top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 17, 2026



Spurs-Thunder sa West Finals, Pistons at Cavs may Game 7

Photo: Dumadrayb si San Antonio Spurs forward Keldon Johnson (3) sa depensa ni Minnesota Timberwolves center Rudy Gobert, (gitna) sa NBA basketball second-round playoff series. (AP/Abbie Parr)


Laro sa Lunes - Little Caesars

8 AM Cleveland vs. Detroit


Tiniyak ng bisitang San Antonio Spurs ang kanilang upuan sa Western Conference Finals sa kumbinsidong 139-109 panalo sa Minnesota Timberwolves sa 2026 NBA Playoffs kahapon sa Target Center.  


Kailangan ng ultimong Game Seven sa East at wagi ang Detroit Pistons sa Cleveland Cavaliers, 115-94. Inilatag nina Victor Wembanyama, Stephon Castle at De'Aaron Fox ang pundasyon sa pagtayo ng 74-61 lamang matapos ang unang 24 minuto.  Sumama sa nagbuhos ng puntos sina Julian Champagnie at kabayan Dylan Harper para lalong palakihin ang agwat, 132-95, sa huling 6 na minuto.


Anim na Spurs ang may 11 puntos o higit sa pangunguna nina Castle na may 32 at 21 kay Fox. Sumunod si Wemby na may 19 at Harper na may 15 bilang reserba. Nagtala ng 24 si Anthony Edwards para sa nabigong Timberwolves.  Nagwakas ang serye, 4-2 at magtutuos sa West Finals ang Spurs at World Champion Oklahoma City Thunder simula Martes.


Ayaw ng Pistons na masayang ang pagiging numero uno at kumilos para baligtarin ang 23-17 bentahe ng Cavs sa 54-51 pabor sa kanila bago ang pangatlong quarter. Mula roon ay inalagaan nila ito patungo sa 115-93 sa huling minuto. Ipinasok ni Cade Cunningham ang 11 ng kanyang 21 sa kritikal na pangalawang quarter.  Nag-ambag ng 17 si reserbang sentro Paul Reed habang tig-15 sina Daniss Jenkins at Jalen Duren.


Gumawa ng 23 si James Harden at parehong 18 sina Donovan Mitchell at Evan Mobley.  Nagkatalo sa mga reserba at mas malaki ang ambag ng Pistons, 48-19. Naghihintay sa East Finals ang New York Knicks na winalis ang Philadelphia 76ers, 4-0.  May mabuting balita at kasali na muli sa ensayo si OG Anunoby na napilay ang singit sa Game 2 kaya lumiban siya sa huling 2 laro.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 15, 2026



RUMAGASA tungo sa basket si Cleveland Cavaliers center Evan Mobley (4) sa harap ng depensa ni Detroit Pistons guard Ausar Thompson (9) sa second half ng NBA playoffs basketball series kahapon sa Detroit.         (AP Photo/Duane Burleson)

Photo: Rumagasa tungo sa basket si Cleveland Cavaliers center Evan Mobley (4) sa harap ng depensa ni Detroit Pistons guard Ausar Thompson (9) sa second half ng NBA playoffs basketball series kahapon sa Detroit. (AP Photo/Duane Burleson)


Laro sa Sabado

7:00 AM Detroit vs. Cleveland

9:30 AM SA vs. Minnesota


Ginulat ng bisitang Cleveland Cavaliers ang Detroit Pistons sa overtime, 117-113, sa Eastern Conference Semifinals ng 2026 NBA Playoffs kahapon sa Little Caesars Arena. Ito rin ang unang panalo ng bisita sa serye at maaaring tapusin na ito ng Cavs pag-uwi nila para sa Game Six sa Sabado.


Tumalon agad ang Cleveland sa pitong puntos ni Donovan Mitchell sa dagdag 5 minuto at inabot ng 3 minuto bago naka-shoot ang Detroit. 


Sapat na ang limang puntos na agwat, 112-107 at sumandal ang Cavs sa mga buslo nina James Harden at Evan Mobley para manatili ang resulta.


Bumawi sa malamyang apat na quarter si Mitchell para magtapos na may 21. Nanguna si Harden na may 30 at Max Strus na may 20.


Naipilit ng Cavs ang overtime sa dalawang free throw ni Mobley na may 45 segundong nalalabi, 103-103. Humabol ang Cleveland mula 94-103 sa huling 3 minuto kung saan bumuhos sila ng siyam na hindi nakasagot ang Detroit.


Gumawa ng 8 ng kanyang 39 si Cade Cunningham sa overtime subalit kulang ang tulong ng mga kakampi. Nag-ambag ng 19 si Daniss Jenkins habang 13 kay Tobias Harris.


Maliban sa Cleveland, sisikapin din ng San Antonio Spurs na tapusin ang serye laban sa Minnesota Timberwolves ngayong Sabado. Lamang ang Spurs, 3-2, bunga ng tagumpay

sa Game 5. 


Naghihintay ng makakalaro sa Conference Finals ang World Champion Oklahoma City Thunder sa West at New York Knicks sa East. Kahit anong mangyari, magsisimula ang best-of-seven NBA Finals sa Hunyo 4, petsa sa Pilipinas.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 13, 2026



DILAT na dilat sa pag-uunahan na makakuha ng bola sina Oklahoma City Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander (2) at Los Angeles Lakers forward LeBron James (23) sa second half ng 2026 NBA Playoffs. (Jayne Kamin-Oncea-Imagn Images)

Photo: Dilat na dilat sa pag-uunahan na makakuha ng bola sina Oklahoma City Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander (2) at Los Angeles Lakers forward LeBron James (23) sa second half ng 2026 NBA Playoffs. (Jayne Kamin-Oncea-Imagn Images)



Laro ngayong Miyerkules - Frost Bank

8:00 AM Minnesota vs. SA


Winakasan ng World Champion Oklahoma City Thunder ang kampanya ng Los Angeles Lakers, 115-110 at tumuloy sa Western Conference Finals ng 2026 NBA Playoffs kahapon sa Crypto.com Arena. Sa East, buhay na buhay ang Cleveland Cavaliers sa 112-103 panalo sa bisitang Detroit Pistons .


Sa gitgitang katapusan, isinalpak ni Chet Holmgren ang bola upang ibalik ang lamang sa OKC na may 33 segundong nalalabi, 111-110. Biglang nagmintis ang Lakers na nagbunga ng mga paniguradong free throw nina MVP Shai Gilgeous-Alexander at Ajay Mitchell para isara ng maaga ang seryeng best-of-seven, 4-0.


Nagtapos na may 35 puntos si SGA habang 28 si Mitchell. Nagdagdag ng 16 si Holmgren.

Nahanap ni Donovan Mitchell ang kanyang shooting at umapoy para sa 39 ng kanyang 43 sa huling dalawang quarter at pinantay ng Cavs ang serye, 2-2. Kasama rito ang puntos na nagtayo ng 98-77 agwat sa huling 9 na minuto at kinapos ng panahon ang paghabol ng Pistons.


Sumuporta si James Harden na may 24 at 11 assist at Evan Mobley na may 17 para sundan ang 116-109 tagumpay sa Game 3. Nagtala ng 24 si reserba Caris LeVert para sa Detroit.


Babasagin ng San Antonio Spurs at bisitang Minnesota Timberwolves ang kanilang 2-2 tabla sa kabilang West Semifinals ngayong Miyerkules. May mahabang pahinga ang OKC bago malaman ang kanilang sunod na makakalaro sa dalawang koponan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page