top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | June 4, 2025



Cherry Pie Picache - IG

Photo: Cherry Pie Picache - IG


Speaker si Cherry Pie Picache sa 55th Annual Convention Advocacy Hour Usapang Puso Sa Puso From A Programmatic To A Policy Analysis ng Philippine Heart Association-Philippine College of Cardiology, kung saan ibinahagi niya ang kanyang lifestyle change para sa isang mas maayos na kalusugan at mas mahabang buhay. 


Kuwento sa amin ng Batang Quiapo (BQ) actress, ang pagkawala ng mga malalapit na mga kaibigan sa industriya tulad ni Sir Deo Endrinal ang nagsilbing eye opener para baguhin niya ang lifestyle. 


Nanghihinayang din si Cherry Pie sa pagkawala ni Ricky Davao at ilang mga kasama sa showbiz na para sa kanya ay maagang nawala at puwede pa sanang mas humaba ang buhay. 


Sa tulad niyang laging puyat at pagod sa taping at shooting, bumabawi ng tulog si Cherry Pie kapag wala siyang trabaho bukod pa sa mayroon siyang mga exercise tulad ng paglalakad, pickleball at inilalakad niya ang mga alaga niyang aso. 


Ilang taon na rin siyang umiiwas kumain ng mga puting pagkain tulad ng puting tinapay at kanin, pag-inom ng softdrinks at carbonated drinks. 


Alaga rin sa check-up si Cherry Pie kung saan pinaglalaanan niya talaga ng oras kapag kailangan niyang magpa-blood work para malaman kung ano ang mga dapat niyang ingatan at gamutin kung mayroon man. 


Malaking tulong din ang anak niyang si Nio kung saan nagbabantayan silang mag-ina sa kanilang mga kinakain.


Samantala, masaya siya sa itinatakbo ng BQ, kung saan puring-puri niya ang kasipagan, propesyonalismo at pagiging bukas-palad ni Coco Martin na magbigay-trabaho hindi lang sa mga artista kung hindi maging sa mga staff at production people na walang trabaho.


Hindi man nalaman ang rason ng hiwalayan nila ni Edu Manzano, hindi naman nagsasara sa tawag ng pag-ibig si Cherry Pie kung saan para sa kanya ay masarap na may nag-aalaga sa puso niya at may inaalagaan siyang puso ng ibang tao.



SA presscon ng pelikulang She Who Must Not Be Named (SWMNBN) ng Ohh Aye Productions, Inc. ay tinanong namin ang mga bidang sina Seth Fedelin at Francine Diaz kung ang hindi magandang paghihiwalay ba ng mga sikat na love teams tulad ng KathNiel, JaDine at LizQuen ang rason kung bakit ayaw pa nilang i-level-up ang kanilang tambalan at pagkakaibigan?

Aminado naman si Francine na may mga kinatatakutan sila at maaaring isa ito sa mga dahilan. Pero gaya ng lagi nang ipinapaalala sa kanila ng kanilang mga magulang, prayoridad daw muna nila ang trabaho, at kung aabot ito sa relasyon ay kusa naman itong mangyayari.

Ayon naman kay Seth, may mga problemang hindi mo talaga inaasahan, pero sa ngayon ay mas mahalaga na alam nila ni Francine sa isa’t isa na magkaibigan sila, magkasangga at magkakampi. 

Dagdag pa ng Kapamilya actor, excited siya kung saan aabot ang closeness nila at wala namang masama kung magiging magkarelasyon nga sila dahil deserve naman itong ipagsigawan at ipagmalaki.

Sa tanong kung ‘di ba sila nape-pressure sa hiling ng mga FranSeth fans na sana ay maging sila na, ani Seth, sa simula pa lang ay ipinakilala na nila sa mga ito kung sino at ano sila at mas naging panatag ang mga ito dahil kilala kung sino talaga sila. 

Para naman kay Francine ay hindi nila kinakailangang magsinungaling dahil alam ng mga fans nila ang totoo at kung may nakakaalam man sa totoong score nila ni Seth, ito ay ang kanilang mga tagahanga.

