top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 9, 2023



ree

Itinanggi ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na may ipinalabas na kautusan ang SC na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City.


Nagkaroon na umano ng final and executory decision kaugnay nito kung saan itinakda na ang pinag-aagawang Bonifacio Global City (BGC) at 9 pang barangay ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig City.


Ayon kay Hosaka, wala siyang alam na ganitong ipinalabas na kautusan.


Kung mayroon man umanong ganitong kautusan ang SC, ipalalabas ito sa website at social media account ng kataas-taasang hukuman.


Ang paglilinaw ni Hosaka ay bilang reaksyon sa pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay na nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.


“As far as the document that we received, they actually even set it for hearing, that means its not yet final. Kasi sa Omnibus Motion namin wala pang aksyon so as far the city is concerned there is still pending motion,” pahayag ni Binay.


Nang tanungin si Binay kung kailan ang petsa ng hearing base sa natanggap nilang dokumento ay hindi pa niya alam.


“Hindi namin alam kasi di ba naka-break ang Supreme Court, hopefully by this month we will get some idea,” ani Binay.


Dugtong pa ng alkalde na oral argument ang itinakda ng SC alinsunod sa natanggap nilang dokumento.


Samantala, sa panig ng Taguig City, wala umano silang natatanggap na dokumento.


Taliwas umano ang pahayag ni Binay sa resolusyon na ipinalabas ng Korte Suprema noong Abril na nagsasabi na ibinasura na ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso. Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments.


Idinadag pa nito na nagkaroon na rin ng Entry of Judgement sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.


Sa pagresolba sa territorial dispute ay mas pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.


 
 

ni Lolet Abania | June 28, 2021


ree

Personal na humingi ng paumanhin si Makati City Mayor Abigail Binay sa publiko hinggil sa viral video ng isang volunteer nurse na nagkamali sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa isang residente ng lungsod, habang sinabi niyang isa itong matapat na pagkakamali na kaagad din namang naitama.


“We acknowledge the video, it was a human error on the part of the volunteer nurse. It happened last June 25. June 26, the video was shown to us na hindi po siya (indibidwal) nabakunahan, we apologize to the public [for this],” ani Binay sa Palace briefing ngayong Lunes.


Isang viral video ang kumalat kung saan makikitang itinuturok ng isang health worker ang karayom sa braso ng isang vaccine recipient na hindi itinutulak ang plunger, kaya naiwan ang substance sa loob ng heringgilya.


Gayunman, umapela ang mayor ng pang-unawa at maingat na pagpuna sa nasabing volunteer nurse, maging sa COVID-19 vaccination program ng lungsod.


“Maawa po tayo sa nurse, kusang-loob po siyang naglaan ng kanyang oras, tao lang po, napapagod. Naitama naman agad ang pagkakamali. Humihingi rin siya ng tawad and we are giving an assurance na hindi na uli mangyayari ito,” diin ni Binay.


“Huwag na nating pagbintangan ng walang ebidensiya... para siraan ako, ang vaccination program ng Makati. Huwag nating gamitin ito para siraan ang vaccination program ng bansa,” dagdag ng alkalde.


Sa isang statement na nai-post sa Facebook page ng Makati City, sinabi ni Binay na ang insidente ay resulta ng “human error.”


Hinimok din niya ang publiko na mag-move on na at ituon na lamang ang isipan sa COVID-19 vaccine rollout.


Samantala, iniimbestigahan na ng Department of Health ang insidente kung saan itinuturing ito, ayon sa ahensiya na, “clear breach of vaccination protocol.”


Sinabi pa ng DOH na, “Immediate improvements in the protocol shall be made to ensure we limit the chances of this from happening again.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page