top of page
Search

ni Lolet Abania | November 17, 2020




Pumanaw na si Cebu City Rep. Raul del Mar sa edad na 79.


Ito ang kinumpirma ni House Secretary General Atty. Jocelia Bighani Sipin, subali’t walang ibinigay na detalye tungkol sa dahilan ng pagkamatay ng mambabatas.


Nagpaabot ng pakikidalamhati si Speaker Lord Allan Velasco sa pamilya ni Del Mar.


"Our thoughts and prayers are with his family and his constituencies in the first district of Cebu City, whom he had served well despite his health condition," ani Velasco.


Ayon kay Velasco, kahit nasa ospital si Del Mar, nagagawa pa rin nitong makadalo sa mga virtual plenary sessions at public hearings sa Kamara.


"His contributions to Congress and the nation cannot be overstated, having served a total of nine terms as congressman since 1987. He was a mentor to me and many others," sabi ng Speaker.


"The dedication of Congressman Del Mar to public service is truly remarkable and serves as an inspiration to many. We owe him a debt of gratitude. He will be missed," aniya pa.


Noong 1987 hanggang 1998, 2001 hanggang 2010 at 2013 hanggang sa kasalukuyan, nagsilbi sa unang distrito ng Cebu City si Del Mar bilang kongresista.

 
 

ni Lolet Abania | November 17, 2020




Ilang mga bansa ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na tumulong sa mga naging biktima ng mga bagyo kamakailan sa ating bansa, ayon kay Department of National Defense (DND) Chief Delfin Lorenzana.


"Marami na and we are... ito kasing foreign aid bago makarating sa OCD (Office of Civil Defense), dadaan muna sa Foreign Affairs, sila 'yung nagpa-process. I think the Foreign Affairs is processing some of the help or assistance coming from abroad," ani Lorenzana sa isang interview kanina.


Ayon kay Lorenzana, ang mga nag-alok ng tulong ay United States, Japan at iba pang kalapit na bansa.


Samantala, inirekomenda na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong Luzon matapos ang matinding pinsalang naidulot ng mga bagyong tumama sa bansa noong nakaraang linggo, subali’t wala pang ibinibigay na desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol dito.


Gayunman, iniutos ng Punong Ehekutibo ang pagbuo ng isang inter-agency task force ng gobyerno na siyang agarang tutugon sa publiko sakaling magkaroon muli ng bagyo sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | November 17, 2020




Nakatakdang buksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang ruta ng mga traditional jeepneys sa Metro Manila para sa dumaraming commuters kasabay ng pagsigla ng ekonomiya ng bansa.


Sa Memorandum Circular 2020-073 na inisyu noong November 16, inaprubahan ng LTFRB ang pagbubukas ng walong ruta sa National Capital Region para sa 1,043 units ng traditional public utility jeepneys (PUJs) na magsisimula bukas, November 18.


Umabot na sa kabuuang bilang na 386 ang mga binuksang ruta ng LTFRB para sa 35,022 units ng traditional PUJ sa Metro Manila simula nang ito ay isinailalim sa general community quarantine noong June 1.


Ang mga bubuksang ruta ng traditional PUJ ay ang mga sumusunod:

  • T181 Evergreen Subdivision - Bagong Silang/Evergreen Subdivision – Philcoa

  • T3189 MCU - Recto via F. Huetias, Oroquieta

  • T3190 Pier South - Project 6 via España

  • T3191 Pier South – Project 8 via Quezon Ave.

  • T3192 Project 6 – T.M. Kalaw via Quezon Ave.

  • T3193 Project6-Vito Cruz via Quezon Ave.

  • T3194 Project 8 – Quiapo via Roosevelt Ave.

  • T3195 Project 8 – T.M. Kalaw via Quezon Ave.


“Maaaring bumiyahe ang mga roadworthy PUVs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC,” ayon sa LTFRB.


“Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV. Mada-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB,” paliwanag ng LTFRB.


Gayunman, ayon sa ahensiya, wala silang inaprubahan para sa dagdag na pamasahe sa traditional jeepneys.


Bukod sa traditional jeepneys, binuksan na rin ng LTFRB ang 48 modern jeepney routes para sa 865 units, may 34 na ruta para sa 390 units ng point-to-point bus habang may 4,499 units ng public utility buses (PUB).


Pinayagan na rin ng ahensiya na magbukas ang 118 UV Express routes para sa 6,755 units. Mayroon ding mga authorized 21,436 taxis at 25,068 transport network vehicles services.


Tinatayang nasa 27 provincial bus routes na ang nabuksan para sa 680 units at dalawang ruta para sa Modern UV Express sa 40 units nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page