top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 12, 2026



Binubundol ni New York Knicks' Karl-Anthony Towns, (kaliwa) si Philadelphia 76ers' Joel Embiid sa laro nilang ito sa NBA basketball playoff series kahapon. (AP/Matt Slocum)

Photo: Binubundol ni New York Knicks' Karl-Anthony Towns, (kaliwa) si Philadelphia 76ers' Joel Embiid sa laro nilang ito sa NBA basketball playoff series kahapon. (AP/Matt Slocum)



Laro ngayong Martes

8:00 AM Detroit vs. Cleveland

10:30 AM OKC vs. LA Lakers


Winalis ng New York Knicks ang malamyang Philadelphia 76ers, 144-114 at pumasok sa Eastern Conference Finals ng 2026 NBA Playoffs kahapon sa Xfinity Mobile Arena. Pinantay sa 2-2 ng Minnesota Timberwolves ang kanilang serye sa San Antonio Spurs, 114-109.


Ibinalik ni kabayan Dylan Harper ang lamang sa Spurs, 101-100, pero sinagot ito ng mga shoot ni Rudy Gobert at Anthony Edwards para maagaw ang T-Wolves ang bentahe na may 2 minutong nalalabi, 107-101. Siniguro ng free throw ni Ayo Dosunmu at pandiin na buslo ni Naz Reid ang resulta sa gitna nga pagpalag nina Harper at Julian Champagnie.


Uminit para sa 36 si Edwards. Sumuporta si Reid na may 15 at Jaden McDaniels na may 14.


Malaking dagok sa Spurs ang pagpapalabas kay Victor Wembanyama sa pangalawang quarter nang masiko niya sa bandang balikat si Reid. Sinikap buhatin ang koponan nina Harper at De'Aaron Fox na parehong may 24.


Puro Knicks ang nagsulat ng kuwento sa 43 puntos sa unang quarter pa lang. Umabot ang agwat sa 128-84 matapos ang limang sunod na puntos ni Jose Alvarado at "nagpahinga" na ang NYK sa nalalabing 9 na minuto.


Unang quarter pa lang ay doble-pigura na sila at nagtapos na may 25 si Miles McBride at 22 si Jalen Brunson kahit umupo sila sa buong huling quarter. Tig-17 sina Mikal Bridges at Karl-Anthony Towns para wakasan ang seryeng best-of-seven, 4-0.


Ito ang pangalawang sunod na taon na pasok ang Knicks sa East Finals. Habang naghihintay ng kalaro ay may panahon silang magpahinga lalo na si OG Anunoby na napilay ang singit, dahilan na lumiban siya sa huling dalawang laro.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 11, 2026



Oklahoma Thunder - FB

Photo: Oklahoma City Thunder - FB



             

Laro ngayong Lunes

3:30 AM NY vs. Philadelphia

7:30 AM SA vs. Minnesota


Malinis pa rin ang World Champion Oklahoma City Thunder ngayong 2026 NBA Playoffs matapos humabol at talunin ang Los Angeles Lakers, 131-108, kahapon sa Crypto.com Arena.  Nabuhay ang kampanya ng Cleveland Cavaliers sa 116-109 pagpigil sa Detroit Pistons.


Lamang ang Lakers sa simula ng pangatlong quarter, 59-57, subalit nagising ang Thunder at nag-ingay.  


Pumasok na ang mga tira nina Ajay Mitchell at MVP Shai Gilgeous-Alexander at lumaki ang kanilang bentahe sa 124-97 sa three-points ni Isaiah Joe at tatlong minuto sa orasan.


Pitong OKC ang may 10 o higit sa pangunguna ni Mitchell na may 14 at SGA na may 23.  Nanguna sa Lakers sina Rui Hachimura na may 21 at LeBron James na may 19.

Isa na lang ang kailangan ng Thunder para walisin ang seryeng best-of-seven.  Tinalo nila ang Phoenix Suns, 4-0, sa Round One.


Sinayang ng Cavs ang 65-38 lamang sa unang minuto ng pangatlong quarter.  Tumabla ang laro, 104-104, sa tres ni Duncan Robinson pero nabawi agad ng Cleveland ang bentahe sa mga buslo nina Max Strus at James Harden, 108-104, at 1:29 sa orasan.


Tinuldukan ni Donovan Mitchell ang kanyang 35 sa tatlong free para manigurado at itakda ang huling talaan. Nag-ambag ng 19 si Harden.


Samantala, pumirma ng bagong kontrata si Coach Steve Kerr para manatili sa Golden State Warriors hanggang 2027-28. Sa kanyang gabay mula 2014 ay apat ang kampeonato ng GSW (2015, 2017-18, 2022) subalit nahulog sa Play-In ngayong taon at umingay ang bulong na papalitan siya kasabay sa pagpaso sa kasalukuyang kontrata.     


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 9, 2026



Detroit Pistons

Photo: Detroit Pistons



Laro ngayong Sabado

7:00 AM NY vs. Philadelphia

9:30 AM SA vs. Minnesota


Parehong 2-0 na rin ang World Champion Oklahoma City Thunder at Detroit Pistons bunga ng hiwalay na panalo sa Conference Semifinals ng 2026 NBA Playoffs kahapon. Tinalo ng OKC ang Los Angeles Lakers, 125-107, matapos ang 107-97 tagumpay ng Pistons sa Cleveland Cavaliers.


Sumakay sa shooting ni Austin Reaves, lamang ng 69-64 ang Lakers sa pangatlong quarter pero naubusan sila agad ng lakas at naagaw ng Thunder ang bentahe papasok sa huling quarter, 93-80. Mula roon ay tuloy-tuloy na ang pagpalo ng OKC patungo sa 125-105 agwat at isang minuto sa orasan.


Tig-22 sina MVP Shai Gilgeous-Alexander at Chet Holmgren para sa mga nagwagi. Nagtapos si Reaves na may 31 habang 23 si LeBron James.


Sinayang ng Pistons ang 52-38 lamang sa pangalawang quarter at humabol ang Cavs hanggang maagaw ang bentahe ng maaga sa huling quarter, 81-79. Nagising and Detroit at bumira ng mahahalagang puntos sina Duncan Robinson, Tobias Harris at Cade Cunningham para sa mas siguradong 101-92 sapin sa huling 2 minuto.


Nanguna sina Cunningham na may 25 at 10 assist at Harris na may 21. Nagpasok ng limang three-points si Robinson para sa 17.


Hindi katiyakan ang pagiging numero uno. Huling nagtapat sa NBA Finals ang numero uno ng East at West noong 2016 kung saan dinaig ng Cavs ang Golden State Warriors, 4-3.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page