top of page
Search
  • BULGAR
  • Apr 6, 2023

ni Mabel G. Vieron - OJT @Life & Style | April 6, 2023



ree


Summer na, kaya uso na naman ang mga sakit na maaari nating makuha ngayong tag-init, tulad ng bungang araw, sunburn, dehydration, pagkahilo, fungi at heatstroke.

Ngunit, madalas ay maraming nabibiktima ng heatstroke tuwing tag-init, at ito rin ang pinakaseryosong nangyayari kapag tumaas ng 40°C ang temperatura ng ating katawan, at nangangailangan ito ng agarang atensyon dahil kung 'di natin ito maaagapan ay maaari itong mauwi sa kamatayan.

Bakit nga ba natin nararanasan ang heatstroke? Simple lang, nakukuha natin ito ‘pag matagal tayong na-e-expose sa init o labis na physical activity. Walang pinipiling edad ang heatstroke, mas prone rin dito ang mga taong may iniindang karamdaman tulad ng diabetes, heart problem, obesity at iba pang sakit.

Ang heat stroke ay maaaring maiwasan. Kailangan lang sundin ang mga sumusunod na paraan upang hindi malagay sa peligro ang sinumang miyembro ng pamilya n’yo, lalo na ngayon na mainit ang panahon:

  • Magsuot ng maluwag o magagaan na damit.

  • Uminom ng maraming tubig para manatiling hydrated at ma-maintain ang normal body temperature.

  • Iwasang pumunta sa mainit na lugar at mamalagi lang sa mahangin na lugar.

  • Kung may ginagawang physical activities, bigyan din ang sarili ng oras para magpahinga upang mabawasan ang init sa katawan.

  • Gumamit ng spray bottle, lagyan ito ng tubig at i-spray sa katawan upang maginhawahan.


Kaya iligtas natin sa peligro ng heat stroke ang bawat miyembro ng ating pamilya. Stay safe and hydrated, mga ka-BULGAR! Okie?


 
 

ni Mabel G. Vieron - OJT @Life & Style | March 29, 2023



ree


Nakakapanghina ‘pag may pinagkakautangan ka. ‘Yung tipong, diretso sa mga pinagkakautangan mo ‘yung sinusuweldo mo. Ang masaklap pa, ‘yung nangungutang ka pa sa iba para lang ipambayad sa mga nauna mong utang.


Narito ang mga tips upang maiwasan ang pagkabaon sa utang:

1. MAGKAROON NG EMERGENCY FUND. Isa sa dahilan kung bakit nangungutang tayo ay dahil sa hindi inaasahang pagkakagastusan na wala naman sa budget. Kaya mabuting maglaan at mag-ipon para magkaroon ng emergency fund dahil sa ganu’ng paraan, sakaling magkaroon ng emergency ay mayroon kang nakahandang pera.


2. MAG-SET NG FINANCIAL GOALS. Kailangan mo ito gamitan ng diskarte upang makapag-ipon para sa future at pamilya mo, dahil ‘pag may maayos kang plano, magiging mas madali ang pag-iipon para sa iyo. Maaari ka ring mag-isip ng ibang paraan kung paano mapapaikot ang pera, tulad ng pag-iinvest para naman hindi lang natutulog ang savings mo sa bangko.

3. I-TRACK ANG EXPENSES. Sa pamamagitan nito, malalaman mo kung gaano kalaki ang iyong nagagastos, at masusuri mo rin ang mga gastusin mo kada buwan.

4. BE WILLING TO MAKE SACRIFICES. Kung nais mong magtipid ay kailangan mo rin magsakripsyo tulad ng pagbabawas ng monthly online subscriptions gaya ng Spotify at Netflix upang mabawasan ang iyong credit card bills. Maganda rin kung idi-discuss mo sa iyong pamilya ang mga ginagawa mong money sacrifices. Kapag ginawa mo ito, maaari mo rin silang ma-inspire para isakripisyo ang kanilang mga luho upang mas makatipid kayo. Sa ganu’ng paraan, makakapagtulungan pa kayo para makaahon mula sa utang.


5. MAGKAROON NG EXTRA SOURCE OF INCOME. May mga panahon talagang kapos ang suweldo mo, tapos may mga debt collector pang nangungulit sa ‘yo, kaya dapat ay magkaroon ka ng extra source of income.

6. ‘WAG MANGUTANG KUNG HINDI KAILANGAN. Sa hirap ng buhay ngayon, dapat mong pag-isipan kung kailangan mo ba talagang mangutang. Kung walang-wala ka na talaga, saka mo lang ikonsidera ang pangungutang ng pera sa iba.


