top of page
Search

ni Gerard Arce - @Sports | September 20, 2021



Tila ang inaaabangang rematch sa pagitan nina WBA Super-World welterweight champion “54 Milagros” Yordenis Ugas ng Cuba at nag-iisang 8th-division World titlist Manny “Pacman” Pacquiao ay maisasantabi muna matapos ipag-utos ng pamunuan ng WBA na idepensa ng Cuban boxer ang titulo kay No.1 ranked Eimantas Stanionis ng Lithuania sa loob ng 119 araw.


Kasunod na rin ito sa kagustuhan ng WBA na mabawasan ang bilang ng mga may hawak ng titulo nito sa welterweight, kung kaya’t makabubuting magkaroon na ng 4-fighter tournament na kinabibilangan nina Ugas, Stanionis, Regular World titlist Jamal James, at #5 Russian Radzhab Butaev.


The championship committee call (s for a) Box-Off as necessary for WBA Welterweight division in order to have one champion,” pahayag ni Carlos Chavez, chairman ng WBA Championship Committee sa inihayag na resolusyon, ayon sa nakuhang kopya ng BoxingScene.com. “Based on the hierarchy of WBA rankings the eligible boxers are: Yordenis Ugas (“Super Champion”), Jamal James (“Regular Champion”), Radzhab Butaev (“official challenger”) and Eimantas Stanionis (“leading available contender”).”


In accordance to the previous resolution, Jamal James shall box official contender in Radzhab Butaev by November 2021. Yordenis Ugas must defend the title against the next leading available contender Eimantas Stanionis within 120 days from the date of this resolution. The Super Champion must box the regular champion by the end of March 2022.”


Dahil sa naturang hakbang ay lumabo na ang tsansang maganap pa ang rematch nina Ugas at Pacman matapos ang unang paghaharap noong Agosto 21 na nagresulta sa 12-round unanimous decision pabor sa dating 2008 Beijing Olympics bronze medalists. Maging ang kagustuhan rin ni Ugas na makatapat ang magwawagi sa laban nina WBO 147-pound title holder Terrence “Bud” Crawford at Shawn “Showtime” Porter.


 
 

ni Lolet Abania | September 19, 2021



Tinanggap ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ngayong Linggo ang nominasyon ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang presidential candidate ng partido sa darating na 2022 national elections.


Hinirang si Pacquiao bilang opisyal na kandidato sa pagka-pangulo ng PDP-Laban faction, matapos na iboto ng maraming regional representatives ng partido sa ginanap na national assembly ngayong Linggo.


“Exciting ito dahil malaki ang posibilidad na mananalo tayo sa darating na halalan at ang tunay na PDP-Laban ang magpapatakbo ng gobyerno,” ani Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, na nagsisilbing chairman ng partido.


Unang nagwagi sa senatorial seat si Pacquiao noong 2016 elections hanggang sa kasalukuyang termino at magtatapos sa 2022. Bago pa ang pandemya, kinokonsidera ang senador bilang top absentee mula Hulyo 2018 hanggang Hulyo 2019, kung saan wala siya sa 12 plenary sessions.


Siya rin ay naging top absentee sa House of Representatives mula Hulyo 2015 hanggang Hunyo 2016 na mayroong 22 absences, sa panahon ng pagsisilbi niya bilang Sarangani Representative.


Noong 2016, umani naman ng matinding kritisismo si Pacquiao matapos na ikumpara niya ang mga homosexuals sa mga hayop na batay aniya, sa kanyang religious beliefs.


Gayunman, agad humingi ng paumanhin si Pacquiao sa kanyang mga naging pahayag, subalit nananatili siya sa kanyang paniniwala laban sa same-sex marriage.


Samantala, inendorso ng opposing wing ng PDP-Laban faction na pinamumunuan naman ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi si Senador Christopher “Bong” Go bilang kanilang presidential candidate, at si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kandidato sa pagka-bise presidente sa darating na halalan.


Tinanggap ito ni Pangulong Duterte subalit tinanggihan naman ni Go, kung saan sinabi nitong hindi siya interesado na tumakbong pangulo. Sa halip, kinausap ni Go si Davao City Mayor Inday Sara Duterte para maging running mate ng anak ng Pangulo.



 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | August 30, 2021



Sinalubong ng mainit na pagtanggap ng fans si eight-division boxing champ at kasalukuyang Senador Manny Pacquiao sa kanyang pagbabalik sa Maynila kaninang madaling-araw isang linggo matapos ang pagkatalo kay Yordenis Ugas para sa WBA welterweight championship.


Nasa 60 supporters ang nag-aabang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 bago mag-alas-3:00 nang madaling-araw bitbit ang mga tarpaulin at banner para sa Pambansang Kamao.


Hindi na nasunod ang physical distancing dahil tabi-tabi ang mga ito lalo na nang magkaroon ng komosyon nang maispatan nila ang isang staff ni Pacquiao na kumuha ng libu-libong pera mula sa isang bag ngunit hindi naman ito ipinamigay.


Dumating ang boxing champ ganap na ika-3:23 A.M. sakay ng Philippine Airlines Flight PR 103 mula Los Angeles kasama ang kanyang pamilya at mga staff.


Ayon sa kanyang staff, sasailalim sa 10-day quarantine ang pamilya Pacquiao at lahat ng staff sa isang hotel sa Pasay City kung saan nag-book sila ng pitong kuwarto.


Ikinagulat ni Pacquiao na makita ang kanyang mga supporters na naghihintay sa kanya kaya lubos ang kanyang pasasalamat sa mga ito.


“Pasensiya na kayo hindi tayo nagwagi pero at least, lumaban tayo, hindi tayo sumuko," ani Pacquiao.


Natalo ni Ugas si Pacquiao sa 12-round unanimous decision sa WBA welterweight championship noong Linggo, August 22 (Philippine time) sa Las Vegas Nevada.


"Hindi ko akalain na sasalubong sila nang ganito. Sabi ko, tahimik lang dahil talo naman tayo, hindi tayo nagwagi. Laki ng pasalamat ko dahil para rin akong nanalo [sa] mainit na pagsalubong," dagdag niya.


Inaasahang magbibigay siya ng mensahe tungkol sa plano niya sa kanyang boxing career at eleksiyon sa 2022 pagkatapos ng kanilang 10-day quarantine.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page