top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Pebrero 9, 2023


KINUMPIRMA na ang matinding tagtuyot sa ilang lalawigan.


Natuwa ang mga magsasaka sa ulat na kinumpirma ng NASA ang pagkakatuklas ng karagatan sa isang “buwan” sa planetang Saturn.


◘◘◘


KUNG natatandaan ninyo, sa kolum na ito binanggit natin noong nakaraang taon, ay dapat na magbuo ng El Niño Task Force hangga’t maaga pa.


Pero, ito ay kailan lang ipinatupad, kung kailan aktuwal nang may “tagtuyot”.

Huli man daw at magaling — huli pa rin!


◘◘◘


NATUTUYOT na ang mga dam.


Wala namang solusyon d’yan.


◘◘◘


ANO ang ibig sabihin ng matinding El Niño?


Malaki ang tama ninyo: May kakambal itong La Niña.


◘◘◘


ANO ang ibig sabihin ng La Niña?


Tama na naman kayo: Ala-Ondoy na pagbaha at ala-Yolanda na bagyo.


◘◘◘


DAPAT ay maagang paghandaan ang La Niña upang mailigtas ang mga potensyal na biktima sa malaking baha, umaalimpuyong bagyo at hindi inaasahang mala-tsunami na mga alon.


Mayroon bang ganyang preparasyon ngayon?


Wala po.


◘◘◘


KAILANGAN ay ngayon pa lamang ay maglabas na ng executive order para sa La Niña Task Force.


As usual, saka pa lamang kikilos kung kailan nakakaranas na ng kalamidad, tulad ngayon.


Ngekkk!


◘◘◘


TULAD sa mga labandera, inihihiwalay na ang mga damit -- “puti mula sa de-kolor”.


‘Yan mismo ang iringan ng Marcos at Duterte.


◘◘◘


SA ayaw o sa gusto mo, nagsisimula na ang 2028 presidential election.


Nai-bypass agad ang 2025 midterm election.


◘◘◘


NAKALUTANG na ang dalawang protagonist sa 2028 presidential derby.


Ito ay sina House Speaker FM Romualdez at VP Sara.


◘◘◘


DAHIL masyadong maaga pa, sina FM at VP ay mararanasan ang sinapit ni ex-VP Jejomar Binay na nagmaniobra nang napakaaga.


Sa totoo lang, lihim na nangingiti lang si Madame Imee.


He, he, he.

 



 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Pebrero 7, 2023


Tinatangkang baguhin ang Konstitusyon.


Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?


Hindi nila alam ang kanilang ginagawa.


---$$$---


Makikita natin na ang pagkapanalo sa eleksyon ay hindi kasingkahulugan ng pagiging mahusay o matalino.


Bagkus ito ay sukatan lang ng popularidad at dami ng salapi sa kampanya.


---$$$---


Naunawaan kaya ng mga senador at kongresista ang wagas na kahulugan ng Saligang Batas o Konstitusyon?


Sa depinisyon pa lamang ay madaling maintindihan kung dapat bang baguhin ang Konstitusyon.


---$$$---


Ang terminong “Konstitusyon” ay hiram na kataga mula sa banyagang “Constitution” na maikukumpara sa pisikal na katawan ng tao.


Ibig sabihin, kapag binago ang “Konstitusyon”, mistulang idinaan mo sa surgical operation ang iyong babaguhin.


Malinaw na nasa “hukay ang isang paa” ng ooperahan.


---$$$---


Malaki ang tama ni ex-Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. na delikado o mapanganib ang Cha-cha.


Ibig sabihin, gagamit ng anestisya o pampatulog ang mga siruhano.


Malinaw din na “malayang-malaya” ang mga siruhano sa kanilang “procedure” dahil walang kaalam-alam ang pasyente na siya ay isang “biktima”.


---$$$---


Sa depinisyon sa itaas, tumpak ang paniniwala ng iba na posibleng hindi lang “economic provision” ang ioopera.


At “sino” sila o ano ang kuwalipikasyon ng mag-oopera para ipaubaya ang “buhay ng pasyente”?


---$$$---


Kapag walang kakayahan ang mga nagpapanggap na siruhano, ang pasyenteng tinutukoy ay aktuwal na magiging biktima.


Ang mga “waiver” sa mga ospital, bago operahan ang isang pasyente ay karaniwang “pagtakas” lamang sa pananagutan ng mga siruhano — sakaling sadyain o hindi sadyain na lihis ang maging operasyon.


---$$$---


Ang People’s Initiative ay maituturing na isang “waiver” upang payagan ang “siruhano” na mag-opera.

Malaya ang siruhano na “guntingin o anuman ang gawin” sa pasyente habang natutulog.


---$$$---


Sa Tagalog, ginamit ang katagang “Saligan” o katumbas ng pundasyon ng bahay o gusali.


Magtanong kayo sa mga structural engineer kung dapat bang baguhin o galawin ang pundasyon kapag “hindi nagustuhan ang tirahan”.


