top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | June 8, 2022


KUNG sakaling makaupo na si President-elect BBM, puwede niyang ipasiyasat kung may anomalya sa Central Bay reclamation project?


Sa huling bahagi ng 18th Congress, inihabol ni Rep. Enrico Pineda ang resolusyon na nagsusulong na siyasatin ng Kamara ang “illegal claims and onerous changes” sa kontrata sa gobyerno ng DM Wenceslao Corp. sa Philippine Reclamation Authority (PRA) tungkol sa Central Bay Project.


◘◘◘


PINASISIYASAT ang isyu dahil umano tila hina-harass nito ang PRA sa pagpapatitulo.


“Noong September 1989, ang DM Wenceslao at tatlong pang kompanya, collectively know as R-1 Consortium ay pumasok sa isang memorandum of agreement (MOA) sa PRA na sa panahong iyon ay Public Estates Authority (PEA) na tila labag sa Constitution,” saad ni Pineda.


◘◘◘


IMINUNGKAHI na magkaroon ng hearing sa ilalim ng House Committee on Good Government and Public Accountability.


Ito ay upang malinawan lamang kung umabuso o naaayon ba sa batas ang diskarte ng DM Wenceslao.


◘◘◘


SUMABOG na ang Bulusan volcano sa Bicol.


Huh, namumulitika rin ang bulkan?


◘◘◘


MAGBA-VLOG daw si P-BBM.


Huh, tiyak na milyun-milyong piso ‘yan pag nag-monetize.


◘◘◘


KAPAG kinopya ng mga government officials ang vlogging ni P-BBM, mababago ang “landscape” ng social media.


He-he-he!


◘◘◘


LULUTANG pa rin talaga ang mainstream media.


Sa vlogging ay puwede kahit sino kasi’y hindi sinasala o ine-edit ang content nito.


◘◘◘


ANG social media ay magiging tila malawak na karagatan ng mga dumadaloy na impormasyon.


Kasama siyempre riyan ang tone-toneladang toxic info.


◘◘◘


KAHIT ang lumalabas na ulat o impormasyon mula sa giyera ng US at Ukraine ay kaduda-duda.


Tinatambakan kasi ito ng impormasyon mula sa mga espiya ng US at mga kaalyado.


Siyempre, nariyan na rin ang impormasyon mula sa mga kaalyado ng Russia.


◘◘◘


AYAW ipaalis ni Health Secretary Francisco Duque III ang paggamit ng face mask.


Malaking raket kasi ‘yan.


◘◘◘


MAS matutuwa ang mga Pinoy kapag idineklara ni P-BBM sa kanyang inagurasyon sa Hunyo 30 na opsiyonal na lamang ang paggamit ng face mask.


Kumbaga, palalayain niya ang 110 milyong Pinoy mula sa pagkaalipin sa face mask.


◘◘◘


DAPAT iutos agad ni P-BBM ang malawakan imbentaryo ng government fund na ginamit sa COVID-19 pandemic.


Ito ay upang matukoy kung talagang nagkaroon ng talamak na graft and corruption sa paglalabas ng cash assistance at ayuda.


◘◘◘


DAPAT palalakasin ang “auditing system” sa disbursement of fund ng mga LGU.


Puwede gamitin ang mga accounting graduate at mga accountancy student sa malawakang pagbabantay sa “kaban ng bayan”.


◘◘◘


MAITUTURING nang “national security concern” ang isyu sa korupsiyon dahil ninanakaw ang malaking bahagi ng public fund.


Kapag nabantayan ang “public fund”, hindi na kailangan ang dagdag-buwis.


Marerekober ang trilyun-trilyong pisong nananakaw sa kaliwa’t kanang transaksiyon sa pamahalaan.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | June 6, 2022


BUO na ang economic team ni P-BBM.


Walang nagrereklamo!


◘◘◘


IBINABABALA kasi ng world experts ang hindi maiiwasang economic meltdown dili kaya ay stagflation.


Mahalagang bihasa ang mga economic managers na karaniwang batikan at hasa sa aktuwal na responsibilidad sa kani-kanyang ahensiya.


◘◘◘


KAKAMBAL kasi ng economic crisis ang energy crisis hindi maiiwasang pumalag ang ilang sektor na gawing pambayad-utang na loob sa nagdaang kampanya ang puwesto bilang kalihim ng Department of Energy (DOE).


Kinontra agad ang ulat na inirerekomenda ni dating P-GMA ang sariling anak na si Rep. Mikey Arroyo o kaya ay si ERC chief Agnes Devanadera.


◘◘◘


NAGTAAS ng kilay ang mga kritiko nang marinig na ipapapremyo kay Rep. Rodante Marcoleta ang DOE post mula umano sa rekomendasyon mismo ni DOE Sec. Alfonso Cusi.


Namputsa, bangungot ang naghihintay kay P-BBM kapag nalagay sa DoE si

Marcoleta.


◘◘◘


WALA pang naitatalaga para sa DOE.


Paliwanag ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez, kailangan maging maingat si Marcos Jr. dahil isa sa pinakasensitibong kagawaran ito ng pamahalaan.


◘◘◘


IKAAPAT na aspirante sa DoE ay si Undersecretary Benito Ranque.


Ang problema, wala siyang matikas na padrino, maliban sa rekomendasyon ng mga pinakamalaking business at consumer groups.


◘◘◘


NANINIWALA ang business group na si Ranque ang pinaangkop sa puwesto.


