top of page
LET’S SEE - AGOT, BIANCA, DINGDONG ATBP. ATENISTA, TAMEME SA KAHIHIYAN NG ATENEO SA PAGKAM
Search

by Lolet Abania @News | May 1, 2026



Jay Sonza - National Bureau of Investigation

Photo: Jay Sonza - National Bureau of Investigation



Magpapalipas ng mahabang weekend ang dating broadcaster na si Jay Sonza sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos itong arestuhin dahil sa umano’y pagpapakalat ng fake news tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, inaresto si Sonza nitong Huwebes ng gabi, Abril 30, makaraang kasuhan ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act, dahil sa pagpapakalat ng pekeng medical bulletin tungkol sa Pangulo.


Aniya, bagama’t nakasaad sa warrant of arrest na non-bailable ang krimen, kailangan itong i-cleared kapag iniharap si Sonza sa Pasay Regional Trial Court sa Lunes, May 4. Ito ay dahil sarado ang mga korte sa bansa ngayong Mayo 1, Labor Day, isang regular holiday.


“Nu’ng na-enforce po ‘yung warrant gabi, alas-otso na po, sarado na ‘yung korte, at nagkataon holiday po ngayon. Tapos Sabado Linggo, so sa Lunes po talaga… Dadalhin po natin si Jay Sonza diyan pagbukas nitong Lunes,” ani Matibag .


Sinabi rin ni Matibag na papayagan naman ang abogado ni Sonza na bisitahin siya sa NBI facility.


 
 

ni Gina Pleñago @News | April 27, 2026



Illegal Notary Public - National Bureau of Investigation

Photo: National Bureau of Investigation (NBI)



Timbog ang limang indibidwal ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilegal na operasyon ng notary public, sa Maynila nitong Abril 23.


Sa ulat ng NBI-Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD), unang inireklamo ng isang babaeng abogado na ginagamit ang kanyang Notarial Commission, pati ang kanyang notarial stamp, seal, at pamemeke ng kanyang lagda, nang wala siyang alam.


Ang complainant mismo ang nagbigay ng impormasyon kaugnay sa ilegal na aktibidad at lokasyon ng notary public ng mga suspek sa Maynila.


Matapos ang beripikasyon, nagkasa ng test-buy operation, at nang makapagpagawa ng pekeng dokumento o affidavit of loss ang nagpanggap na kliyente, sinalakay na ang mismong puwesto ng mga suspek.


Sinampahan na ng reklamong Falsification of Public Document by Private Individuals, Possession of instruments or Implements Intended for the Commission of Falsification, at Attempted Estafa ang mga suspek.


Pinasalamatan at pinuri ni NBI Director Atty. Melvin Matibag ang mga NBI-FFCD kasabay ng babala sa mga grupo at indibidwal na patuloy pa sa katulad na gawain na hindi titigil ang NBI sa pagsukol sa kanila.

 
 

ni Gina Pleñago @News | April 21, 2026



48 arestado sa scam hub sa Paranaque - NBI

Photo: National Bureau of Investigation (NBI)



Nasa 48 indibidwal kabilang ang pitong dayuhan ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinasabing sangkot sa “Love Scamming,” “Pig Butchering" at “Cryptocurrency Investment Fraud,” sa entrapment operation sa isang condominium sa Parañaque City, noong Abril 17.


Ayon sa ulat, sinalakay ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU) ang online scam hub, na mala-call center office ang set-up nang mapatunayan sa isinagawang validation ang ilegal na gawain, gamit ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).


Inabutan pa ng mga ahente ng NBI-SAU sa ilang condo units ang maraming computer workstations, laptops, mobile phones, internet routers, at iba pang digital devices, na katulad ng set-up ng lehitimong call center.


Sa pagsusuri ng computer units, natukoy ang mga nakahandang scripts sa digital files—ang step by step na susundin ng scam agent sa pakikipag-usap at panghihimok sa potensyal na mga biktima, para sa modus-operandi.


Sa patuloy na komunikasyon, gumagamit ang scam agent ng mapanlinlang na pagpapakilala, emosyonal na manipulasyon upang makuha ang tiwala ng mga biktima, gamit ng pekeng profiles at pagkukunwaring naghahanap ng romantic relationships.

Lahat ng paraan ginagawa nila hanggang sa mahulog na ang loob ng biktima, sisimulan itong himukin na magpadala ng pera sa pamamagitan ng gawa-gawang senaryo tulad ng financial emergency, investment opportunities at kagyat na personal na pangangailangan.


Uutusan din umano ang biktima na maglipat ng pondo sa pamamagitan ng iba’t ibang cryptocurrency wallets at pinapanatili rin ang pakikipag-ugnayan sa mga biktima upang patuloy na makuha ang lahat ng gusto.


Sa mga nakitang ebidensya, inaresto ang 41 Pilipina at pitong banyaga.

Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Section 4(b)(2) (Computer-Related Fraud) ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at ng RA 12010 (AFASA Law).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page