top of page
Search

ni Mabel G. Vieron - OJT @Life & Style | April 22, 2023



ree


Problemado ka rin ba kung paano mo mapapaganda ang iyong kutis? Hindi na kailangang gumastos nang malaki para gumanda. Narito ang 9 tips na puwedeng gawin ng mga nagnanais maging feeling at looking young.


1. UMINOM NG MARAMING TUBIG. Ang pag-inom ng 8 basong tubig araw-araw ay paraan upang mapanatili ang ating malambot na balat.

2. SAPAT NA ORAS NG PAGTULOG. Ang benepisyo ng pagkakaroon ng sapat na oras ng pagtulog ay naaalis ang mga sobrang likido sa katawan. Kailangan mo ang ‘beauty sleep’ upang hindi magka-eye bags. At para sa mga problemado r’yan, subukang mag-relax bago matulog.


3. IWASANG MA-STRESS. Ika nga nila, “Huwag kang magalit, at tatanda ka agad.” Ang madalas na pagbusangot ay pangit, ‘di ba? Nagsasalubong ang kilay at nakangiwing mga labi. Tumawa ka at ika’y gaganda. Ang pagngiti ay isang natural na paraan ng face lift. Nakapagpa-facelift ka nang walang gastos at nakapagbigay ka pa ng pabor sa iba.


4. GUMAMIT NG SUNBLOCK. Ayon sa dermatologists, ang paggamit ng sunblock ay nakakatulong upang ‘di masunog ang ating mukha. Ang araw ay nagpapakulubot ng balat, nagdudulot din ito ng freckles at posibleng magka-skin cancer dahil sa UV light. Iwasan ang labis na oras ng paglantad ng balat sa sikat ng araw. Ang ilang minuto ay sapat na para makuha ang bitaminang kailangan ng katawan mula sa araw.


5. IWASAN ANG MAUUSOK AT MAALIKABOK NA LUGAR. Polusyon ang malaking problema natin, kaya kung may budget, mag-aircon bus ka na lang.


6. IWASANG MANIGARILYO AT UMINOM NG ALAK. Madaling makatanda ang bisyo. Ang paninigarilyo ay mapanganib sa kalusugan. Ang bisyong ito, kasama ng nakagawiang pag-inom ng mga nakalalasing na inumin ay nakakapagpataas ng tsansa na makapag-develop ng sakit sa baga, atay at cancer. Ang alak ay isa sa mga nakakapagpakulubot ng ating balat. Samantala, ang usok mula sa paninigarilyo ay nakatatanda naman sa ating mukha.

7. GUMAMIT NG MOISTURIZER. Malaki ang natutulong sa pagpapakinis ng mukha ang moisturizer o lotion. Siguraduhing maghilamos muna ng mukha bago maglagay nito. Hindi naman kailangang bumili ng mamahaling brands, ngunit maging wais sa pagpili dahil nagkalat na ang mga fake products.


8. HEALTHY EATING. Mga pagkain gaya ng sariwang prutas, gulay, isda, at karne na ‘di nilagay sa lata o hinaluan ng anumang kemikal ang sikaping kainin araw-araw. Ang mga processed food ay dapat iwasan hangga’t maaari. Umiwas sa pagkaing matataba, mamantika at mga sitsirya.

9. MAG-EXERCISE. Ang paglalakad ang pinakasimpleng uri ng ehersisyo, subalit napaka-epektib. Ang ehersisyong nakapagbibigay, hindi lamang ng malakas na katawan kundi maging matalas na isipan. Kapag energetic ang iyong pagkilos, ang pakiramdam mo ay bata ka pa rin.


Kahit ano pa ang hitsura mo, maging mukhang bata o matanda ka man sa paningin ng iba, ang pinaka-importante ay may tiwala ka sa iyong sarili. Be confident, mga ka-BULGAR!


Okie?


 
 

ni Nympha Miano-Ang @Life and Style | April 22, 2023



ree

Maging ikaw man ay isang metikulosong planner o isang taong basta nakakita ng biyaheng bus, sasampa kaagad para lang makabiyahe ng solo at bahala na, susuungin ang adventure ng buhay.


Para kasi sa iyo iyan ang magiging experience at aral mo sa bagong adventure para matutunang lumakad at magbiyahe na mag-isa. Alam mong ang alaala ng napakagandang biyaheng adventure ay dapat maging unforgettable, kaya ang kailangan mo lang ay sige lang gora lang na makapagbiyahe para makapagsimula ng panibagong adventure sa buhay. Pero paano ba mas mae-enjoy ang solong biyahe sa bawat pupuntahang lugar. 1. Tingnan kung gaano katagal ka sa papasuking adventure. Huwag hayaang ang kakulangan sa libreng oras ang magpapadismaya sa iyo. Basta’t tiyakin na ang pagbiyahe ay lilikha ng pangmatagalang alaala lalo na kung ang destinasyon ay tama. 2. Konsiderahin ang budget at gamitin ito bilang gabay. Ang pagbiyahe nang hindi masyadong magastos ang pinakamagaling na adventure sa lahat. Puwedeng sumakay ng tren patungo sa pinakamalayong destinasyon. Tumambay sa coffee shop o karinderya at makipagkuwentuhan.


Bisitahin ang maliliit na museo, historical centers, art galleries o sight seeing places.


