top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 14, 2023




Kasinungalingan umano ang pahayag ni Makati City Administrator Claro F. Certeza hinggil sa umano'y pagtatangka ng Lungsod ng Taguig na puwersahang kunin ang ilang pampublikong gusali sa mga barangay na idineklara na ng Supreme Court bilang nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Taguig.


Kasunod ng desisyon ng SC sa paglipat ng hurisdiksyon ng ilang barangay mula Makati patungong Taguig, ang Kagawaran ng Edukasyon ay naglabas ng Memorandum Order 2023-735 na naglilipat ng pamamahala at pangangasiwa sa mga apektadong paaralan sa loob ng mga barangay na ito mula sa DepEd Division ng Makati patungo sa Dibisyon ng Taguig at Pateros.


Batay sa DepEd Order, nagsasagawa ng mga pagpupulong ang mga opisyal ng pampublikong paaralan, guro, magulang, pinuno ng komunidad, at Lungsod ng Taguig bilang paghahanda sa Brigada Eskwela at pagbubukas ng school year.


Kaugnay nito, humiling ng tulong ang DepEd superintendent ng Taguig at Pateros sa Lungsod ng Taguig, kabilang ang paglalagay ng mga security personnel upang matiyak ang kapakanan ng mga estudyante, guro, at kawani, at ang maayos na pagsasagawa ng ang mga nabanggit na aktibidad.


Inatasan ng Taguig ang tagapagkaloob ng seguridad nito na makipag-ugnayan sa superintendent ng paaralan, sa Lungsod ng Makati, sa dating tagapagbigay ng seguridad, Philippine National Police, at lahat ng kaugnay na ahensya.


Gayunman, hinarangan umano ng Lungsod ng Makati at sinasabing pribadong security firm at ilang kaalyadong opisyal ng barangay ang mga pampublikong paaralan at mga lansangan.


Dahil dito, kinukuha ng Taguig ang eksepsiyon sa mga maling pahayag na ginawa umano ng City Administrator ng Makati, kabilang ang mga banta ng mga kasong kriminal at administratibong isasampa.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023




Naglabas ang Taguig City ng pahayag na malugod umano nilang tinatanggap ang pag-unawa ng Makati-LGU sa pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng paglilipat sa hurisdiksyon ng mga pinagdesisyunang lugar.


Ito umano ang magiging daan para sa isang maayos na paglipat, na maiiwasan ang pagkawala ng serbisyo-publiko.


Binigyang-diin ng Taguig na handa silang maging responsable sa pamamahala ng 10 barangay na may parehong dedikasyon at malasakit na ipinamalas nito sa kanyang 28 na barangay.


Inilunsad din nito ang paglikha ng isang joint transition team na magko-coordinate sa mga ahensya ng pamahalaan at lahat ng mga stakeholder para sa mabilis na paglipat ng administrasyon.


Binigyang-diin na ang layunin dapat ay ang kapakanan ng mga residente.


Matatandaang bago pa ang pinakahuling resolusyon na inilabas noong Hunyo 2023, tinanggihan na ng Korte Suprema noong Setyembre 2022 ang unang mosyon ng Makati na humihingi ng reconsideration sa desisyong ginawa noong 2021 na nagpapahayag na

bahagi ng teritoryo ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation, na

kinabibilangan ng parcels 3 at 4, Psu-2031, kasama ang pinagtatalunang 10 barangay, sa

pamamagitan ng legal na karapatan at historikal na titulo.


 
 

ni Gina Pleñago | July 21, 2023




Sinagot ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Taguig ang hirit ni Mayor Abby Binay na hindi matutumbasan ng una ang mga benepisyong ibinibigay ng Makati sa 10 barangay na nalipat na sa kanilang hurisdiksyon.


Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, dapat nang tanggapin ng Makati LGU ang naging pinal na desisyon ng Korte Suprema para maiwasan ang pagkagambala ng

publiko.


Naninindigan ang Taguig LGU na handa sila sa responsibilidad na nakaatang sa kanila sa 10 barangay tulad ng kanilang pag-aalaga sa kanilang 28 barangay.


Pumalag din umano si Cayetano sa naging pahayag ni Binay na tila minaliit ang Taguig sa kakayahang maibigay ang social benefits sa 10 barangay at ipinagmalaki pa na kaya rin aniya ng Makati na ibigay ang scholarship program ng Taguig.


Tinawag pang uncharitable at unfounded ang pahayag na ito ni Binay na irrelevant umano sa pinal na desisyon ng SC.


Sa huli ipinaalala ni Cayetano na ang tanging layunin ng bawat isa ay para sa ikabubuti ng mamamayan at kanilang residente na dapat na tamang gawin ay sundin ang utos ng Korte Suprema.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page