top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | December 20, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Malagim na balita.

Nahulog sa bangin ng Kennon Road sa Baguio City at namatay si ex-DPWH undersecretary Maria Catalina Cabral.

Nakikiramay po tayo.

 

----$$$--

HINDI pa matukoy kung “suicide” o “murder” ang naganap.

Ang Pasko ay isang luksa sa kaanak ni Cabral.

 

----$$$--

MABAGAL kasi ang pagkilos ng Ombudsman.

Hindi malinaw ang direksiyon!

 

----$$$--

PASKO na, ano pa ang hinihintay ni Ombudsman Boying?

Naninindigan si DPWH Sec. Vince Dizon na dapat masampahan ng kaso si dating House Speaker Martin Romualdez.

Walang talab!

 

----$$$-

Sa year-end presscon, sinabi ni Sec. Vince na inirerekomenda na ang pagsasampa ng kaso laban sa 87 indibidwal dahil sa flood control mess.

Kasama sina Romualdez at ex-Rep. Zaldy Co sa pinakakasuhan.

 

-----$$$--

WALA pa rin naririnig na aksyon mula kay Ombudsman Boying.

Kahit papaano, pagdating kay Co, ay may malinaw nang direksyon ang kaso, pero sa kanyang “bossing” ay Malabo pa sa “burak”.

 

----$$$--

SINASABING noong Nobyembre pa nagrekomenda ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan ng kaso ang dating speaker.

Hanggang ngayon, wala ni isang aktuwal na kaso laban sa kanya mula sa Office of the Ombudsman.

 

----$$$--

MAYROON bang freeze order?

Walang pormal na aksyon.

Marami tuloy ang nagdududa sa proseso.

 

----$$$--

MAY patutsada kasi na magka-“brod” ang dalawa.

Hindi tuloy mawala sa isip ng mga kritiko ang ipinatutupad umano na “selective justice.”

 

----$$$--

NGAYON, sa pagkamatay ni Cabral, lalong iinit ang isyu sa flood control projects.

Asahan natin ang sari-saring haka-haka, espekulasyon at tsismis.

 

-----$$$--

Paano matatahimik ang kaluluwa ni Cabral kung ang mga tunay na “mastermind” ay hindi makakasuhan man lang.

Ipagdasal natin na hindi na masundan pa ng “isa pang Cabral”



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | December 18, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Sisimulan na ang rehabilitasyon ng EDSA.

Isasarado ang malaking bahagi ng EDSA, epektibo sa Disyembre 24.

 

-----$$$--

MALINAW na sobrang trapik ang mararanasan ng Metro Manila ngayong Pasko.

Walang kinalaman ang inyong mga ninong at ninang sakaling hindi n’yo sila matagpuan sa kanilang mga bahay sa katuwirang “traffic kasi.”

 

-----$$$--

IMBES na dalawang taon, magiging walong buwan ang itatagal ng rekonstruksiyon.

Mahabang away ng mga motoristo ang mararanasan.

 

-----$$$--

TALIWAS sa mungkahi ng ilan na magsagawa muna ng dry run sa traffic reroute, hindi ito isinagawa.

Walang duda, maraming isisisi at magmumura laban sa DPWH, MMDA at Malacañang.

 

-----$$$--

MAAARING matuwa ang mga tao sakaling matapos ang EDSA rehab, pero habang ginagawa ito sa loob ng walong buwan—katakut-takot na galit ang ating masasaksihan.

Dagdag-konsume ito sa Malacañang na pumapasan ng kaliwa’t kanang batikos.

 

-----$$$--

MAGKATUWANG na pinaparusahan ng United States at Russia ang mga huwes at prosecutor ng International Criminal Court (ICC).

Lihim na natutuwa si Sen. Bato.

 

-----$$$--

MISTULANG nagdeklara ng giyera kontra-ICC ang kapwa sina US President Donald Trump at Russia strongman Vladimir Putin.

Parehong BFF ni Digong sina Trump at Putin.

 

-----$$$--

IGINAGANTI nina Trump at Putin ang sinapit na kaapihan ni Digong sa kamay ng ICC.

Binabastos kasi ng ICC ang soberanya, Konstitusyon, kultura at tradisyon ng ibang bansa.

 

----$$$--

NAGBABALAT-KAYO ang ICC na sila ang nagtatakda ng moralidad sa buong daigdig—gayung ang moral standard ay nakapundasyon dapat sa kultura at tradisyon ng bawat isang bansa, na may soberanya at malaya sa panghihimasok na “foreign” influence.

 

----$$$--

DAPAT ay magkaroon ng parallel international court para litisin naman ang mga “lider” o “tao” na nagtatraydor o bumabastos sa soberanya ng kani-kanyang bansa.

Guilty ang ICC sa panghihimasok sa “internal law” ng isang independent country tulad ng Pilipinas.

 

----$$$--

BINABASTOS ng ICC ang US at Russia kaya’t sila ay pinarurusahan.

Pero, dapat ay parusahan din ng US at Russia ang sinumang lider at bansa na kakuntsaba ng ICC.

