top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | September 21, 2022


TILA magtatagal pa ang giyera ng Russia at Ukraine.


Nakakaresbak kasi ang Ukraine sa tulong ng ibang bansa.


◘◘◘


NAKAKADEPENSA naman ang Russia sa embargo ng US at mga kaalyado.

Tumitibay ang Ukraine laban sa Russia.


Pero, tumitibay din ang Russia kontra sa US at mga kaalyado nito.


◘◘◘


NAGKAKAINITAN naman ang US at China dahil sa Taiwan.


Kung ano ang nararanasan ng Ukraine, posibleng ganyan ding senaryo ang mararanasan ng Taiwan kung sakaling dambungin ng China.


◘◘◘


KINUMPIRMA ni US President Joe Biden na dedepensahan nila ang Taiwan kung sakaling salakayin ng China.


Parehong-pareho ng sitwasyon sa Ukraine.


◘◘◘


IMBES na Russia, ang China ang posibleng sumalakay sa Taiwan—at tulad sa sitwasyon ngayon ng Moscow, magdedeklara rin ng embargo ang US at kaalyadong bansa kontra Beijing.


Nasa America ngayon si President Marcos, Jr at kung sakaling sumiklab ang Taiwan-China war, aktuwal na iiral ang US-PHL Mutual Defense Treaty.


Kung sino ang kalaban ng US, siya ring kalaban ng Pilipinas.


◘◘◘


NAPAKAGANDA ng talumpati ni P-BBM sa New York Stock Exchange.


Malinaw ang kanyang promosyon sa Pilipinas.


◘◘◘


MAKAKATULONG nang malaki sa ekonomiya ng Pilipinas ang pagdalaw ni P-BBM sa Amerika.


Makikinabang dito ang bansa.


◘◘◘


MARAMI ang nagsasabi, magkamukhang-magkamukha ang estilo sa pagtatalumpati ng matandang Marcos at ng kanyang junior.


Marami ang umaasa sa ibayong pag-unlad ng Pilipinas mula sa asiste ng US at kaalyadong bansa.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | September 17, 2022


BUBUKSAN na ang nominasyon sa pagiging pangulo ng University of the Philippines (UP).


Ipinagdarasal nating makapili ang Board of Regents ng matapat, matalino at may mabuting track records na magiging bagong UP President.


◘◘◘


ITINUTURING na No. 1 unibersidad sa Pilipinas ang UP — malayo ang agwat sa Ateneo, DLSU at UST.


Nakasalalay ang nominasyon ng sinuman sa matinong paghahalal ng bagong UP president.


◘◘◘


MAHALAGANG maging modelo ang UP sa patas at walang kinikilingan pagpili ng bagong president.


Hindi dapat mahaluan ng maruming pulitika ang pagpili ng bagong pangulo ng No.1 unibersidad sa bansa.


◘◘◘


SA panahon ng modernisasyon, kailangan natin ang mga bagong lider na may patas na pagtrato kaninuman at may matalas na pananaw sa hinaharap.


Mahalaga rin ang sapat na karanasan sa larangan ng pagtuturo sa loob at labas ng bansa.


◘◘◘


MARAMING isyu sa UP at kailangan dito ay matapat, matalino at iginagalang na lider ng unibersidad.


Ipagdasal natin makapili ang board of regents ng lider na magpapaibayo ng integridad ng UP system upang mapahanay ito sa pinakamagagaling na unibersidad sa daigdig.


◘◘◘


PINALAKI nang todo ang badyet ng DepEd.


Sana ay magamit ito sa epektibong programa.


◘◘◘


ISANG malaking paghamon din ang seryosong pagpapaibayo ng farming industry.


Sana’y isulong ang inirerekomenda nating “massive industrialization” ng pagsasaka sa bansa.


◘◘◘


ANG pagsusulong ng industrial grade farming at ibayong pagpaparami ng suplay ng bigas at iba pang produktong agricultural.


