- BULGAR
- Apr 24, 2022
ni Zel Fernandez | April 24, 2022

Nag-abiso ang Maynilad sa kanilang isasagawang weekly maintenance activity, na posibleng makaapekto sa suplay ng tubig sa West Zone, simula bukas.
Batay sa anunsiyo, simula bukas, Abril 25 hanggang 30, ipatutupad ng Maynilad Water Services ang weekly maintenance activity sa ilang lugar sa Metro Manila at Bacoor City, Cavite.
Sa detalye ng ulat, kabilang sa maaapektuhan ng water interruption ang 20 barangay sa Malabon,10 barangay sa Maynila, 3 sa Navotas, 4 sa Valenzuela, 8 sa Quezon City at 2 sa Bacoor City.
Ayon sa Maynilad, ang naturang lingguhang pagsasaayos sa mga linya ng tubig sa mga tinukoy na lugar ay bahagi ng patuloy na pagpapahusay pa ng water services sa West Zone area.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga apektadong konsumer na mag-imbak ng sapat na tubig sa mga araw na magkakaroon ng water interruption.
Gayunman, tiniyak ng Maynilad na mayroong mga water tanker na naka-standby at handang mag-deliver ng tubig sa mga apektadong komunidad kung kinakailangan.






