top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | October 6, 2025



FB Alexa Miro & Sandro Marcos

Photo: FB Alexa Miro & Sandro Marcos



Tila na-‘wow mali’ si Alexa Miro sa pagturo kay Franki Russell na siyang third party sa hiwalayan nila ng ex-boyfriend na si Cong. Sandro Marcos dahil lumalabas ang pangalan ni Kyline Alcantara na siyang bagong ‘apple of the eye’ raw ng Presidential Son. 


Kung ang Sing Galing Sing-lebrity Edition (SGSE) contestant ay bukas sa pag-amin na hindi siya nagsasarado ng pinto sa posibilidad ng pakikipagbalikan kay Cong. Sandro at aminado rin ito na hindi nagbago o nawala ang pagmamahal niya sa dating kasintahan, tila mabilis namang naka-move on at nakahanap ng ipapalit sa kanya ang ex-boyfriend.


Ramdam namin ang bigat ng loob at nasaktan talaga si Alexa sa interview namin sa kanya sa nakaraang presscon ng SGSE mediacon. Mababasa sa kilos at sa mga mata ng aktres na iniinda niya talaga ang breakup nila ng binatang Marcos.


Sa Instagram (IG) post nga ni Alexa na patungkol sa moving forward, sinabi ng aktres na bawat isa sa atin ay pipili ng tatahaking direksiyon, na magkaibang hakbang at pagpili, pero nasa sa atin kung ano ang pipiliin natin, kung ano ang paninindigan, at kung ano ang hahabulin. 


Nasa sa atin din kung magiging matapang tayo, kung ipaparating natin ang ating boses o mananatili lang tahimik. 


Ayon pa kay Alexa, ang lahat ay nasa sa atin, pero mag-ingat at magkaroon lagi ng puso.

Hindi man diretsahang pinatutungkulan kung ito ba ay may kinalaman sa pinagdaanan nila ni Cong. Sandro, pero tila ito ay paalala ni Alexa para rin sa sarili kung paano tumayo, manindigan at lumaban sa sarili niyang paraan.


Naniniwala kami na sa ngayon ay sasailalim sa masakit, masalimuot at mabigat na proseso si Alexa para maka-move on sa kinauwian ng 5 taon nilang relasyon ng Presidential Son. 


May ilan kaming nakausap na talagang sobra raw na minahal ng aktres ang ex-boyfriend, pero naniniwala rin kami na walang sugat na hindi pinaghihilom ng panahon. 

Magagamot din ang sakit, at kung hindi talaga sila ni Cong. Sandro ang para sa isa’t isa ay may tamang tao na nakalaan talaga para sa kanya sa tamang panahon.



NAKAUSAP namin si Elijah Canlas sa naganap na 38th Awit Awards Nominees’ Vibe Night kung saan isa siya sa mga nag-host sa naturang event. Natanong namin ang mahusay na aktor na isa sa mga artistang tumayo sa entablado at nagsalita sa People’s Monument noong naganap ang ‘Trillion Peso March’ noong Setyembre 21 laban sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.


Para kay Elijah, hindi lang siya isang aktor o singer kundi mamamayan din ng bansang ito na humihiling ng hustisya at pagbabago. 


Ayon sa aktor, marami siyang kakilala at malapit sa kanya na lubhang apektado sa nangyayaring anomalya, at ang pinakamagagawa na lang niya ay maghangad ng bagong bukas, gamitin ang kanyang platform, at maging boses ng iba. 


Hiling din ni Elijah na huwag sanang mabalewala ang ipinaglalaban ng lahat, na huwag tayong patuloy na lokohin at paglaruan ng mga nakaupo.


Well, kinumusta rin namin ang relasyon nila ni Miles Ocampo. Masayang ikinuwento ni Elijah na maayos ang relasyon nila ng girlfriend, at sa kabila ng pagiging abala nila sa kani-kanyang trabaho ay nakakahanap sila ng oras para sa isa’t isa. Malaking bagay na pareho silang nasa showbiz dahil naiintindihan nila ang bawat isa at buo ang suporta nila sa isa’t isa.


Masaya rin si Elijah na isa siya sa mga Vibe jocks. Kauna-unahang pagkakataon pala ito na naging isang jockey siya, at ine-enjoy ng aktor ang bagong karanasan. 

