top of page
Search

ni Lolet Abania | March 7, 2021





Umakyat na sa kabuuang 594,412 ang COVID-19 cases sa bansa matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3,276 bagong tinamaan ng Coronavirus.


Ito na ang ikatlong magkakasunod na araw na mahigit sa 3,000 kaso ng COVID-19 ang naitala ng ahensiya.


Ayon pa sa DOH, may 10,516 kaso ng mga pasyenteng nakarekober sa virus na umabot sa kabuuang bilang na 545,853 ang mga gumaling.


Meron namang 51 bagong nasawi kaya umakyat na sa 12,516 cases ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | March 7, 2021





Dumating na sa bansa ang 38,400 doses ng COVID-19 vaccines na gawa ng British-Swedish company na AstraZeneca ngayong Linggo nang gabi.


Sina Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. at National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer and Testing Czar Secretary Vince Dizon ang sumalubong sa AstraZeneca vaccines, habang hindi nakasama si Pangulong Rodrigo Duterte.


Bandang alas-6:44 ng gabi nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang KLM commercial flight na siyang may dala sa ikalawang batch ng vaccines.


Bahagi ng 525,600 doses na donasyon ng COVAX Facility ng World Health Organization (WHO) ang dumating na 38,400 doses ng AstraZeneca vaccines sa bansa. Matatandaang dumating nitong Huwebes, Marso 4 ang 487,200 doses ng AstraZeneca.


Inabot ng mahigit dalawang oras bago sinalubong ni Pangulong Duterte ang donasyong bakuna, matapos na dumalo ito sa isang pulong sa Malacañang.


“Itong ipinangako sa ating first tranche na 525,600, itong (38,400) ‘yung naiwan kasi commercial flight ito. ‘Yun lang ang magkakasya sa cargo bay (487,200),” ani Galvez.


“Ito 'yung kakulangan (38,400),” dagdag pa ng opisyal.


Nabanggit din ni Galvez na hindi na sasalubungin ni Pangulong Duterte ang darating na ikalawang batch ng mga bakuna ng AstraZeneca.


Una nang sinabi ng WHO na 4.5-milyon doses ng British-Swedish vaccine ang inaasahang ibibigay sa bansa hanggang Mayo.


Kahapon, sinimulan ng gobyerno ang pagtuturok ng AstraZeneca vaccines sa mga ospital sa Metro Manila habang mag-iisang linggo naman mula nang unang magbakuna ang bansa gamit ang Sinovac vaccine na donasyon ng China.

Sa ibinigay na rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), dapat iturok ang dalawang doses ng AstraZeneca vaccines sa pagitan ng 8 linggo.

 
 

ni Lolet Abania | March 7, 2021





May libreng sakay para sa mga kababaihan bukas, Lunes.


Naglabas ng anunsiyo ang Department of Transportation (DOTr) na ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at ang Light Rail Transit-2 (LRT-2) ay magbibigay ng libreng sakay para sa mga kababaihan bilang selebrasyon ng International Women’s Day.


Nagtakda ng libreng sakay para sa mga kababaihan bukas sa dalawang time slots, alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.


Ito ang paraan ng DOTr para magbigay-pugay sa mga kababaihan at bilang selebrasyon ng National Women’s Month sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page