- BULGAR
- Dec 1, 2025
ni Leonida Sison @Boses | December 1, 2025

Nakakabahala ang mabilis at patuloy na pagdami ng kaso ng HIV sa bansa.
Sa panahon ngayon kung saan sagana ang impormasyon at access sa health services, masakit tanggapin na dumarami ang kabataang nahahawahan nito, at tila kulang pa rin ang ating kamalayan tungkol sa HIV prevention at testing.
Ayon sa Department of Health (DOH), nananatiling sexual contact ang pangunahing sanhi ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) transmission, batay sa July-September 2025 HIV/AIDS Surveillance Report. Sa 87% ng naitalang bagong kaso, 3,661 ay mula sa male-to-male sex, 659 mula sa male-to-male/female sex, at 559 mula sa male-to-female intercourse. Ipinapakita nito na patuloy ang vulnerability ng mga Pinoy sa unsafe sexual practices at kulang na sexual health education. Pangunahing sumunod na mode of transmission ang mother-to-child na may 13 kaso, habang needle sharing ay nakapagtala ng isang kaso, maliit ang bilang ngunit lubhang mahalaga dahil ito’y 100% preventable.
Mas masaklap isipin ang kabuuang naitalang 5,000 bagong HIV cases mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa.
Binigyang-diin niya na 30 porsyento ng mga bagong kaso ay kabataan na wala pang 18 taong gulang. Kung magpapatuloy ang trend, maaaring umabot sa 400,000 ang total HIV cases sa bansa, mula sa naitalang 148,831 noong Hunyo 2025.
Dahil dito, muling nanawagan ang DOH ng national public health emergency, kabilang ang dagdag na HIV screening, lalo na sa kabataan.
Kasabay ng pag-obserba ng World AIDS Day, pinaigting na rin ng pamahalaan ang kampanya sa maagang testing at treatment, upang maagapan ang paglaganap ng sakit na ito.
Hindi dapat umaabot sa ganitong level ang bilang ng mga kaso nito kung sapat ang ating pagkilos. Masasabing hindi kasalanan ang pagkakaroon ng HIV, pero kasalanan ng lipunan ang pagpapabaya sa edukasyon, kaalaman, kakulangan sa access sa health services at tamang impormasyon patungkol sa naturang sakit.
Sa panahong nagiging mabilis ang paglaganap ng mga sakit, dapat doblehin ang effort sa pagpapakalat ng life-saving facts — condom use, regular testing, treatment access, at stigma reduction.
Dapat isipin natin na ang HIV ay hindi moral issue, ito ay public health issue. Kung gusto nating pigilan ang pagtaas ng kaso, kailangan nating iwaksi ang hiya, diskriminasyon, at maling paniniwala.
Kailangan ng bansa ng mas malawak, mas maingay, at mas tapat na kampanya tungkol sa paglaban sa HIV. Gayundin, buhay ang nakataya, at hindi sapat ang kampanya kung hindi ito nauunawaan ng bawat mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