Bukod sa nagustuhan niya na isinusulong dito ang mga original OPM songs, naging malapit na rin sa kanya ang mga kapwa-Vibe jocks.


Excited din siya sa collaboration ng Vibe at ng Awit Awards. Sa nakaraang 38th Awit Awards Nominees Vibe Night ay masigla niyang ini-host ang naturang event kung saan ipinakilala ang mga nominado sa nasabing music award na gaganapin sa darating na Nobyembre 16 sa Meralco Theater.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | September 21, 2025



Gerald at Julia - IG

Photo: Gerald at Julia - IG



Kung mauuwi sa relasyon ang pagkaka-link ni Julia Barretto kay Lucas Lorenzo, masasabing one big happy family ang mangyayari dahil asawa ng nakababatang kapatid ni Julia na si Claudia si Basti Lorenzo, habang ang isa pang Lorenzo na si Mateo ay asawa naman ng malapit na kaibigan ng pamilya Barretto na si Erich Gonzales. 


Si Lucas ang isa sa mga naituturong dahilan ng breakup nina Julia at Gerald Anderson. Sa parte ni Gerald, ang volleyball player naman na si Vanie Gandler ng Cignal HD Spikers ang naituturong third party. 


Si Lucas ay isang equestrian at ngayon ay chief executive ng Restaurant Concepts Group, Inc..


Sa Showbiz Update (SU) show ni Ogie Diaz, kinumpirma nito ang breakup nina Julia at Gerald, na ang aktres daw ang nag-initiate. 


Kasunod nito ang balita na ayaw na raw makita ni Julia ang ex-boyfriend. Marami tuloy ang nag-iisip kung may nagawa kayang hindi maganda si Gerald kay Julia kaya’t mukhang ayaw nang masilayan o makita man lang ng aktres ang ex-boyfriend, o baka naman napuno na lang ito at hindi na kinaya ang mga bagay na hindi na rin nila napagkakasunduan?


Inakala ng marami na si Julia na ang makakatuluyan ni Gerald lalo’t mukha namang minahal at sineryoso ng Kapamilya actor ang nobya. 


Isang reliable source mula sa Laguna ang nakausap namin noon na nagsabing tumitingin ng lupa roon si Gerald at mukhang balak magpatayo ng bahay para sa dating nobya. 


Very open na rin noon ang aktor na nakita na niya si Julia bilang “the one” para sa kanya, pero hindi pa nila naiisip magpakasal dahil gusto niyang i-enjoy muna ni Julia ang single life nito at ang magandang career.


Pero maaaring katulad ng ibang relasyon na nauwi rin sa breakup, hindi lang talaga sila nakatakda sa isa’t isa o maaari rin namang sa tamang panahon ay magtagpo muli ang kanilang landas at doon ay madugtungan ang isang naputol na pag-iibigan.


Sa ngayon, hayaan na muna nating gamutin ng dalawa ang nasaktan nilang mga puso at magpatuloy sa kani-kanilang buhay bilang indibidwal.




Sing Galing


MULING mapapanood ang kinatutuwaang video-kantawanan show ng mga hinahangaan nating celebrities, ang Sing Galing: Sing-lebrity Edition (SGSE)

Simula Sept. 27, 48 na Sing-lebrities ang maglalaban-laban para sa kanilang beneficiaries at para tanghaling susunod na “Ultimate Bida-oke Sing-lebrity.”


Magbabalik bilang Sing Masters si Donita Nose kasama sina K Brosas at Randy Santiago. 


Magsisilbi namang Jukebosses ang Sing-nior Hitmaker na si Rey Valera kasama sina Ariel Rivera, Nina, Ella May Saison, Mitoy Yonting at Ethel Booba.


Kabilang naman sa 48 celebrities na sasali sina Romnick Sarmenta, Dominic Ochoa, Nikko Valdez, Meryll Soriano, Carmi Martin, Valerie Concepcion, Patricia Javier, Leandro Baldemor, Anton Diva, Tetay, Keanna Reeves at iba pa.


Makakasama rin ang mga Sing-tokers na sina Queenay Mercado, Gab Pascual, Yanyan de Jesus, Muse Jazz at Niko Badayos.


