top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | August 15, 2023




Bigo ang transport group na mapagbigyan sa hirit na dagdag-pisong rush hour rate upang makatulong kahit papaano sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.


Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chief Teofilo Guadiz III, mataas ang pisong hirit na dagdag-pasahe tuwing rush hour.


Mabigat aniya para sa mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney ang pisong dagdag sa pamasahe.


"I think it's too high even one peso for me is a little bit too high. Masyadong masakit sa bulsa

ng mga mananakay," ani Guadiz.


Matatandaang naghain ng petisyon ang ilang transport group para sa dagdag-pisong singil tuwing rush hours upang hindi umano malugi ang mga pampublikong tsuper sa matinding trapik.


Batay sa petisyon, ang paniningil ng surge charge ay mula 4:00am-8:00am; at 5:00pm hanggang 8:00 pm.


Sinabi ni Guadiz na wala ng bisa ang petisyon dahil naghain ng panibagong petisyon ang transport groups para sa dagdag-P2 sa pasahe.


Nakatakdang dinggin ng LTFRB sa susunod na linggo ang panibagong petisyon ng transport groups para sa hirit na dalawang pisong dagdag-pasahe .




 
 

ni Mai Ancheta @News | August 12, 2023




Humingi ng dagdag na P2 sa pamasahe sa jeep ang apat na transport groups upang makabawi sa mataas na presyo sa produktong petrolyo.


Naghain ng petisyon nitong Biyernes ng umaga sa tanggapan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III ang mga grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, FEJODAP, PISTON, at Stop and Go Movement upang payagan silang magdagdag ng P2 singil sa pamasahe sa unang apat na kilometro ng biyahe.


Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, hindi na nila kayang balikatin ang sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na umabot na aniya ng P10 ang itinaas kada litro simula noong Hulyo.


Tumaas din umano nang sobra-sobra ang presyo ng piyesa ng mga sasakyan na dagdag-pahirap sa mga tsuper at operators


Humiling ng pang-unawa si Marquez sa mga pasahero dahil nahihirapan na sila sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng petrolyo at halos kakarampot na lamang ang naiuuwing kita sa kanilang pamilya.


Kapag maaprubahan ang petisyon ng public transport groups, magiging P14 na ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P12.



 
 

ni Jeff Tumbado @News | August 3, 2023




Dadagdagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bilang ng mga Public Utility Bus (PUB) unit na bibigyan ng special permit tuwing special holiday.


Kasunod ito ng inilabas na Memorandum Circular 2023-024 na nag-aamyenda sa Memorandum Circular 2015-008 at Board Resolution No. 052, Series of 2018.


Mula sa dating 25 percent, iaakyat na sa 30% ang kabuuang bilang ng mga yunit ng PUB na nag-apply sa iisang ruta na papayagang makakuha ng special permit tuwing special holiday.


Papalawigin na rin hanggang sa 14 na taon ang year model ng PUB unit na papayagang bigyan ng special permit, mula sa dating 10 taon lamang.


“Special holidays such as Christmas and Holy Week are important holidays that allow many Filipinos to go home even for a few days so that they can reunite with their families, loved ones and friends in the celebration or observation of these dates,” ani LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz III.


Magiging epektibo ang nasabing memorandum simula Agosto 14, 2023.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page