 

-----$$$--

MAPAPARALISADO ang operasyon ng ICC dahil sa sanctions ng US at Russia.

Sa malaon at madali ay titiklop ito dahil sa pambabastos sa soberanya ng ibang bansa at pagpapapagamit bilang “political tool” ng mga makasariling mga pulitiko sa dikta ng mga dambuhalang negosyante.

 

-----$$$--

MAGHIHINTAY tayo sa mga kasunod na kabanata kung popostura pa rin ang ICC bilang “moral leader” ng daigdig.

Nakasusuka, nakahihiya, nakasusulasok ang pagpapagamit nila bilang kasangkapan sa pulitika at umaastang negosyo ang kanilang institusyon—sa pagkolekta ng pondo mula sa iba’t ibang bansa!





Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | December 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Marami ang nagtatanong: Ano ang ugat ng korupsiyon sa Pilipinas?

Ang ugat ng korupsiyon sa Pilipinas ay siya ring ugat ng korupsiyon sa ibang bansa.


----$$$--

ANG korupsiyon, kung uugatin, ay bunga ng kasakiman ng tao.

Ito ay ang pagiging materyalistiko ng tao, at dahil ang mga opisyal ng gobyerno ay tao, kakambal nila ang kasakiman at pagiging gahaman.


-----$$$--

PWES, ergo—upang mawala ang korupsiyon, dapat ay mabura o talikdan ng tao partikular ang mga opisyal ng gobyerno ang kasakiman o pagiging ganid.

Ang kasuwapangan, ganid at sakim, ay isang negatibong ugali ng isang tao—na ang paniniwala sa buhay ay nakapundasyon sa materyal.

 

----$$$--

SA hinaba-haba ng sibilisasyon o libo-libong henerasyon ng mga tao, nakatuklas ang matatalinong tao ng solusyon sa “kasakiman.”

Inimbento at nilikha nila ang tinatawag ng “relihiyon.”

Ito ay ang pananampalataya sa isang Diyos na hindi nakikita ng mata at hindi naipapasok sa laboratory o nasisilip sa microscope, pero nararamdaman!


-----$$$--

ANG kasakiman—o pag-i-interest na makamkam ang materyal na ari-arian ng ibang tao—ay nagbubunga ng away, kaguluhan at digmaan.

Dapat nating maunawaan ang konseptong ‘yan, upang maunawaan din ang nagaganap na korupsiyon—hindi lang sa Pilipinas, bagkus ay maging sa ibang bansa.


-----$$$--

NABUO ang relihiyon na nagmula sa mistismo upang ang tao ay matakot na gumawa ng masama—at ang pundasyon ng kasamaan ay korupsiyon o pag-iimbot ng ari-arian ng kapwa tao.

Nagkaroon ng “Diyos”—na inilalarawan na sobrang makapangyarihan; nasa lahat ng lugar, nasa lahat ng panahon;  sobrang talino’t may alam sa lahat.

Omnipotence, omnipresence; at omnisciense!


------$$$--

Kailangang magkaroon ng takot sa Diyos ang lahat ng tao—lalo na ang mga opisyal ng gobyerno.

Nagbuo ng doktrina ang mga relihiyon upang masugpo ang kasakiman at itakda ang moralidad sa lipunan.


----$$$--

SA totoo lang, aminin o hindi ng mga eksperto sa batas—ang mga modernong Konstitusyon at mga ideolohiyang umiiral ay nakapundasyon sa “Ten Commandments.”

Ang Divine Law, tradisyon at kultura – na “hindi nakasulat”—ay iginagalang ng hudikatura o mismo ng Korte Suprema—bilang bahagi ng kanilang mga desisyon sa maseselang kaso.


------$$$--

NAGKAROON ng relihiyon upang itakda kung alin ang “kasalanan” o “hindi kasalanan.”

D’yan kinopya ang terminong “ilegal” at “legal,” “naaayon sa batas,” at “labag sa batas”.

Kung walang batas, walang lalabagin—lehitimo ang lahat ng kilos ng tao.

 

-----$$$--

KUNG walang doktrina tungkol sa “kasalanan” ang mga relihiyon—at sekta, magiging “banal” ang mga tao dahil hindi sila “nagkakasala.”

Pero, ang resulta ng kawalan ng doktrina at kawalan ng batas o Konstitusyon—ay nagbunga ng away-away, patayan at digmaan.

Ito ay dahil ang pagpatay at pandarambong ay hindi sakop ng batas at doktrina.


-----$$$--

IGALANG natin ang batas, igalang natin ang doktrina at mahalin natin ang umiiral na gobyerno.

Iyan ang solusyon sa katiwalian.


----$$$--

PERO kapag ang gobyerno ay aktuwal na “nilalaro” o “minamanipula” ang batas, at ang sekta’t relihiyon ay binabastos ang doktrina, asahan natin ang walang katapusang kaguluhan.


Iyan ang batas sa gubat – matira ang matibay!

Maunawaan sana ito ng lahat.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page