13.5 rebound sa unang apat na laro ng serye. Nabawasan ang kanyang mga assist subalit tinakpan ito ni Jamal Murray na may 10.5 assist kasama ang 23.3 puntos.

Malaking palaisipan pa rin para kay kabayan Coach Erik Spoelstra at Heat kung paano babantayan ang dalawang bituin ng Denver. Kung depensa ang pag-uusapan, ipinakita ng Denver na magwawagi sila oras na hindi nila paabutin ng 100 ang puntos ng Miami tulad noong Game One, Three at Four.

Pinatunayan ng Denver na hindi lang umiikot ang koponan kay Jokic at Murray at may nahuhugot na ibang sandata si Coach Michael Malone tulad nina rookie Christian Braun noong Game 3 at Aaron Gordon sa Game 4. Hindi pa gumagana sa lagay na iyan si Michael Porter Jr. na gumagawa ng 8.0 puntos sa serye na mahigit kalahati ang ibinaba mula sa 17.4 ngayong taon.

Bawal na magkamali ang Miami at dapat walisin ang nalalabing tatlong laro. Patuloy na magpipiga ng opensa mula ay Bam Adebayo na gumagawa ng 22.3 puntos at 12.5 rebound at Jimmy Butler na may 21.8 subalit kailangan talaga makabawi na nina Gabe Vincent na bumaba ang produksiyon sa huling dalawang laro at dating All-Star Kyle Lowry.

Kung magwawagi ang Heat, babalik ang aksiyon sa Kaseya Center para sa Game Six sa Sabado, Hunyo 16. Naka-reserba ang Ball Arena para sa Game Seven sa Hunyo 19.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page