Samantala, kahit hindi gaanong kumikita ang mga pelikulang ipinapalabas sa mga sinehan, kung saan isa sa mga naapektuhan ay ang unang pelikula nila ni Francine na My Future You (MFY), sobrang ikinatuwa ng FranSeth na ilang araw ding nag-No. 1 sa Netflix ang movie nila, lalo’t hindi nila ito inasahan. 

Alam ng aktor na may iba nang mundo ang nabuo ngayon at ito ay ang social media. 

Tulad ng kapareha ay tanggap din ni Francine na ngayon ay marami talagang apps, mahal ang ticket sa sinehan, kaya social media ang naging takbuhan ng lahat. 

Pero pangako ng FranSeth na ibibigay nila ang kanilang 100% sa bawat proyekto na ipagkakaloob sa kanila tulad ng pelikula nilang SMNBN at ang kanilang upcoming serye sa ABS-CBN, ang Sins Of The Father (SOTF) sa ilalim ng JRB Creative Productions.



 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Apr. 14, 2025



Rhian Ramos - Instagram

Photo: Rhian Ramos - Instagram


Sa nakaraang guesting ni Rhian Ramos sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), ipinagtapat ng Kapuso actress na dalawang taon siyang nakaranas ng depresyon dahil sa mga isyu at intriga na ipinukol sa kanya na kahit ang sarili niya ay naniwala na totoo ang mga ito. 


Ayon nga kay Rhian, ito ang itinuturing niya na lowest point ng kanyang buhay kung saan umabot sa puntong muntik na niyang sukuan ang kanyang showbiz career at kahit ang kanyang buhay. 


Pagbabalik-tanaw ng Sinagtala lead actress, pakiramdam niya noon ay nag-iisa siya at kahit nga malapit siya sa kanyang ina na napaka-supportive sa kanya ay hindi niya magawang tumawag, kausapin, at buksan ang pinagdaraanan niya rito. 


Wala siyang ginawa noon kundi umiyak mag-isa, magkulong sa kuwarto at magmukmok. Nagulat na lang siya na isang araw ay naramdaman niya na magaan na ang pakiramdam niya at kaya na niyang maging masaya. 


Aminado si Rhian na bukod sa musika, pamilya at mga malalapit na kaibigan na nagsilbing support system niya ay malaking tulong ang mga psychiatrists na nakausap niya noon at paminsan-minsan ay bumabalik siya at kumokonsulta pa rin sa mga ito.  


Heto nga’t excited siya sa pagsisimula ng Sang’gre, kung saan ipinagmamalaki niya hindi lang ang mga naggagandahang costumes kundi mas higit ang takbo ng istorya at action scenes na talagang pinaghirapan nila. 


Isa rin sa mga nakalinyang gawin ni Rhian ay ang GL (girl’s love) movie na pagtatambalan nila ni Glaiza de Castro na may titulong I Feel, It’s Okay (IFIO). Sa tanong namin kung bukas ba siya kung magkakaroon sila ng kissing scene o intimate scene sa pelikula, agad naman kaming sinagot ni Rhian na walang magiging problema sa kanila lalo’t nagkaroon na sila ng kissing scene noon ni Glaiza sa seryeng Richman’s Daughter (RD) pero hindi lang ito naipalabas dahil ‘di pa noon bukas ang mga manonood sa ganitong klase ng mga eksena. 


Pagkukuwento sa amin ni Rhian, sa ilang beses na rin nilang pagsasama ni Glaiza sa mga proyekto ay gamay na nila ang isa’t isa at kaya na nilang magpasahan ng enerhiya at magsaluhan.  


Gumaganap bilang June sa pelikulang Sinagtala kasama sina Rayver Cruz, Glaiza de Castro, Matt Lozano at Arci Muñoz sa ilalim ng direksiyon ni Direk Mike Sandejas, memorable para kay Rhian ang nasabing pelikula dahil bukod sa nasa puso niya talaga ang musika mula pa pagkabata ay nakakita siya ng totoong mga kaibigan at pamilya sa mga nakasama niya sa naturang pelikula. 


Bukod sa regular screening ay may mga block screenings daw sa Sinagtala at masasabi naman na maganda ang pelikula, mahuhusay ang mga gumanap at may mga aral at inspirasyon kang makukuha rito.  


