ni Elyssa Nichole @Sports | May 2, 2026

Photo: Stage 3 winner si #44 Emmanuel Montemayor ng Go-for-Gold Philippines sa oras na 03:23:09 sa MPTC Tour of Luzon kahapon. (mptcpix)
Palayan City - Ipinakita ni Emmanuel Dave Montemayor ng Go for Gold Philippines ang tikas sa kaskasan matapos nitong dominahin ang Stage 3 ng MPTC Tour of Luzon kahapon na nagtapos sa Nueva Ecija.
Nakasabay ni 24-year-old Montemayor na tumawid sa meta ang teammate nitong si Marc Ryan Lago pero nahirang na Stage winner ang una sa inirehistrong tatlong oras, 23 minuto at siyam na segundo sa 140.1 km. New Clark City - Palayan City habang pumangalawa ang huli.
Dumating na tersero ang isa pang Pinoy rider na si Sumiso Basalan ng Excellent Noodles Cycling Team habang pang-apat si Russian rider Nikita Shulchenko mula sa LCW UAE Cycling Team.
Naagaw naman ni Shulchenko ang overall Individual General Classification sa teammate niyang si Yousef Ibrahiem Alrefai.
Kasama si Alrefai sa peloton ng dumating sila sa finish line pero lumanding ito sa 27th place kaya nalaglag ito sa No. 2 sa IGC sa event na suportado ng Metro Pacific Tollways Corp., Manny V. Pangilinan Group of Companies at Philippine Sports Commission.
Umakyat sa No. 3 sa IGC si Montemayor, 2 minuto at apat na segundo ang lamang sa kanya ng magsusuot ng yelow jersey na si Shulchenko.
Ang mga nasa top 10 sa IGC ay sina Basalan, Mervin Corpuz ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines, Antoine Huby (7RP), Dave Eeron Cangayao ng Standard Insurance Philippines, Ronilan Quita (7RP), Douglas Tyler Hannay ng Excellent Noodles at Rench Michael Bondoc (G4G).
Samantala, nabawi naman ng Go for Gold ng tutok sa Team General Classificaion, pangalawa ang 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines habang Pangatlo ang Standard Insurance Philippines.