7. ‘WAG MAGPAPADALA SA ‘PAMBUBUDOL’ NG IBA. Patunayan mong ikaw ay certified wais sa pamamagitan ng ‘di pagpapa-impluwensya sa pambubuyo ng iba na sumunod sa uso. Tandaan, hindi ka magiging tunay na maligaya kahit pa mayroon kang latest phone every time na may bagong release kung ang kapalit naman nito ay ang pagkalubog mo sa utang na hindi mo mabayad-bayaran.

8. MAGING KUNTENTO SA KUNG ANO ANG MAYROON KA. Ang pinakasimpleng paraan para makaiwas sa utang at makapag-ipon ng pera, ay ang makuntento sa kung ano ang mayroon ka. Hindi naman masamang maghangad ng mga magagandang bagay para sarili at pamilya, kailangan n’yo lang makuntento sa mga simpleng bagay.


Maraming dahilan kung bakit nangungutang ang mga tao at hindi naman masamang mangutang, lalo na kung kinakailangan. Kaya mga ka-BULGAR bago kayo mangutang, maging wais para hindi kayo mabaon sa utang. Okie?


 
 

ni Loraine Fuasan @Life & Style | March 26, 2023



ree


Ang pagba-badyet ay isang diskarte kung paano mapupunan ang iyong pangangailangan base sa hawak mong pera.


Pagdating sa pagnenegosyo, malaking bagay ang pagba-badyet dahil ito ang hakbang para matukoy ang halaga ng ilalabas na pera, gayundin, kung paano gagamitin ang budget sa bawat pangangailangan ng iyong negosyo.


Ang pagba-badyet ay pundasyon ng kaunlaran at seguridad ng negosyo. Nagbibigay-daan upang subaybayan at mas maunawaan kung ang iyong kabuhayan ay nagdadala ng sapat na kita upang maibalik ang iyong puhunan at matiyak na may kikitain ka.


Maaari kang gumawa ng mas mahusay na mga desisyon sa pananalapi sa pamamagitan ng tamang pagba-badyet gamit ang mga tips na ito:



1. MAGING REALISTIC SA PAG-BABADYET NG PERA. Ibig sabihin, isantabi ang pagiging magarbo para sa negosyo at magpokus sa kung ano ang mayroon ka. Ito ang paraan upang makagawa ka ng mas mainam na desisyon para sa ikabubuti ng iyong negosyo. Kung kaya, maging wais sa pagtitipid at huwag isakripisyo ang kalidad ng iyong produkto. Dapat nakabase ka sa aktuwal na sitwasyon o calculated projections. Halimbawa, sa presyo ng bilihin, renta, utilities, at target market.


2. MAGLISTA NG MGA KAILANGAN PARA SA IYONG NEGOSYO. Dapat may talaan ng lahat ng pera na pumapasok at lumalabas. Halimbawa, kung nagbebenta ka ng mga merienda, upang makabili ng mga sangkap para rito, kailangan mong ilista ang lahat ng mga kailangang bilhin dahil maaaring ikagulat mo ang maliliit na bagay kung makalimutan mo ang mga ito. Kahit ang mga ito ay maliit na negosyo, ang lahat ng mga gastos sa pagpapatakbo nito ay dapat na nakalista.


3. IPRAYORIDAD ANG MAHAHALAGANG GASTOS. Isa sa dapat matutunan ng bawat bagong negosyante ay ang unahin ang mga priority expenses tulad ng inuupahang puwesto, utilities, at sahod ng mga staff. Sanayin ang sarili na unahing bayaran ang mga ito dahil ito ang pundasyon ng magandang negosyo.


4. MAGHANDA PARA SA MGA ‘DI INAASAHANG PANGYAYARI. Halimbawa, noong nagsimula kang magtayo ng karinderya, ay P40 lang ang presyo ng bigas per kilo, pero ngayon ay nasa P55 na dahil sa inflation. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang may backup plan ka, halimbawa, maghanap ng bagong supplier.

5. ‘WAG MAGSAYANG NG KAGAMITAN. Huwag mag-aksaya ng mga kagamitan na puwede pang gamitin sa iyong negosyo. Kung hindi pa naman masaydong sira at puwede pang magamit, pagtiyagaan ito upang makatipid, ngunit siguraduhin na palaging malinis ang lahat ng kagamitan, lalo na kung ito ay ginagamit sa pagluluto.


Ang mga tips na ito ay siguradong malaking tulong sa pagpapaunlad ng iyong negosyo.


Tandaan at isagawa ang mga ito kung nais mong magnegosyo o kung kabilang ka sa mga nagsisimulang negosyante. Okie?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page