ni Jeff Tumbado @News | June 18, 2026

Photo: LTO
Tuluyang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang pribilehiyo sa pagmamaneho ng isang criminology student na sangkot sa viral road rage incident sa Vergara Highway sa Cabanatuan City noong Hunyo 5, 2026.
Ayon sa LTO, napatunayang nagkasala ng reckless driving at pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak ang estudyante matapos ang isinagawang imbestigasyon at pagdinig.
Ipinataw ng LTO ang perpetual disqualification na nagbabawal sa naturang estudyante na makakuha ng anumang uri ng lisensya sa pagmamaneho sa hinaharap.
Bagama’t hindi personal na dumalo ang respondent sa pagdinig, ibinatay ng ahensya ang desisyon nito sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa pamamagitan ng kanyang kinatawan, kasama ang iba pang ebidensiyang nakalap.
Sa kanyang salaysay, inamin ng estudyante na nakainom siya ng alak bago magmaneho at humingi ng paumanhin sa kanyang naging asal.
Inamin din niya na siya ang makikita sa viral na video na bumaba ng kanyang sasakyan at paulit-ulit na sinipa at inatake ang isang truck habang nagaganap ang komprontasyon.
Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang paglabag sa batas-trapiko na naglalagay sa panganib sa publiko, kabilang na ang mga paglabag na ginagawa ng mga estudyanteng driver.



