top of page
Search

ni Mabel G. Vieron @Life & Style | May 30, 2023


ree


Ang sugat ay ang karaniwang problema na maaaring makaapekto sa ating kalusugan. Mahalaga na alagaan natin ito at sundin ang payo ng doktor upang maiwasan ang komplikasyon.


Bukod sa mga gamot, alam niyo bang mayroon ding ilang pagkain na maaaring makatulong upang mabilis na humilom ang mga sugat, impeksyon, at iba pang sakit?


Narito ang ilan sa kanila:

VITAMIN C. Ito ay makukuha sa mga prutas tulad ng kalamansi, dalandan, suha, bayabas, at strawberries. Maaari rin itong makita sa mga gulay tulad ng repolyo, broccoli, at kamote. Puwede mo ring gawing salad ang bayabas at kamote na may kasamang yogurt o keso.

PROTEIN. Ito ay isang mahalagang nutrisyon na kailangan upang mapabilis ang paggaling ng mga sugat. Nakukuha ito sa mga karne tulad ng manok, baboy, baka, at isda. Maaari rin itong makita sa itlog, gatas, keso, yogurt, tofu, beans, at nuts. Puwede mong lutuin ang manok o baboy na may kasamang bawang at sibuyas para sa isang masarap na ulam na mayaman sa protina.

ZINC. Ang zinc ay nakakatulong upang mapalakas ang ating immune system. Nakukuha ito sa mga seafood tulad ng tahong, hipon, alimango, at talaba. Ang iba pang mga pinagkukunan ng zinc ay ang mga butil tulad ng oatmeal, quinoa, at brown rice.

HONEY. Ito ay isang natural na sweetener na may antimicrobial properties. Ito ay nakakapatay ng ilang uri ng bacteria na maaaring maging sanhi ng impeksyon sa sugat. Ang honey ay maaari ring magbigay ng nutrients sa sugat upang mapabilis ang paggaling nito. Maaari itong ipahid ng direkta sa sugat o ihalo sa tubig at tsaa upang inumin. Puwede mo rin itong ipahid sa iyong sugat bago mo ito takpan ng bandage para sa karagdagang proteksyon.

GARLIC. Ito ay may antibacterial, antifungal, at anti-inflammatory properties. Makakatulong ito upang mapababa ang ating blood pressure at cholesterol levels. Maaari itong kainin ng hilaw o lutuin kasama ang iba pang mga pagkain upang mapakinabangan ang mga benepisyo nito.

Ilan lamang ito sa mga maaaring makatulong upang mas mapadali gumaling ang ating mga sugat, impeksyon, at iba pang sakit. Ngunit hindi sapat ang mga ito para malunasan ang lahat ng mga problema sa ating kalusugan.


Kailangan pa rin natin kumonsulta sa doktor lalo na’t kung mayroon tayong malubhang kondisyon. Kailangan nating sundin ang tamang paraan ng pag-aalaga sa sugat tulad ng paghuhugas gamit ang malinis na tubig at sabon, pagtatakip gamit ang malinis na bandage, pagpapalit nito araw-araw. Sa pamamagitan nito, mas mapabilis natin ang proseso ng paghilom at mas maiiwasan natin ang mga komplikasyon.

Kaya mga beshie, alagaan pa rin natin ang ating katawan, upang wala tayong pagsisihan sa huli. Okie?


 
 

ni Mabel G. Vieron @Life & Style | May 23, 2023



ree


Ang varicose veins ay isang kondisyon kung saan ang mga valves ng ating ugat ay humihina. Kaya imbes na makabalik nang maayos ang ating dugo patungo sa puso, naiiwanan ito sa mga ugat na nagdudulot ng paglaki nito. Ang varicose veins ay ang naglalakihang ugat sa likod ng binti, kamay at paa.


Narito ang mga tips kung paano maiiwasan ang varicose veins:

1. IWASAN ANG MATAGAL NA PAGTAYO O PAG-UPO. Kung madalas kang nakatayo, mahihirapan ang iyong dugo na makabalik paitaas. Dahil dito, mas lumalakas ang presyon s a mga ugat sa binti na maaaring pagsimulan ng varicose veins. Kung hindi maiiwasan ang matagal na pagtayo o pag-upo, gumalaw-galaw kada 30 minuto upang maibsan at gumanda ang sirkulasyon ng dugo.


2. BANTAYAN ANG IYONG TIMBANG. Ang mga obese ay madalas magkaroon ng namamagang ugat dahil na rin sa sobrang bigat na pangangatawan. Mas nadaragdagan din ang presyon sa mga ugat na maaaring makasira nito. Kaya ugaliin nating kumain nang wasto at masustansyang pagkain. Iwasan din ang masyadong matatamis, matataba at processed foods na nagiging sanhi ng altapresyon.


