top of page
Search

ni Lolet Abania | January 28, 2021




Nagpositibo si Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) General Manager Rodolfo Garcia sa test sa COVID-19. Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ngayong Huwebes.


“Tinamaan po ang ating general manager ng MRT3. Mino-monitor ko kaninang midnight, nandoon siya sa isang ospital, nasa ICU (intensive care unit),” ani Tugade.


Bukod kay Garcia, si MRT3 Director for Operations Michael Capati ay tinamaan din ng coronavirus subalit ito ay nagpapagaling na lamang.


Sa hiwalay na statement, ayon sa MRT3, may 36 office personnel habang anim naman sa maintenance provider na Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ang naiulat na nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon kay Tugade, mula sa MRT3 depot sa Quezon City ang mga apektadong empleyado.

“‘Yung mga nagkaka-COVID sa depot, hindi po sa actual operations,” sabi ni Tugade.


Gayunman, sinabi ng DOTr chief na nananatiling walang nai-report na kaso ng COVID-19 sa mga station personnel.


Ayon sa pamunuan ng kumpanya, lahat ng mga personnel na infected ng virus ay naka-quarantine na. Bilang safety measure ay nagsagawa ang MRT3 ng work-from-home arrangement kasabay ng mga limitadong office personnel na nagre-report mismo sa depot, subalit kailangang magnegatibo muna ang resulta ng RT-PCR swab test.


Subalit kahit may COVID-19 cases na naitala sa halos buong depot, ang operasyon ng MRT3 ay magpapatuloy kabilang din dito ang mga station personnel na nagsasagawa ng mga health at safety protocols upang hindi na kumalat ang impeksiyon at makahawa sa mga pasahero.


Gayundin, limitado ang mga bumibiyaheng tren habang nakasuot ng full personal protective equipment (PPE) ang mga stations personnel.


Nagsasagawa rin ng health screening sa mga pumapasok na pasahero at stations personnel, regular na disinfection ng mga train at pasilidad, paglalagay ng mga disinfection stations at pagtatalaga ng mga transport marshals upang masigurong masusunod ang mga health and safety protocols.

 
 

ni Lolet Abania | January 27, 2021




Inilabas na ng Philippine National Police Crime Laboratory ngayong Miyerkules ang resulta ng kanilang findings sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera at ito ay ‘natural causes’.


Nitong Enero 11, lumabas ang isang medico legal report mula sa PNP crime lab subalit ngayon lamang Miyerkules naisumite sa isang Makati prosecutor na sinasabing si Dacera ay namatay dahil sa isang ruptured aortic aneurysm na nag-trigger sa pagtaas ng kanyang blood pressure.


"Manner of death as homicide is ruled out in Dacera's case because the aortic aneurysm is considered a medical condition. Rape and/or drug overdose will not result to the development of aneurysms," nakasaad sa report ng PNP.


"Even overdose and ruptured aneurysm are two different conditions and cannot be both included as cause of death of patient," ayon sa report.


Isinumite ng PNP ang report ngayong araw sa Makati prosecutor na nag-iimbestiga sa reklamong rape with homicide laban sa mga companion ni Dacera bago pa ito namatay.

Matatandaang si Dacera ay namatay noong Enero 1 matapos ang New Year's Eve celebration kasama ang kanyang mga kaibigan.


Naniniwala ang kanyang pamilya na siya ay dinroga at sexually abused subali't itinanggi ito ng mga nakasama at sinasabing hindi nila ito sinaktan.


Ayon pa sa medico legal report, ang "dilatation or aneurysm" sa aorta ni Dacera ay tinawag na "chronic condition that started long time ago or maybe years prior to her death."


"No alcohol or recreational taken the night prior to her death will cause that kind of dilatation or defect on her aorta," nakasaad sa report.


"If she did not die that fateful night, she will still die in any scenario that presents an activity that will increase her blood pressure strong enough to tear that aneurysm."


Sakaling may droga o alcohol na ma-detect sa katawan ni Dacera, ayon sa report, ito ay maituturing na "incidental finding because even by their absence, rupture can occur if blood pressure shoots up from different strenuous physical activities."


"Vomiting or retching may also increase blood pressure and trigger the ruptured aneurysm," dagdag pa ng report.


Ang enlargement o paglaki ng puso ni Dacera, sabi pa ng report ay maaaring dahil sa kanyang chronic hypertension.


Gayunman, ang preliminary investigation ng Makati prosecutor ang siyang magdedetermina kung ang kaso ay dadalhin sa korte na ipagpapatuloy sa Pebrero 3.

 
 

ni Lolet Abania | January 27, 2021




Isinailalim na sa lockdown ang Davao Oriental Provincial Medical Center matapos na 33 sa kanilang staff ang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Agad ding nagsagawa ng disinfection sa buong ospital kasabay ng lockdown na tatagal nang 10 hanggang 14 na araw.


Ayon sa pamunuan ng ospital, hindi muna sila tatanggap ng pasyente kasama na rito ang mga emergency cases.


Gayunman, ang mga pasyenteng na-admit na sa ospital ay mananatili roon at patuloy nilang gagamutin. Ang mga staff na nagpositibo sa test ay naka-isolate na habang nagsasagawa naman ng COVID-19 testing sa mga close contacts at iba pang empleyado ng ospital.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page