top of page
Search

ni Melba R. Llanera - @Insider | December 3, 2020


ree


Hindi nagpapaapekto at tinatanggap lang ni Jake Cuenca ang sunud-sunod na pamba-bash sa kanya ng ilang netizens dahil sa paggawa niya ng series na may titulong Ate ng Ate Ko sa TV5.


Isa ang dating Kapamilya actor sa mga pinaparatangan ngayong walang utang na loob dahil sa paglipat sa bakuran ng Kapatid Network pagkatapos na 'di maaprubahan ang franchise ng ABS-CBN.


Binabalikan ng ibang netizens ang mga binitawang salita noon ni Jake na hindi niya iiwan ang ABS kahit na ano ang mangyari sa laban nito at hindi siya lilipat. Isa rin si Jake sa mga artistang nakiisa sa noise barrage-rally ng ABS.


Depensa ng aktor, nagustuhan niya ang proyekto kaya niya tinanggap, bukod pa sa gusto niyang makatrabaho ang dating Kapuso actress na si Kris Bernal.


Pero kahit napapanood ngayon sa TV5 si Jake, nanatili naman ito sa ilalim ng Star Magic management.

May nagtanong sa amin kung makakabalik pa raw kaya sa Kapamilya Network ang mga artistang umalis sa kanila at sumakabilang-bakod kung saka-sakaling maibalik muli ang franchise ng istasyon.


'Di kami makasagot dahil 'di namin alam ang saloobin ng mga nakakataas sa Kapamilya Network.


Ang sigurado lang kami ay lalo nilang aalagaan at mamahalin ang mga artistang nanatili sa kanila at naging tapat.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 25, 2020


ree


Nagulat si Matteo Guidicelli nang matanong tungkol sa bulung-bulungan na on the rocks diumano ang pagsasama nila ng asawang si Sarah Geronimo.


Nakapanayam ng press ang aktor sa nakaraang SunLife Newlywed Starter Pack virtual mediacon at nakakapagtaka nga naman ang pinagmulan ng balita dahil 9 buwan pa lang mula nang mag-civil wedding sila ng Pop Princess at nasa honeymoon stage pa nga naman kung tutuusin dahil wala pang isang taon ang pagsasama nila.


Wala pa ngang masasabing honeymoon talaga sina Sarah at Matteo dahil 'di sila makapagbiyahe dahil sa covid 19 pandemic.


Ayon kay Matteo, napakasuwerte niya na napangasawa niya ang isang tulad ni Sarah na isang mabuti at mabait na asawa.

Tinanong din kung may balak ba silang magpakasal sa simbahan gaya nu'ng naunang balak nila pero nauwi nga sa isang secret wedding.


Sagot ng aktor ay 'pag dumating ang tamang oras lalo na kapag may bakuna na laban sa covid-19.


Kung matatandaan ay isang grand wedding ang unang plano nina Sarah at Matteo at balita na sa Italya ito gagawin kung saan piling-piling mga bisita at malalapit na tao lamang sa dalawa ang imbitado, pero ang lahat ay 'di natuloy at nauwi sa isang civil wedding na lumikha ng kontrobersiya dahil sa pagsugod ng ina ni Sarah na si Mommy Divine dahil lingid sa kaalaman nila ang naganap na kasalan.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 22, 2020


ree


Naiintindihan namin kung hindi na napigilan ni Derek Ramsay ang sagutin ang ilang bashers na grabe kung makapagkomento sa breakup nila ng girlfriend na si Andrea Torres.


Below the belt na rin kasi kung makapagsalita ang iba na akala mo ay kilalang-kilala sina Derek at Andrea. Nariyan na paratangan ang Kapuso actor na 'di kasi ito ang tipo na magpapatali sa kasal, na babaero ito at pinaglalaruan lang ang mga nakakarelasyon, at pati si Andrea ay binabastos na rin ng iba dahil sa mayamang dibdib ng aktres.


Umalma si Derek sa isang netizen na nagsabi na maaaring nasa Kapuso actress ang problema dahil anim na taon ang itinagal ng relasyon ni Derek sa last GF bago kay Andrea na si Joanne Villablanca at mahigit isang taon lamang sa sexy Kapuso actress.


Depensa ng aktor ay mabuting babae ang ex-girlfriend, mahal niya at ipagtatanggol niya sa mga magsasalita laban kay Andrea.

Aminado si Derek na isang "fast breakup" ang nangyari sa kanila ni Andrea at mukhang imbes na ayusin ang isang problema ay nauwi na agad ito sa hiwalayan.


Masakit kay Derek ang paghihiwalay nila ni Andrea dahil minahal niya talaga ang aktres lalo't alam naming kahit ang Kapuso actor ay inisip nang sa kasal at sa pagbuo ng sarili nilang pamilya na nga sila hahantong.


Pero tulad ng sinabi ng aktor na maaaring hindi lang talaga sila laan ni Andrea sa isa't isa, panahon ang kailangan para maghilom ang sugat ng kanilang paghihiwalay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page