'Yan lamang ang tanging epektibong diskarte sa pagpaparami ng suplay at direktang pagbibigay ng trabaho at pagkikitaan sa mga pobreng magsasaka.


◘◘◘


NAGBA-BACKSLIDE ang ilang kapulisan.


Naaalala natin ang husay at galing ni ex-PNP Chief Gullermo Eleazar.


◘◘◘


MAHALAGANG makabalik ang pambansang pulisya sa katinuan.


Kailangan ang malawakang balasa, monitoring at pagkilos ng pambansang pulisya.




 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | September 16, 2022


ISA sa mga naghihikahos na sektor ang transportation industry.


Gumagapang sa hirap ang mga taxi drivers at operators pero hindi sila nasasaklolohan.


◘◘◘


ANG mabigat ay nakakumpitensya sila ng kontrobersyal na “Grab” dahil nagkakamal ito ng limpak-limpak pero simpleng “apps” lamang ang capital.


Sa totoo lang, binili ng Grab ang kakumpitensyang Uber upang makopo ang merkado.


◘◘◘


NGAYON, inaakusahan naman ang Grab ng “backdoor deal” dahil binili rin daw nila ang “Move It.


Ayon kay Atty. Ariel Inton, Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), maaaring makasama sa mga rider at pasahero ang nangyaring bentahan.


◘◘◘


PERO inamin ni Inton na hindi tinututulan ng LCSP ang pagpasok ng mga bagong players sa industriya.


Pero sana ay gawin ito kapag maayos nang naipatutupad ang batas at mga regulasyon pagdating sa motorcycle taxis.


◘◘◘


SA totoo lang, sangkatutak ang reklamo laban sa Grab kabilang na ang “refund”, matapos mapatunayan umano ng Philippine Competition Commission (PCC) na nagkaroon ng overpricing ang Grab.


Humigit-kumulang P25.45M ang inatasan ni PCC na i-refund ni Grab sa kanilang mga pasahero pero hindi pa rin ito naibabalik.


◘◘◘


HINILING naman ng lider ng Digital Pinoys sa Kamara at Senado na imbestigahan ang backdoor entry ng Grab sa motorcycle taxi.

Dahil mistulang monopoly, maaaring makaranas ng “overpriced” ang mga mananakay.


Naghihingalo na ang mga pasahero, sinusupsup pa ng mga buwitre ang natutuyot na dugo.


◘◘◘


DAPAT na ring imbestigahan ang mga nasa likod ng Expanded Parking Scheme.


Ibina-“bangketa” ang budget, isang modus ito, tulad sa iskandalo ng Fertilizer scam noong 2004.

Kahanay din ito ng NBN-ZTE Deal noong 2007, ang Pork Barrel Scam noong 2013, at ang Parking Scheme noong 2019.


◘◘◘


NABATID na umaabot ang nadarambong na P700 bilyon kada taon, katumbas ng 20 percent ng total budget appropriation ng bansa.


P20 sa bawat P100 ay nauuwi sa bulsa ng mga buwaya.

Ibinunyag mismo ni Sen. Alan Peter Cayetano ang bagong modus na “Expanded Parking Scheme” na minamaniobra umano ang pondo ng DPWH.


◘◘◘


SA dating porma ng parking scheme, medyo mas maliit ang halaga at madalas ay sa bicam na ito nangyayari.


Pero, ngayon — sa National Expenditure Program (NEP) pa lang ay nakasalang na ang “parking fund” bago maihain sa Kongreso.


◘◘◘


MAY mga distrito na babawasan ang allocation “by as much as 90 percent, para malapitan sila at sasabihang ibabalik ang pondo pero may favored contractor na ang mga operator na ito.


Inobasyon sa “pork barrel”?

◘◘◘


SINO kaya ang “Bagong Napoles”?


May makakasuhan kaya at makakalaboso na malalaking isda?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page