top of page
Search

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 14, 2021


Hindi bababa sa 20 bus na dumadaan sa EDSA-Santolan busway ang tinikitan ng mga kawani ng Inter-Agency Council Traffic (I-ACT) dahil sa hindi pagsunod sa health protocols vs. COVID-19, partikular sa ipinatutupad na one-seat-apart ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan.


Ayon sa lider ng I-ACT team, kabilang sa mga nasita ay ang hindi pagpapatupad ng one-seat-apart na utos ng pandemic task force, na mahalaga upang maipatupad ang physical distancing sa mga pasahero.


Kaya matapos ang ilang linggong pagbibigay-babala at paalala sa mga bus driver, konduktor at operators, nagsimula nang maniket noong Martes ang task force sa mga lumalabag.


Giit ng I-ACT, dapat nasa 50% lang ang kapasidad ng mga bus, kaya nasa 25% hanggang 30% lang ang mga pasaherong dapat isinasakay ng mga ito.


Kabilang sa mga nasita ay ang isang bus na eksaktong nagsakay ng pasahero sa Santolan station.


Paliwanag ng drayber, sumusunod sila sa kautusan sa one seat apart, ngunit naaktuhan lamang na hindi nila napansin kung saan umupo ang pasaherong kasasakay lang.


Samantala, tuluy-tuloy ang paniniket ng I-ACT hanggang sa matuto umano ang mga bus driver at konduktor na seryosohin ang health protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero.


Sa totoo lang, matagal nang ganito ang sitwasyon sa mga pampublikong sasakyan. Tipong kahit dikit-dikit ang mga pasahero, dedma na para lang makapasok o makauwi sa trabaho.


At siyempre, dahil parang wala namang nagrereklamo, larga lang nang larga ang mga tsuper dahil dagdag-kita rin.


Ngunit sa kabilang banda, nakadidismaya rin dahil parang wala tayong kadala-dala. Ang nangyayari kasi, wa’ ‘wenta ang mga protocols dahil hindi naman sinusunod.


Baka nakakalimutan nating ginagawa ang mga ito bilang hakbang kontra COVID-19.


Tandaan, hindi pa rin bumubuti ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, kaya hindi dapat isantabi ang pag-iingat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 13, 2021


Hindi maaaring mamili ng brand ng libreng bakuna ang mga magpapaturok, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Bagama’t may karapatan umano ang lahat na magkaroon ng mabuting kalusugan, hindi maaaring maging pihikan sa mga babakunahan dahil maraming Pilipino ang dapat maturukan.


Bukod pa rito, sinabi pa ng opisyal na hindi maaaring mamili dahil hindi naman pipilitin ang mga ayaw magpabakuna, pero kailangan aniyang lumagda sa isang waiver ang ayaw magpaturok, lalo na kung kasama ito sa listahan ng mga prayoridad na tuturukan.


Agad na nag-react ang taumbayan at as usual, umani ng iba’t ibang reaksiyon ang pahayag na ito ng opisyal kung saan may ilang pumalag at may mangilan-ngilan namang sumang-ayon.


Gayundin, taliwas sa pahayag ng tagapagsalita ang tugon ng isang mambabatas.


Giit ng mambabatas, hindi patas ang ganitong opinyon dahil dapat bigyan ng opsyon ang taumbayan kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang kanilang nais ipaturok.


Matatandaang sinabi ng Department of Health (DOH) ang pagkuha ng Pilipinas ng 25 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese firm na Sinovac.


Ang naturang bakuna ng Sinovac ay hindi pa nakakukuha ng emergency use authorization mula sa United States at Europe, kumpara sa ibang bakuna na mas mura ang halaga.


Hirit naman ng DOH, malaya ang mga Pinoy na pumili kung ano’ng brand ng COVID-19 vaccine ang nais nila, basta ito ay ligtas at epektibo.


Kung tutuusin, karapatan naman ng taumbayan na mamili ng kanilang ipatuturok dahil una sa lahat, katawan at buhay nila ito. Isa pa, pera naman ng taumbayan ang gagastusin para rito, kaya bakit bawal maging choosy?


Pakiusap sa mga kinauukulan, bigyan natin ng kalayaan ang taumbayan, lalo na sa pagpili ng bakuna dahil dito nakasalalay ang kanilang kaligtasan kontra sa virus.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 12, 2021


Matapos ang holiday season, sinabi ng Department of Health (DOH) na makikita na ang epekto nito ngayong linggo habang patuloy na binabantayan ang bansa hinggil sa pagpasok ng bagong COVID-19 variants.


Matatandaang, noong Disyembre, naiulat ng OCTA Research group ang COVID-19 surge sa Metro Manila dahil sa ilang aktibidad noong holiday season tulad ng pag-uwi ng ilan nating kababayan sa kanilang mga probinsiya.


Ngunit bukod pa rito, naglabas ng paalala ang ahensiya sa mga deboto ng Itim na Nazareno na nagtungong simbahan, na i-monitor ang kanilang mga sarili at kung sakaling makaramdam ng sintomas, agad na magpakonsulta sa doktor at mag-isolate.


Kung sakaling tumaas man ang COVID-19 cases, hindi ito nakapagtataka dahil noong kasagsagan ng Kapaskuhan, hindi maitatangging napakaraming lumabag sa health protocols.


Tipong kahit paulit-ulit na ipinaalalang sumunod sa minimum health standards, wa’ epek dahil talagang dinagsa ang mga pamilihan, gayundin ang mga pasyalan.


Pagdating naman ng pagsalubong sa Bagong Taon, ‘di rin naiwasan ang ilang pagtitipun-tipon ng mga magkakapamilya.


Kung tutuusin, ‘di rin naman maiiwasan dahil marami ang nasabik makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.


Bagama’t wala namang may gustong tumaas ulit ang COVID-19 cases sa bansa, sana’y magsilbi itong paalala sa lahat na patuloy tayong sumunod sa ipinatutupad na health protocols.


Tandaan na anumang oras ay puwede tayong mahawa ng virus, kaya utang na loob, doblehin ang pag-iingat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page