- BULGAR
- Jul 17, 2021
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| July 17, 2021
Nagkataong unang pagbasa sa misa noong Miyerkules ang paborito nating bahagi ng Lumang Tipan. Ito ang istorya tungkol kay Moses at ang nag-aapoy na halamang hindi nasusunog. Ginamit ang istoryang ito ng pumanaw si Obispo Benny “Bido” Tudtud. Namatay ang Obispo kasama ng 50 pasahero sa pagbulusok ng eroplanong turbo prop ng Philippine Airlines na palipad patungong Baguio mula Maynila.
Bumulusok ang eroplano sa Mount Ugo sa Itogon, Benguet, humigit kumulang 200 kilometro mula Maynila. Nasunog ang eroplano at ang mga sakay nito. Kaya’t nahirapan ang mga kamag-anak ng mga biktima na hanapin ang bangkay ng kanilang pamilya. Maraming nagsabi na merong kaugnayan ang kamatayan ng butihing Obispo sa kanyang paboritong istorya tungkol sa nag-aapoy na punongkahoy na hindi nasusunog at ang pakikinig ni Moses sa tinig ng Diyos na pawang nanggagaling sa nag-aapoy na halaman. Hanggang sa huli, hindi natagpuan ang anumang bahagi ng katawan ni Obispo Benny dahil halos magkapare-parehong itsura ng mga sunog na laman.
Tingnan natin ang istorya tungkol kay Moses at ang nag-aapoy na punongkahoy:
“… Nang lalapit na si Moses, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.” “Ano po ‘yun?” sagot niya. Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang — nina Abraham, Isaac at Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. (Exodo 3:4-6)
Pinili ni Bishop Tudtud ang istoryang ito para sa kanyang programa ng diyalogo sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa Marawi kung saan siya naglingkod bilang Obispo. Ano kaya ang nasa isip ng yumaong Obispo ng Marawi sa paggamit niya ng istoryang ito sa kanyang misyon? Sa poster na nakita natin noong araw, makikita ang napakaraming tsinelas na nakaayos sa labas ng simbahan at sa ibabaw ng mga ito mababasa ang “Tanggalin mo ang iyong panyapak dahil ang iyong tinutungtungan ay banal.” (Exodo 3: 4-6)
Bakit at kailan kailangang tanggalin ang mga panyapak? Ano ang sinasagisag ng mga ito? Ang panyapak ay ating proteksiyon, seguridad upang hindi masugatan ang ating mga paa habang naglalakad at naglalakbay. Kung papalawakin pa natin, ang panyapak ay maaaring sumagisag sa anumang seguridad na ginagamit nating pangkubli, taguan, pag-iwas at iba pa.
Mayroong seguridad o proteksiyon na normal at kinakailangan. Ngunit maaaring lumabis ang ating pagkahumaling sa seguridad at proteksiyon. Ang iba’t ibang uri ng seguridad o proteksiyon ay ang posisyon o kapangyarihan; ang yaman o salapi; ang titolo o ranggo; ang kinabibilangang grupo, pamilya, sektor — itsura, maganda, guwapo, makinis, “flawless” ang balat; ang pananalita at nalalamang mga wika; ang karanasan, nakapag-abroad at nakapagbakasyon na kung saan-saan at iba pa.
Patuloy ang pag-alboroto ng Bulkang Taal. Kasabay nito ay ang pag-alboroto ng mga pulitiko. Iba’t ibang ingay at alingasngas na lumalabas, sumisingaw at minsan sumasabog mula sa kanilang bibig. Huwag nating banggitin kung anu-ano ang mga ito. Sapat nang sabihin na malinaw ang pinanggagalingan ng ingay, alingasngas at iba’t ibang uri ng pag-aalborotong hindi nakakatakot kundi nakauumay at katawa-tawa.
Maganda yata sa mga panahong ito na ipakiusap sa napakaraming naghahangad tumakbo sa anumang posisyon na “Tanggalin muna nila ang kanilang mga panyapak dahil nakatapak sila sa banal na dako.” Banal ang anumang bahagi ng ating mahal na bansa. Banal ang ating lupang tinubuan at hindi maaaring payagang mabastos at marungisan ang dangal at kadalisayan nito ninuman.
Kung sagisag ng seguridad ang panyapak, sagisag naman ng dangal at kabanalan ng lupa — ng buong kalikasan ang nag-aalboroto ng Bulkang Taal. Hindi kalabisang himigan at kulayan ang pag-aalboroto ng bulkan at basahin sa tumataas ng usok, sunud-sunod na pagyanig ng lupa at tumitinding pag-alboroto ang Tinig ng Diyos: Hubarin ang inyong panyapak, ang dakong inyong kinatatayuan ay banal.