Batay ito sa mga inilatag niyang mga programang akmang solusyon sa problema sa enerhiya kamakailan.


◘◘◘


HINDI pa rin malinaw kung babalasahin ni P-BBM ang larangan ng sports.


Batbat ng korupsiyon ang sports gamit ang mga dispalinghadong national sports associations (NSA) na niluluto ang eleksyon.


◘◘◘


WALANG totohanan at seryosong massive or grassroots sports program sa bansa dahil kinokorner ng mga palpak na NSAs ang sports funds.


Kakutsaba rito ang ilang kaduda-dudang opisyales ng Philippine Sport Commission (PSC).


◘◘◘


DAPAT nang buwagin ang PSC at idiretso ang programa sa barangay based sports organization.


Matauhan sana si P–BBM.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | June 5, 2022


MARAMI na ang inilalabas na pangalan na itatalaga ni P-BBM sa kanyang administrasyon.


Pero, wala pang binabanggit tungkol sa kung sino ang itatalagang opisyal para sugpuin ang graft and corruption.


◘◘◘


AMINADO si P-Digong na hindi niya nasugpo ang korupsiyon sa pamahalaan.

Bakit?


Maaaring katabi lang niya ang ilan sa mga korup na opisyal.


◘◘◘


NAKABAON sa burukrasya ang korupsiyon.


Ibig sabihin, kahit sino ang italaga sa iba’t ibang sangay, magnanakaw at magnanakaw ang mga ito.

◘◘◘

LEHITIMO kasi ang pork barrel system.



Hindi isang klase ng “pondo” ang pork barrel, ito ay modus-operandi sa loob ng burukrasya na kinukunsinte ng tatlong sangay ng pamahalaan—Palasyo, Kamara at Hudikatura.


◘◘◘


KAHIT iakyat sa Korte Suprema ang iskema ng pork barrel, hindi pa rin napaparusahan ang mga mastermind.


Bakit? Sapagkat isina-legal ng mga mambabatas at punong ehektibo ang iskemang ito.


◘◘◘


KAPAG legal o lehitimo, hindi ito nangangahulugang “moral” o naaayon sa kaugaliang Pinoy.


Pero, dahil sa talamak na guilty ang mga opisyal ng gobyerno sa iskema ng pork barrel system, nagmimistulang “moral”.


◘◘◘


ANO ba ng “moral”?


Kasingkahulugan ng moral o moralidad ang tinatawag na “social standard”, ito ay ang mga aktibidad, aksyon o desisyon ng kalipunan ng mga tao — na pinaniniwalaang “hindi masama” o “mabuting pagkilos o aktibidad” o katanggap-tanggap sa panlasa ng mayorya ng populasyon.


◘◘◘


IKINAKAMBAL kasi sa “legalidad” ang “moralidad”.

Mas madaling maunawaan ito, kapag ginamit nating eksampol ng sugal o gambling.


◘◘◘


ANG lotto o pagtaya sa casino ay aktuwal na sugal, pero 'yan ay legal — dahil may batas na nagpoprotekta sa ganitong iskema.

Walang nilalabag na batas ang sugarol sa loob ng casino o ang mga bumibili ng tiket sa lotto.


Sa biglang tingin, 'yan ay “moral” o naaayon sa “society standard”.


◘◘◘


ANG simbahan o doktrina ng relihiyon ay karaniwang haligi o protektor ng moralidad.

Pero, ang Simbahang-Katolika o grupo ng mga relihiyon ay tumanggap ng donasyon mula sa PAGCOR at PCSO, kung saan ang salapi ay galing sa sugal.


Kung susumahin, maaaring “moral” ang magsugal.


◘◘◘


GANYAN din sa pork barrel system, sapagkat ang iskemang ito ay pinahihintulutan ng batas, ang salapi na nakukurakot mula sa “substandard na imprastruktura” ay nagiging legal at moral.


Ibig sabihin, kahit hindi dumaan sa maayos na subasta o “nilutong subasta” at may overpricing — lehitimo at naaayon sa moralidad ang “pangungurakot”gamit ang pork barrel system.


◘◘◘


WALA tayong masisisi rito, dahil ang mga mahistrado at huwes ay mga eksperto sa batas na ang ibig sabihin, ang iskema ng pork barrel — at naayon mismo sa Konstitusyon.


Malinaw kung gayon, na dapat baguhin ang Konstitusyon at linawin dito nang espesiko — kung ano ang depinisyon ng “pork barrel” at tukuyin kung ibabawal o kukunsintehin pa rin.


◘◘◘


IBIG sabihin, ang kinopya o bunga ng plagyarismong teksto at porma ng Konstitusyon na kinopya sa US at iba pang bansa—ay siyang susi kung bakit “talamak ang korupsiyon”.


Dapat magkaroon ng Bagong Konstitusyon na hindi kinopya sa US, bagkus ay dapat orihinal na maka-Pilipinas, maka-Filipino at maka-Lahing Kayumanggi.


◘◘◘


ANG korupsiyon sa gobyerno ay lihim na ibinaon sa Konstitusyon upang madaling mawasak ang demokratikong institusyon sakaling umiiwas ito mamanginoon sa mga dayuhan.


Dikta lamang ng mga dayuhan ang Konstitusyon, dapat itong baguhin batay sa pananaw at adhikain ng tunay na Lahing Kayumanggi.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page