top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 16, 2026



Damian Lillard at Keshad Johnson - Portland Trail Blazers - Miami Heat

Photo: Damian Lillard at Keshad Johnson - Portland Trail Blazers - Miami Heat



Isama na si Damian Lillard ng Portland Trail Blazers sa hanay ng mga may tatlong kampeonato sa 3-Point Contest sa 2026 NBA All-Star Weekend Los Angeles kahapon sa Intuit Dome.  Ito na rin ang unang tapak niya sa korte ngayong taon matapos mapilay sa 2025 Playoffs.


Sa finals, unang tumira si rookie Kon Knueppel ng Charlotte Hornets at nagtala ng 17 pero hinigitan ito ng 29 ni Lillard. May pagkakataon ang huling kalahok at 2018 kampeon Devin Booker at nagbanta sa 27 subalit biglang minintis ang huling tatlong bola.


Sinundan ni Lillard ang  mga kampeonato noong 2023 at 2024. Ang iba pang naka-tatlo ay sina Larry Bird (1986-88) at Craig Hodges (1990-92).


Numero uno sa elimination si Booker na may 30 at parehong 27 sina Lillard at Knueppel. Ang iba pang kalahok ay sina Donovan Mitchell (24), Norman Powell (23), Jamal Murray (18), Tyrese Maxey (17) at Bobby Portis (15).


Kampeon sa Slam Dunk si Keshad Johnson ng Miami Heat. Masasabing inabot sa kanya ang titulo ni Carter Bryant ng San Antonio Spurs na lamang sa mga hurado subalit nagmintis ang kanyang komplikadong huling dunk sa halip ng mas simpleng tira.


Nanaig ang Team Knicks nina Jalen Brunson, Karl-Anthony Towns at alamat Allan Houston sa Shooting Stars laban sa Team Cameron na sina Knueppel, Jalen Johnson at Corey Magette, 47-38.  Sa elimination, numero uno ang Knicks 31 kasunod ang Cameron na 24 at hindi nakausad na parehong may 18 ang Team All-Star nina Chet Holmgren, Scottie Barnes at Richard Hamilton at Team Harper ni Ron Harper Sr. at kanyang mga anak Dylan at Ron Jr. na ang nanay Maria ay tubong Bataan.


Makikita ngayong Lunes kung mahuhuli ang panlasa ng mga tagahanga sa bagong USA vs. World sa All-Star Game. Magbabakbakan ang Team USA Stars, Team USA Stripes at Team World sa bagong patakaran na puntiryang ibalik ang sigla sa taunang laro. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 12, 2026



Oftana at Heading ng Trioang 5G - PBA

Photo: San Antonio Spurs / FB



Binugbog ng bisitang San Antonio Spurs ang kulang na Los Angeles Lakers, 136-108 sa NBA kahapon sa Crypto.com Arena. Nalagay sa alanganin ang paglaro nina LeBron James at Luka Doncic sa All-Star Game ngayong Lunes.


Nagpakita ng kahandaan sa All-Star si Victor Wembanyama na bumuhos ng 40 puntos at 12 rebound sa 26 minuto lang. Lumabas siya at hindi na bumalik na may 4 na minuto pa sa pangatlong quarter at lamang ang Spurs, 100-67.


Maliban kay LBJ at Luka, lumiban din sina Deandre Ayton, Marcus Smart at Austin Reaves. Para kay LBJ, ito na ang ika-18 laro na umupo kaya hindi na siya aabot sa takdang 65 laro upang magawaran ng MVP at iba pang karangalan sa katapusan ng liga.

Nabawasan muli ang mga All-Star at wala na si Stephen Curry bunga ng pilay sa tuhod. Papalitan siya ni Brandon Ingram ng Toronto Raptors.


Sa ibang laro, ginulat ng Indiana Pacers ang New York Knicks sa overtime, 137-134. Nag-shoot ng dalawang free throw si Quenton Jackson na may 4 na segundong nalalabi upang mabitin ang paghabol ng Knicks.


Nagtala ng 30 si Pascal Siakam para umangat ang Pacers sa 14-40 pero ika-15 at huli pa rin sa Eastern Conference. Nasayang ang 40 ni Jalen Brunson bumaba sila sa 34-20.

Nagwagi ang Houston Rockets sa LA Clippers, 102-95. Itinapal ng Phoenix Suns ang ika-8 sunod na talo ng Dallas Mavericks, 120-111.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2026



Stephen Curry of Golden State Warriors vs Urah Jazz

Photo: Golden State Warriors



Kumpleto muli ang Golden State Warriors at bumawi sila ng panalo sa bisitang Utah Jazz, 123-114 sa NBA kahapon sa Chase Center. Pinigil din ng Boston Celtics ang arangkada ng LA Clippers, 146-115.


Kinailangan ng GSW ang malakasang pangatlong quarter kung saan humabol sila galing 58-65 at gawing 100-96 sa likod ng 20 puntos ng nagbabalik na si Stephen Curry. Hindi na nakabangon ang Jazz at tuluyang lumaki ito sa 123-110 sa mga free throw ni Curry at dunk ni Trayce Jackson-Davis.


Nagtapos si Curry na may 31 buhat sa anim na tres habang tig-15 sina Jimmy Butler III at Quentin Post. Hindi naglaro sina Curry, Butler at Draymond Green noong isang araw at tinambakan sila ng bisitang World Champion Oklahoma City Thunder, 94-131.

Nagpalitan ng 3-points sina Derrick White at Kawhi Leonard sa simula, 3-3 at iyan na ang natatanging hirit ng Clippers na pumasok sa laban na pinakamainit sa NBA na may anim na sunod na tagumpay. Patuloy ang pukpok ng Boston at lumobo sa 144-111 bago ang huling 2 minuto.


Napantayan ni Jaylen Brown ang kanyang personal na markang 50 na una niyang naabot sa 116-111 panalo ng Celtics sa Orlando Magic noong Enero 2, 2022. 


May pagkakataong magtatag ng bagong marka si Brown subalit pinaupo na siya sa huling 3:44 matapos maipasok ang ika-50 at 133-109.


Triple double si Deni Avdija at wagi ang Portland Trail Blazers sa San Antonio Spurs, 115-110. Nagtapos ang tubong-Israel na 6'8" gwardiya na may 29, 11 rebound at 10 assist.


Bumida si Anthony Davis sa 110-104 tagumpay ng Dallas Mavericks sa Houston Rockets at wakasan ang apat na sunod na talo. Gumawa ng 26 at 12 rebound si Davis at mapawalang-bisa ang 34 ni Kevin Durant.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page