top of page
Search

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 8, 2021


Nakita natin ang kalahagahan ng bus lane.


Tuluy-tuloy ang biyahe, pagsasakay at pagbaba ng mga pasahero at walang singitan sa kalye.


Ito ang araw-araw na eksena sa kahabaan ng EDSA, na ikinatuwa naman ng mga motorista at komyuter.


Ngunit sa kabilang banda, ibang-iba ang sitwasyon sa ibang kalsada. Kapansin-pansing hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon ng ilang motorista.


Kaugnay nito, hindi pa rin talaga nawawala ang mga balagbag na public utility vehicle (PUV) driver, base sa natanggap naming reklamo.


Ayon sa nagreklamo, muntik nang tamaan ang kanilang sasakyan ng bus dahil aniya, wala itong takot na sumisingit. Bukod pa rito, ayaw nitong magbigay-daan sa kapwa motorista.


Nakadidismaya dahil sa totoo lang, 2021 na pero mayroon pa ring tsuper na walang ingat sa kalsada.


Imbes na mag-ingat dahil may dalang mga pasahero, hayan at parang wala kayong takot na masangkot sa aksidente.


Siguro, hindi na sapat ang mga paalala at babala dahil kahit ano’ng salita natin, wa’ paki talaga ang iba at hindi madadala hangga’t walang nasasaktan.


Kaya naman, suhestiyon natin sa mga kinauukulan, baka puwedeng magkaroon din ng bus lane ang ibang pangunahing kalsada sa Metro Manila tulad ng Quezon Avenue. Pag-aralan na kung kakayanin ang ganitong solusyon dahil kung hindi madadaan sa pakiusap ang mga motorista, kailangan talaga ng iba pang hakbang.


Kung nakita natin ang magandang resulta nito sa EDSA, malamang, malaking pakinabang din ito sa ibang kalsada, hindi lang sa mga komyuter kundi pati sa ibang motorista.


Paalala naman sa mga motorista at PUV driver d’yan, hindi n’yo pag-aari ang mga kalyeng dinaraanan n’yo kaya utang na loob, matuto tayong magbigayan at pairalin ang disiplina sa lahat ng oras.


Isa pa, palagi tayong nagrereklamo na kesyo trapik, eh, tayo rin naman ang nagpapasaway sa kalsada. Sa totoo lang, hindi na natin kailangang magpaalala at magmakaawa sa bawat isa na maging disiplinado at mapagbigay sa kalsada, pero heto tayo at muling nagpapaalala.


Kaya para maiwasan ang anumang sakuna, nawa’y lahat ay makipagtulungan. Hindi lang ito para sa ating sarili kundi para rin sa ating kapwa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 7, 2021


Ipasasara ang simbahan ng Quiapo at ipatitigil ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa Pista ng Itim na Nazareno.


Ito ang babala ng Quiapo Church spokesperson kung may mga deboto na manggugulo sa okasyon at lalabag sa mga ipinatutupad na safety protocols sa Enero 9. Aniya, ito ay para matiyak ang kaligtasan ng lahat dahil mayroon pa ring COVID-19, hindi lang sa ‘Pinas kundi maging sa buong mundo.


Matatandang, kinansela ng simbahan ang tradisyunal na Traslacion na dinadagsa ng milyun-milyong deboto, kaya ngayong taon, 15 misa ang isasagawa sa Enero 9 kung saan mananatiling limitado ang kapasidad ng simbahan kada misa.


Gayundin, maglalagay ng LED screen sa labas ng simbahan upang makita rin ng mga deboto na nasa labas ang misa, ngunit kailangang magpatupad din ng isang metrong physical distancing.


Bagama’t kakaiba ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong taon, gawin pa rin natin itong makabuluhan.


Maaga pa lang, hindi na nagkulang sa paalala ang mga awtoridad, kaya panawagan sa mga deboto, tiyaking susunod tayo sa mga umiiral na health protocols at kung magpapasaway lang kayo, manahimik na lang kayo sa bahay.


‘Wag ninyong sayangin ang pagsisikap ng simbahan na maitaguyod ang okasyong ito dahil lang sa pagpapasaway n’yo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 6, 2021


Matatandaang ipinagbawal ang Christmas party o anumang pagtitipon sa anumang opisina ng gobyerno, nasyonal man o lokal bilang hakbang upang maiwasan ang hawaan noong holiday season.


Bagama’t mayorya ng mga lokal na pamahalaan ay tumalima sa kautusang ito, mayroon pa rin talagang pasaway at hindi maawat.


Dahil dito, kinastigo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang alkalde ng Laoag City dahil sa Christmas gathering na sinasabing inorganisa nito sa Ilocos Norte.


Ayon kay Usec. Jonathan Malaya, Interior Spokesperson, ipinag-utos na ni Sec. Eduardo Año ang pag-iisyu ng “show cause order” (SCO) laban sa alkalde dahil sa umano’y paglabag sa kautusang nagbabawal sa mass gathering noong holiday season.


Dagdag pa ng opisyal, nakatanggap sila ng ulat na isang Christmas party ang inorganisa ng alkalde kasama ang iba pang government at barangay officials, kaya agad inatasan ni Año ang alkalde na magpaliwanag.


Nakakadismaya talaga dahil parang walang kadala-dala ang ilang opisyal. Sinabi na ngang bawal ang party, hayan at sila pa itong pasimuno.


At kapag may nangyaring hawaan, sino ang tatawaging pasaway, ang taumbayan?


Tungkulin ninyong matiyak na walang pasaway sa inyong nasasakupan, pero kayo itong nangunguna. Kaya kung may ganitong klase ng lider, ano nang mangyayari?


Bilang lider, kayo ang dapat maging ehemplo sa inyong mamamayan. ‘Wag ‘yung kayo pa itong sakit ng ulo at ang ending, lalong nagpapasaway ang taumbayan.


Panawagan din natin sa mga kinauukulan, sampolan ang sinumang opisyal na lumabag. Patunayan n’yong napaparusahan ang dapat parusahan, anuman ang kanilang katayuan sa buhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page