Masaya at kuntento rin si Rhian sa relasyon nila ng kasintahan na si Sam Verzosa na ngayon ay abala rin sa kampanya kung saan tumatakbo ito bilang alkalde ng Maynila. 

Paminsan-minsan ay sumasama si Rhian sa pag-iikot kung saan bigla na lang siyang sumusulpot kapag kaya ng kanyang schedule at nami-miss niya ang kasintahan. 

Tinanong namin kung handa na ba siyang mag-level-up ang relasyon nila ni Sam at mauwi na sa engagement at kasalan ang lahat. 


Para kay Rhian, ang lahat ay nakadepende kay Sam dahil ito ang magtatanong at mag-aalok ng kasal. Pero siniguro sa amin ni Rhian na oo ang isasagot niya dahil ‘di naman siya tatagal sa relasyon nila ni Sam kung hindi siya sigurado sa nararamdaman niya para rito.  



MARAMI ang nagtatanong at nag-aabang kung hanggang saan daw kaya aabot ang reklamong grave threat na isinampa ni Jojo Mendrez laban kay Mark Herras. 


Kung saka-sakaling aakyat ang reklamo at maging kaso, mananatili raw kaya ang kagustuhan ng Revival King na magpatuloy ang kaso o lalambot din ang puso nito at papatawarin din ang Kapuso actor? 


Sa ngayon nga na malayo na ang loob ni Jojo kay Mark, kataliwas naman ito sa namumuong closeness sa pagitan nila ni Rainier Castillo kung saan spotted sila na magkasamang nagsa-shopping at kumakain sa labas. 


Samantala, nagpahayag na rin ng suporta kay Jojo at galit kay Mark si Claudine Barretto dahil sa mga nangyari. 


Marami ang nag-aabang kung sino pa raw kaya ang mga susunod na artista na magpapakita ng suporta at simpatya kay Jojo.  


Sa ngayon ay nakapokus ang Revival King sa The Boy 2025 Nationwide Search para makahanap ng ka-collab ni Jojo sa kantang I Love You Boy na unang pinasikat ni Timmy Cruz at isinulat ni Mon del Rosario. 


Mag-uuwi ang mananalo ng P1 million cash prize. Para makasali, puwedeng magpadala ng sample video online at thru on-ground audition.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Apr. 1, 2025



Zeinab Harake - Instagram

Photo: Zeinab Harake - Instagram



Dumaan pala sa matinding depresyon si Zeinab Harake nu’ng 2022-2023 kung saan nagdesisyon siyang sumailalim sa psychotherapy at medications. 


Sa press conference ng OK2B Empowered Together, Women's Month VIP Event By OKBet kung saan isa si Zeinab sa mga ambassadors, inamin nito na nakaramdam siya na may mga pagkakataon na pumipitik siya kaya napagdesisyunan niyang magpagamot. 


Ayon nga sa sikat na content creator, ito ang panahon na marami siyang pinagdaraanan at kabi-kabila ang mga pamba-bash sa kanya na nakaapekto nang malaki sa mental at emotional health niya.


Ipinagpapasalamat na nga lang niya na nu’ng panahon na ito ay dumating sa buhay niya ang fiancé na si Bobby Ray Parks, Jr. na nu’ng una nga ay iniiwasan niya dahil pakiramdam niya ay hindi pa siya handang pumasok sa isang panibagong relasyon at alam niya na may iniinda siyang sakit na hindi dulot ng ibang tao kundi nanggagaling sa sarili niya. 


Pagbabahagi pa ni Zeinab, nag-exert ng extra effort para makapasok sa buhay niya si Ray at ipinagpapasalamat niya ito dahil ang fiancé ang naging daan para maging mas malapit siya sa Diyos. 


Siniguro rin niya sa fiancé na hindi niya ito ginamit o ginawang rebound lang, kundi minahal niya talaga ito nang totoo. 


Masaya si Zeinab na nalagpasan na niya ang nasabing mental health problem na wala siyang idinamay na ibang tao at nagawa niya ang parte niya sa kanilang pamilya. Sa ngayon nga ay hindi na siya umiinom ng gamot.  