3. MAG-EHERSISYO. Ang regular na ehersisyo gaya ng jogging, zumba, yoga, at maging ang paglalakad at stretching ay nakakatulong sa magandang sirkulasyon ng dugo sa ating katawan. Ito rin ay nagpapalakas ng mga ugat upang makaiwas sa varicose veins


Kung ikaw ay nagsisimulang magkaroon ng varicose veins at gusto mong maibsan ang mga sintomas nito, halina't alamin natin ito:

1. PAGSUSUOT NG COMPRESSION STOCKING. Ito ay masikip na medyas na madalas aabot hanggang hita kapag isinuot. Ang stockings na ito ay umiipit sa muscle at ugat ng binti upang ‘di ito mamaga. Kinakailangan itong suotin mula paggising at tangalin lamang bago matulog.


2. PAGTATAAS NG BINTI. Ang pagtataas ng binti ay makakatulong upang maibsan ang mga sintomas ng varicose veins. Mas mainam na itaas ang binti nang mas mataas pa sa ating puso. Maaari itong gawin nang 20 hanggang 30 minuto habang nakahiga at 3 hanggang 4 beses sa isang araw.

3. PAGPAPAMASAHE. Ito ay nakakatulong na pagandahin ang sirkulasyon ng dugo sa ating buong katawan. Tandaan lamang na huwag masyadong madiin ang masahe upang hindi mabugbog ang mga ugat.

4. PAGPAPAHID NG BUTO NG KAMATIS. Ang buo ng kamatis ay mayroong salicylic acid gaya ng gamot na aspirin, ito’y makakatulong upang maiwasan na mamuo ang dugo. Ipahid ang buto ng kamatis sa apektadong ugat nang 3 hanggang 4 beses sa isang araw. Gawin ito sa loob ng dalawang buwan.


Oh, mga besh, ‘wag na masyadong malungkot kung mayroon kang ganito sa iyong katawan, sundin lamang ang tips na nasa itaas at makakasigurado kang effective ito.


Gets mo?


 
 

ni Mabel G. Vieron @Life & Style | May 19, 2023



ree


Hindi na bago sa ating pandinig ang pagkakaroon ng masasamang epekto ng sobrang pag-inom ng alak. Sa totoo lang, hindi na mabilang ang namamatay dahil sa karamdamang dulot nito.


May mga napapabalita ring namamatay dahil sa mga aksidente na may koneksyon pa rin sa alak.


Ngunit kung ang inaakala niyong sakit sa atay at aksidente lamang ang masamang naidudulot ng alak, nagkakamali kayo dahil kung susumahin, aabot sa mahigit 60 uri ng sakit ang maaring makuha sa labis na pag-inom ng alak.


Narito ang ilan sa mga karamdaman na posibleng makuha mula sa sobrang pag-inom ng alak.


1. ANEMIA. Ang labis na pag-inom ng alak ay maaaring makaapekto sa ating dugo. At kung magpapatuloy, maaari itong humantong sa sakit na anemia, kung saan bumababa ang level ng oxygen sa dugo, lalo na kung madalas ang pag-inom ng alak.

2. CARDIOVASCULAR DISEASE. Kung ikaw ay palaging umiinom ng alak, posible ka ring magkaroon ng sakit sa daluyan ng dugo (cardiovascular). Kabilang sa mga sakit na tinutukoy dito ay stroke at atake sa puso na parehong nakamamatay. Ang labis na pag-inom ng alak ay nakakaapekto sa dugo na kung magpapatuloy ay maaaring humantong sa pamumuo.

3. SAKIT SA ATAY. Ito ang pinakakilalang sakit na maaring makuha ng mga taong pala-inom, ito ay ang pagkasira ng atay o cirrhosis. Ang malalang kondisyon ng cirrhosis ay hindi na malulunasan ng gamot, kinakailangan na nitong mapalitan ang nasirang atay sa pamamagitan ng transplantasyon.


4. PAGKALIMOT. Ang talas ng pag-iisip ay natural na nababawasan sa pagtanda ng bawat tao. Ngunit ang taong madalas uminom ng alak ay doble o triple ang bilis ng pagkasira ng mga cells sa utak, kaya mapapaaga ang kanilang pagiging malilimutin.


5. NERVE DAMAGE. Apektado rin ng alak ang mga nerves sa ilang bahagi ng ating katawan. Tinatawag na alcoholic neuropathy ang kondisyon na pagkasirang ito. Dahil dito, maaaring dumanas ng pamamanhid ng ilang bahagi ng ating katawan.


6. ALTAPRESYON. Tinatawag na altapresyon o high blood pressure ang kondisyon ng pagpataas ng presyon ng dugo. Matataas ang chance na ma-stroke at atakihin sa puso ang mga dumadanas ng altapresyon.


7. PAGKASIRA NG PANCREAS (PANCREATITIS). Hindi lamang ang tiyan at atay ang apektado ng tuluy-tuloy na pag-inom ng alak. Maging ang pancreas ay nanghihina rin. Kung masisira ang pancreas, maaari tayong makaranas ng pananakit ng tiyan at pagtatae.


Ilan lamang ito sa mga sakit na nakukuha sa labis na pag-inom ng alak. Oh, alam niyo na mga beshie, ha! Oks lang naman na uminom, basta ‘wag magpapasobra upang ‘di maapektuhan ang ating kalusugan.


Okie?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page