Mapapanood ang second season ng Sing Galing: Sing-lebrity Edition tuwing Sabado, 7:00 PM at Linggo, 8:00 PM simula Sept. 27-28 sa TV5, Sari-Sari Channel at BuKo Channel.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | August 22, 2025



Matteo G - IG

Photo: Christopher Roxas at Gladys Reyes



Kinumpirma sa amin ni Christopher Roxas na dumaan sa mabigat na pagsubok ang relasyon nila ng asawang si Gladys Reyes na sa tagal na ng kanilang pagsasama ay hindi nila inasahan na pagdaraanan pa nila. 


Ayon sa aktor-businessman, doon niya mas napatunayan na ang pagpapakasal at pagkakaroon ng pamilya ay isang non-stop learning process at napakahalaga talaga ng komunikasyon para maayos kung anuman ang problema sa isang pagsasama.


Pagbabahagi ni Christopher, nangyari ito noong nakaraang taon at pagdating niya mula sa Australia ay masinsinan silang nag-usap ng asawa. 


Siniguro rin ng aktor na kung maghihiwalay sila ni Gladys, ito ay hindi dahil hindi na nila mahal ang isa’t isa o may third party involved. Ito ay dahil sa sulsol o pagkakampi-kampihan ng mga tao sa paligid nila. 


Isa rin sa mga naging problema ay ang kakulangan sa oras. Dahil maluwag ang schedule noon ni Gladys at walang masyadong trabaho, napansin nito na masyado nang busy si Christopher sa kanilang mga negosyo. Ipinaliwanag niya rin sa asawa na dapat ay i-enjoy nito ang oras kung sino man ang kasama niya—kapag nasa trabaho, kasama siya o ang mga anak, kailangan niyang magpokus at i-enjoy ang oras kung nasaan siya at huwag nang mag-isip pa ng kung anu-ano.


Dahil kabi-kabila ang tukso sa mga aktor lalo na’t madalas ay mga babae talaga ang nagbibigay ng motibo sa kanila, aminado si Christopher na nagagandahan pa rin siya sa iba o nakaka-appreciate pa rin siya ng ganda ng ibang babae, pero sapat na ang maisip niya ang asawa’t mga anak para maiwasan ang tukso. 


Ibinahagi rin ng aktor na ipinangako niya sa sarili na hindi niya gagawin sa pamilya niya ang naging pagkakamali noon ng kanyang ama na nasira ang pamilya nila dahil sa ibang babae.


Ang pagsasama nina Gladys at Christopher ay isa sa mga relasyon sa showbiz na nananatiling matatag at matibay sa kabila ng ilang dekada. Inamin din ng aktor na hindi sa lahat ng pagkakataon ay mahal mo ang asawa mo, pero kapag naiisip niya na si Gladys ang pinili niyang makasama habambuhay ay mas pinanghahawakan niya ang pangako nila na magsasama forever.


Well, sa kabila ng mas sikat at mas malaki ang kita noon ng asawa, hindi nakaramdam ng anumang insecurities si Christopher. Para sa aktor, alam niya kung ano ang naibibigay niya sa kanilang pamilya kung saan si Gladys ang humahawak ng budget.


Sa ngayon ay may dalawang branches na ang resto bar nilang That’s Diner. May commissary din sila, ang Grateful Galley, at ang Manay Gina Canteen sa Kongreso. 

Bukod sa silang mag-asawa ang may-ari ng kanilang mga restaurants, tumatayo ring chef dito si Christopher.



KAKAIBA ang pakulo ng BingoPlus na siyang tumatayo bilang isa sa main sponsors ng 37th Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Television. Magagamit ang prediction skills ng mga manonood kung saan magkakaroon ng guess-and-win promo sa mga major categories ng naturang awards night at puwede silang manalo ng P2,000 worth of gift certificates.


Ilan sa mga kategoryang pahuhulaan ay ang Best Drama Actor and Actress, Best Supporting Actress and Actor, Best Male and Female Host, at BingoPlus Male and Female TV Star of the Year. 


Para makasali, i-click lang ang BingoPlus official Facebook (FB) page para sa full promo details.


Ang 37th Star Awards for Television ay gaganapin sa VS Hotel Convention Center sa darating na August 24 at magsisilbing hosts sina Boy Abunda, Pops Fernandez, Gela Atayde, Elijah Canlas at Robi Domingo.

Bongga, ‘di ba?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page