Kinumpirma rin ng content creator/vlogger na ngayong taon magaganap ang kasal nila ni Ray at isa itong outdoor Christian wedding, kung saan ang gusto nina Zeinab at Ray ay magbigay-puri sa Panginoon na siyang sentro ng kanilang relasyon. 


Gusto rin sana nilang gawin ito abroad pero pinili na lang nila sa bansa dahil nahihirapan siyang ilipad ang mga anak. 


Nagkaroon na rin sila ng mga prenup shoot kung saan lahat ng konsepto ay galing mismo kay Zeinab. 


Hindi naman magiging pribado ang kasal gaya ng ginawa ng ibang showbiz couples. Ayon kay Zeinab ay hindi ito gagawing pribado pero hihingi lang siya ng private time dahil mayroon siyang binabalak. 


Bumili na nga sila ng phone na pang-sim blocked dahil ang gusto nina Zeinab ay lahat ng mga larawan at videos ay manggaling sa kanila at sila ang mag-e-edit. 


Nagkaroon na kasi ng karanasan ang vlogger na nu’ng prenup ay inilabas ng isa nilang supplier ang ilang larawan, kung kaya’t umiyak siya at nataranta. 


Ayaw na itong maulit muli ni Zeinab kung kaya’t hands-on siya sa kanyang video team. 

Pakiusap lang ng vlogger ay labas muna ang social media sa araw ng kanyang kasal at ang mahalaga lang ay ang presensiya ng mga taong totoong nagmamahal sa kanila.  


Samantala, isa sa mga umagaw-pansin sa nakaraang Bench Body of Work ay ang ginawang pagrampa ni Zeinab habang nagba-baton twirling, isang pangarap na natupad dahil bata pa lang pala si Zeinab ay dream na talaga niyang rumampa. 

Bench ang nag-suggest na mag-baton twirling siya pero na-disappoint nga lang siya nu’ng ‘di niya nasalo ‘yung baton. 


Pinaliwanagan lang siya ng fiancé na hindi dapat malungkot sa nangyari. Dapat pala ay kasama si Ray na rarampa nang gabing iyon pero natiyempo na may laro ito sa labas ng bansa.



BUKAS ang puso para magpatawad pero isinasarado na ni Jojo Mendrez ang pinto para magkatrabaho silang dalawa muli ni Mark Herras pagkatapos siyang pagbantaan diumano nito na susunugin ang bahay niya. 


Ang huling pagkikita nila ni Mark ay du’n sa 38th Star Awards for TV, nagpaalam lang na magsi-CR ang aktor pero iniwanan siya at hindi na bumalik para makasama sanang mag-present ng isang special award sa naturang awards night. 


Sa press conference ng Revival King, ramdam namin ang lungkot at sama ng loob nito sa StarStruck alumnus, kaya’t nagdesisyon na ito na tuldukan kung anuman ang kaugnayan nila ni Mark. 


Ang tanging hiling na lang niya para sa aktor ay pagbutihan nito ang mga trabahong ipinagkakatiwala sa kanya at matutong mag-ipon, lalo’t may babayaran pa itong bahay sa loob ng mahabang panahon.  


Sa ngayon ay mas lumapit ang loob ni Jojo kay Rainier Castillo, na ayon sa una ay may sariling pera dahil may sarili palang negosyo si Rainier bukod pa sa aktibo rin naman ito sa kanyang showbiz career. Huling napanood ang aktor sa seryeng Black Rider (BR) ng GMA-7.  


Hindi natin alam kung saan hahantong ang tampuhan na ito nina Mark at Jojo pero ang sigurado lang ay tuluy-tuloy ang singing career ng Revival King, kung saan pagkatapos ng matagumpay na revival niya ng kantang Somewhere In My Past (SIMP) at ng original niyang kanta na Nandito Lang Ako (NLA) na composed ni Jonathan Manalo, nakalinya niyang i-revive ang mga kantang Tamis Ng Unang Halik (TNUH), Pare, Mahal Mo Raw Ako (PMMRA) na una namang pinasikat ni Michael Pangilinan at I Love You Boy (ILYB) na lalagyan daw niya ng twist.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page