top of page
Search

ni Mylene Alfonso | April 13, 2023




Inaasahang maglalaan ang Estados Unidos ng hindi bababa sa $100 milyon o P5 bilyon para sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas.


Ito ang inihayag ni US Defense Secretary Lloyd Austin matapos ang 2+2 Ministerial meeting ng Pilipinas at US sa unang pagkakataon sa loob ng pitong taon makaraang ianunsyo ang lokasyon ng apat na bagong EDCA sites na bansa.



“We’re proud of the investments we’re making, and by the end of FY ’23 we expect to have allocated more than $100 million in infrastructure investments at the new and existing EDCA sites,” pahayag ni Austin sa isang press conference.


“So those investments will spur job creation and economic growth in local Philippine communities,” wika pa ng opisyal.


Nakatuon din aniya ang Amerika sa mabilis na pagsasapinal ng Philippine-US Bilateral Defense Guidelines na nagtatakda ng vision para sa alliance cooperation sa lahat ng operational domains, space at cyberspace.


Malugod namang tinanggap ni Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Department of National Defense Officer-in-Charge Carlito Galvez, Jr., na naroroon din sa media briefing, ang hakbang ng US na suportahan ang bansa sa pamamagitan ng EDCA.


 
 

ni Mylene Alfonso | April 11, 2023




Wala umanong dapat ikapangamba ang China kaugnay sa mga karagdagang site sa ilalim ng Pilipinas at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Estados Unidos.


Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa China lalo na kung wala naman aniyang nangyaring pag-atake.


“Kaya’t kung wala naman sumusugod sa atin, hindi na sila kailangan mag-alala dahil hindi naman sila natin lalabanan. Ang ginagawa lamang natin ay ipagpatuloy natin na pinapatibay natin ang depensa ng ating teritoryo, ang pagdepensa ng Republika,” sabi ni

Marcos sa sidelines ng Araw ng Kagitingan na ginanap sa Mount Samat National Shrine.


Kabilang sa apat na bagong EDCA sites ay ang Naval Base Camilo Osias at Lal-lo Airport na nasa Cagayan, Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, at Balabac Island sa Palawan.


Hindi rin aniya papayagan ng Pilipinas na gamitin ng mga tropang Amerikano ang mga base bilang bahagi ng EDCA para sa paglulunsad ng mga opensibang pag-atake.


“Ngayon, ang reaction ng China ay hindi naman siguro kataka-taka dahil nag-aalala sila.

Pero hindi naman tayo, hindi naman gagamitin, hindi tayo papayag, ang Pilipinas, hindi tayo papayag na gamitin ang mga bases natin para sa kahit anong offensive na action.

Ito ay para lamang tulungan ang Pilipinas, kapag nangangailangan ng tulong ang Pilipinas,” diin ni Marcos.


 
 

ni Jeff Tumbado | February 16, 2023




Pinag-iingat ni dating Senador Nikki Coseteng ang gobyerno ng Pilipinas sa binabalak na pagbuhay ng mga base-militar sa ilalim ng Enhance Defense Cooperating Agreement (EDCA).

Sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City, ipinahayag ni Coseteng ang pagkabahala sa aniya’y unti-unting pagpapagamit ng Pilipinas sa Amerika kaugnay sa plano nito na makidigma laban sa China.

May duda ang dating senador na ginagamit lamang ng U.S. ang Pilipinas upang itulak nito na labanan ang China dahil sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Wala umanong naidulot ang U.S. Military Bases sa bansa noong 1990s bagkus ay nagresulta lamang ng paglaganap ng prostitusyon, krimen at ilegal na droga.


Tinukoy pa ni Coseteng na bagsak din ang ekonomiya sa Olongapo City noong naroon ang military base ng U.S. dahil wala naman itong nalikhang malaking trabaho para sa mga Pilipino.

Idinagdag ng dating mambabatas na gagamitin lamang ng mga Amerikano ang bansa para isulong ng U.S. government ang sarili nitong interes na negosyo ng armas tulad ng ginagawa ngayon sa Ukraine.

Matutulad lamang aniya ang Pilipinas sa ibang mga bansa gaya ng Ukraine, Egypt, Vietnam at Iraq na nalugmok sa kahirapan bunsod ng giyera na ginawa ng United States.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page