Magtungo sa iba pang visitors’ center. May mga libreng aktibidad kahit saan at may mga impormasyon sa mga pupuntahan, gawing gabay ang mapa sa cellphone at iba pang ideal places na nakarekomenda roon. Kung nakatira ka sa labas ng pangunahing siyudad, isang simpleng day trip sa MRT o LRT lang, ferry o bus ay maghahatid na ng sariwang perspektibo sa araw-araw na buhay.


Kung mahabang biyahe ang plano pumili ng pinakaligtas na lugar sa bansa. Kung may sapat kang budget, may mga deluxe adventure na maaaring ikonsulta sa mga lehitimong professional travel agent na may inaalok na group packages. Mag-ingat lamang at suriing mabuti kung hindi mai-scam sa mga travel packages. Ang tour operators ay may iba’t ibang offer ng mga lugar o aktibidad na depende sa iyong panlasa, pam-beach man ang destinasyon o kaya ay bulubundukin. 3. Matalinong i-manage ang oras, pero maging flexible. Nariyan ang sobrang trapik at delays sa eroplano at hindi laging batid ang lagay ng panahon. Gamitin ang pagkakataon na ito, basahin ang susunod na serye ng biyahe, kausapin ang iba pang stranded passenger o kaya ay magtungo na lang sa lugar na ‘di gaanong dinadayo.


Magandang ideya rin na lumahok sa joiners club o iyong may mga biyaheng magkakasama kahit hindi magkakilala sa isang van, kung hindi naman tawid dagat ang pupuntahan. Dahil sila ang may mga itineraries kung anong mga oras aalis, kakain at pupunta sa isang lugar. Ingat sa biyahe ngayong summer mga lodis and have fun!


 
 

ni Carlos S. Corpuz - OJT @Life & Style | April 10, 2023



ree


Isa ka rin ba sa mga hirap matulog sa gabi? Hindi mapakali o maraming iniisip bago makatulog? Sabi nga nila, ang pagtulog ay nagbibigay ng iba’t ibang benepisyo sa katawan at isip ng isang tao. Pero paano kung ang pagtulog mo tuwing gabi ay hindi sapat at maayos? Ano kaya ang posibleng mangyari sa ‘yo?


Ayon sa isang pag-aaral, kung madalas ay kulang sa tulog ang isang tao, maaari itong magresulta ng maraming malalang problema sa kalusugan, tulad ng sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, diabetes, stroke, labis na katabaan, depresyon at marami pang iba.


Narito ang ilang puwedeng gawin para makatulog nang payapa at mahimbing tuwing gabi:


1. IWASAN ANG PAG-IISIP. Ikalma mo ang iyong isipan. Isa sa mga dahilan kaya hindi makatulog nang maayos ang isang tao ay dahil sa labis na pag-iisip. Kung ikaw ay may inaala o ikinakabahala, puwes, hindi sa oras ng pagtulog ‘yan ginagawa dahil imbes na ikaw ay antukin, ito ay magreresulta lamang ng iyong pag-o-overthink sa mga bagay.

2. IRELAKS ANG SARILI BAGO MATULOG. Maraming paraan para marelaks ang sarili bago matulog. Una, maligo para presko ang katawan. Pangalawa, magbasa ng libro habang umiinom ng gatas, at pangatlo, makinig ng mga relaxing music.

3. PATAYIN ANG ILAW. Ang madilim na paligid o kuwarto ay makakatulong sa pagkakaroon ng mahimbing na pagtulog. Ito ay dahil natutulungan nitong marelaks ang ating mga mata mula sa mga liwanag na nakikita sa mga ginagamit na gadgets.

4. IWASAN ANG PAG-INOM NG KAPE. Aminin natin, tayong mga Pinoy ay walang pinipiling oras o panahon sa pag-inom ng kape. Kaya kung nais mo na makatulog agad nang maayos, iwasan ang pag-inom ng kape sa hapon at gabi.

5. ‘WAG TINGIN NANG TINGIN SA ORAS. Iwasang tumingin sa orasan at itago ang cellphone. Sinasabing kapag tingin nang tingin sa oras, ikaw ay lalong mahihirapan makatulog dahil magdudulot ito ng stress sa iyo.


6. IWASAN ANG PAG-IDLIP SA HAPON. Ang pag-idlip sa hapon o tanghali ay maaaring makaapekto sa iyong pagtulog sa gabi, kaya ang pag-iwas sa gawaing ito ay makakatulong upang antukin nang maaga at makatulog sa tamang oras.

7. MAGDASAL BAGO MATULOG. ‘Ika nga, walang mas ikakapanatag ang loob mo kapag ikaw ay nagdadasal. Sa spiritual na paniniwala, ang pagdarasal ay nakakatulong sa pagkakaroon ng payapa at mahimbing na tulog sa gabi, dahil alam mo sa iyong sarili na mayroong gumagabay sa iyo sa oras ng iyong pagpapahinga.


Ang pagtulog ay paraan ng isang tao para makapagpahinga mula sa nakakapagod na araw ng kanyang buhay. Kaya ‘wag mong hahayaan na pati ang pagtulog ay maaabala pa ng kung anu-anong isipin, problema at distrakyon.


Ang mga nabanggit sa itaas ay pawang tips o paraan lamang sa pagkakaroon ng maayos at mahimbing na pagtulog. Ngunit nasa iyo pa rin kung paano mo didisiplinahin ang sarili sa tamang oras ng pag tulog. Gets mo?



 
 
RECOMMENDED
bottom of page