Walang engineer na nagbubungkal ng “pundasyon” kapag nagdarahop sa buhay ang mga nakatira rito.


---$$$---


Kapag mahina ang gusali, hindi pa rin ang pundasyon ang ginagalaw, bagkus ay nagsasagawa ng tinatawag na “retrofitting” lang.


Reinforcement lamang ang ginagawa kapag humihina ang gusali o bahay.


---$$$---


Kung may problema sa Saligang Batas, reinforcement lamang ang kailangan — at ‘yan ay sapat nang gawin ng Kongreso o magpatupad ng mga bagong batas na naaayon sa Konstitusyon.


Malinaw na ang pagbabago ng Konstitusyon ay idinidikta ng mga dayuhang negosyante upang makontrol ang kayamanan at oportunidad sa pagnenegosyo.


---$$$---


Pinakagrabe, unlimited ang resources ng mga dayuhan sapagkat ang tunay na mithiin nito ay ipasok ang banyagang ideolohiya at burahin ang pagiging patriyotiko ng mga Pilipino.


Isang klase ng pagtataksil sa Inang Bayan ang pagtatangkang babuyin ang Konstitusyon gamit ang mga traydor sa lahing kayumanggi.


---$$$---


Hanggang ngayon, buhay na buhay pa rin ang mga “makapili”.


Nananatiling bulag, pipi at bingi ang mga apo nina Lapulapu, Balagtas, Rizal at Bonifacio.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Decembet 12, 2023


NABAWASAN ang bilang ng mga istambay.

 

Huh?! Batay mismo ‘yan sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Kumbaga, hindi tsismis.

 

---$$$---

 

DUMAMI ang trabaho dahil mismo sa mga idineklarang “Holidays”.

Ibig sabihin, malaking papel ang turismo.

 

---$$$---

 

LUMAKAS din ang produksyon o ang tinatawag na gross domestic products.

Ibig sabihin, masipag at ganado ang industriya.

---$$$---

 

HINDI lang ‘yan, nakontrol ang inflation.

Nadiskaril ang paglobo ng presyo ng mga bilihin.

Isang mabuting regalo ito sa Pasko.

---$$$---

 

NAGTALA ng 5.9 percent growth ang bansa sa third quarter.

Alam ba ninyong ‘yan ang pinakamataas sa Asia?

---$$$---

 

BATAY mismo sa SWS survey, nabawasan ang bilang ng nagdarahop.

“That rate of overall hunger fell among the self-rated poor from 10.8 percent in June 2023 to 7.7 percent in September 2023,” ayon sa datos.

---$$$---

 

TUMALAB ang diskarte ni P-BBM nang lagdaan ang ilang batas tulad ng Trabaho Para sa Bayan Act (RA 11692).

Gayundin, ang Public-Private Partnership (PPP) Act na nagbigay ng dagdag-trabaho.

 

---$$$---

 

SINUPORTAHAN din ng gobyerno ang edukasyon at skills training na nagpatatag sa ekonomiya.

Iyan ang pandepensa sa negatibong epekto ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI).

 

---$$$---

 

ISANG maselang sitwasyon naman ngayon ay ang patuloy na pagkontrol ng China sa West Philippine Sea.

Nilinaw ni P-BBM na lalong pagbubutihin ng Pilipinas ang pagpapalakas ng puwersang-militar sa karagatan.

---$$$---

 

SA totoo lang, matuto nating tanggapin ang mapait na katotohanan.

Hindi kailanman mapipigil ang China sa pananakop sa WPS.


---$$$---

 

MALINAW kung gayon na dapat na doblehin ang budget para sa AFP.

Pero, dapat na tiyakin na hindi ito madarambong.

---$$$---

 

PARAMIHIN na rin nang todo ang mga reservist, pero dapat ay iseryoso ang recruitment at ipasok agad sa iskema ng AFP.

Ibig sabihin, dapat nang maging “organic part” ng AFP ang reservist at pasuwelduhin ang mga ito katulad ng mga aktuwal na sundalo.

---$$$---


ANG training ay dapat hindi sa loob ng mga kampo, bagkus ay sanayin sila nang aktuwal sa Palawan, Zambales, Batanes at Mindoro.

Seryosohin ng AFP ang recruitment ng mga aktuwal na reservist — at hindi “drowing-drowing” lang.

---$$$---

 

ANG sistema ng edukasyon ay dapat na may inobasyon.

Magkaroon dapat ng parallel approach sa “traditional education system”.

Ibig sabihin, bigyan-daan ang “tutorial system” kasabay ng “basic education” — at gawin itong voluntary.

---$$$---

 

ANG “tutorial system” ay siyang unang sistema ng edukasyon, kung saan ang mga anak ng hari ay pinatuturuan sa mga “sinaunang paham” at pilosoper.


Ngayon, turuan ang mga kabatan ng “metaverse” — digital, AI at lengguwahe ng iba’t ibang bansa.


‘Yan ang makabago at epektibo.

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page