top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | November 21, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nagulantang ang lahat sa pasabog ni Sen. Imee sa kilos-protesta ng INC sa Luneta.

Inakusahan niya ang sariling kapatid at First Family na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Nanangkupooo!

----$$$--

SARI-SARI ang opinyon sa social media sa eksena ni Manang Imee na isinapubliko na mismo ang “away” sa kanyang Ading.

Hindi makapaniwala ang marami.

----$$$--

PERO iisa ang malinaw, sinapawan nito ang expose ni ex-Rep. Zaldy Co kaugnay ng insertion at iskandalo sa flood control project.

Maging si Sen. Ping Lacson ay “bumigay” at inilarawan ang behavior ng kapwa-senador na “Un-Filipino”.

-----$$$--

Nasapawan din nito ang pag-aabogado ni Senate President Tito Sotto sa expose naman ni ex-DPWH Usec. Roberto Bernardo na direktang nagdadawit kina Sen. Mark Villar at ex-Sen. Grace Poe.

Ibig sabihin, imbes na maging “neutral” — idinepensa agad ni Sotto si Poe.

May mga nagtatanong: Competent pa ba si Sotto na maging lider ng Senado?

----$$$--

Nakababahala ang agarang pagkontra ni Sotto sa testimonya ni Bernardo.

Agad niyang sinabing “baligtad” at ang DPWH pa raw ang may utang sa pamilya ni Poe.

Huh, eh, bakit?

----$$$--

KUNG duda siya sa mga sinabi ni Bernardo sa latest Blue Ribbon hearing, dapat sana ay wala na ring bisa ang lahat ng pahayag niya mula pa noong umpisa.

Para na rin niyang sinasabing: “Walang maniniwala riyan, move on na tayo.”

-----$$$---

TILA lantarang idinedepensa ni Sotto ang mga kaalyado na nabanggit sa Senate hearing.

Kapag ganyan, si Sotto mismo ang sumisira at nagwawasak ng kredibilidad, dignidad at integridad sa proseso ng Blue Ribbon Committee.

-----$$$--

KUNG alam talaga ni Sotto ang pundasyon at esensiya ng responsibilidad ng isang presiding officer o mismo ng pangulo ng Senado — hindi siya dapat nagpapakita ng lantarang pagkampi sa iisang panig lamang.

Ang pagiging Senate president — ay hindi lamang umaakto para sa kapakanan ng mga miyembro ng “mayorya”, bagkus siya rin ang pangulo na dapat nangangalaga sa karapatan ng minorya — at sikaping igalang ang mga datos at impormasyong nakakalap sa mga pagdinig.

-----$$$--

MAAARING nagiging emosyonal lamang si Sotto, pero dapat ay sinasarili na lamang niya ito — at kailangan na maging “patas ang mga opinyon” na lumalabas sa kanyang bibig.

‘Ika nga ng high school teacher ko na si Ms. Pariscal: “Aba’y kahit pakitang-tao, ay magpakita ka”!

----$$$--

SABAGAY, madaling unawain si Tito Sen, hindi malayong tulad ni Manay Imee, maaaring “may pinagdaraanan” din siya.

May tsismis kasi na anumang oras o anumang araw ay maaaring maagaw din ang kanyang posisyon dahil sa “hindi maayos” na pagtrato sa mga miyembro ng Senado.

Ano sa pakiramdam ninyo?





Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 20, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pumasok na ang amihan.

Paalam Habagat.

-----$$$--

Tangay-tangay ng Amihan ang simoy ng tag-araw at Kapaskuhan.

Sa ngayon, magyeyelo sa dakong China at Russia kung saan ang lamig ay aabot sa klima ng Pilipinas.

-----$$$--

MABABAWASAN din ang patak ng ulan at bilang ng bagyo — pero sa dakong Mindanao — mananatili ang mga pulo-pulong pag-ulan.

Sa Luzon at Kabisayaan — makakaranas ng hindi ordinaryong tindi ng init.

-----$$$--

MARAMI ang nagtatanong: Ano ang mas gusto mong klima, tag-init o tag-ulan?

Sa tag-init, delikado ang kalusugan ng bata’t matanda lalo na ang mga nagdarahop na walang pambili ng air-conditioning unit.

----$$$--

SA tag-ulan, kaawa-awa rin ang mga nagdarahop dahil binabaklas ng bagyo ang kanilang mga bubong at dingding.

Pinakagrabe — karaniwang lumulubog ang lugar kung saan naroroon ang mga mahihirap bukod pa ang landslide.

-----$$$--

ANG mayaman at mahirap ay parehong apektado siyempre ng klima.

Sa personal nating tingin, higit na apektado ang mga nagdarahop tuwing tag-ulan — dahil sa baha, landslide.

----$$$--

KAHIT anong kalamidad, ligtas ang mga mayayaman sa pinakamayayamang pamilya.

Pero, sa panahon ng pandemic — o pamemeste ng COVID — mayaman at mahirap — ay nangamatay nang “walang gamot”.

----$$$--

KAHIT naman sa talamak na corruption — sa loob at labas ng gobyerno, ligtas din ang mayayaman.

Lalo pang yumayaman ang mayayaman at mas nagdarahop ang mga nasa laylayan.

-----$$$--

SAKALING magkaroon ng sorpresang pag-agaw ng poder sa gobyerno — at magkaroon ng kaguluhan, apektado rin ang mga naghihikahos.

Hindi naman totoo na natutulungan ang mga nagdarahop — sa alinmang rebelyon o rebolusyon.

----$$$--

KAPAG nagkakagulo o aktuwal na nagkapatayan sa pag-aagawan sa poder ng gobyerno — nakikinabang dito ang mga mayayaman na binabansagang “Ang Mga Oligarko”.

Ang oligarko — ay may kamandag dahil sa kanilang ka-bundok na salapi — at sa ayaw o sa gusto ng mga “AnakPawis” na nagbubuwis ng buhay — ang mga OLIGARKO pa rin ang kukumpas at kokontrol ng gobyerno.

----$$$--

Ang mga lider-lideran o mga umaaktong lider ng mga mahihirap ay mga mapagbalat-kayo at plastik — dahil kapag naupo sila sa gobyerno — gaya sa partylist system — humaharbat din sila ng “pork barrel”.

Suriin ninyo ang listahan sa “insertion scam” — ang mga partylist leader na naglilinis-linisan — ay sila-sila rin ang promotor ng garapalang corruption sa pamahalaan.

----$$$--

KAKAMBAL na ng Republika ng Pilipinas ang walang patumanggang pandarambong sa kaban ng bayan — maiupo man o hindi ang lider ng mga “nagdarahop”.

Sistema, iskema at modus operandi ang corruption — walang pagkakaiba ito sa “mafia at yakusa” — nagpapalit-palit lang ng personalidad na siyang aaktong “front” sa walang katapusang pagnanakaw.


Nananatiling kaawa-awa ang mga dati nang kaawa-awa sa pinakakaawa-awang antas ng lipunan.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Kumanta na si ex-Rep. Zaldy Co.

Itinuro niya ang mga ranking officials ng Republika ng Pilipinas sa P100 bilyong insertion fund.


-----$$$--


BAGAMAN pinagdududahang isang “AI” generated content ang expose, pero ito ay nai-post sa sarili niyang “verified account” sa Facebook page.

Itinuro niya mismo sina PBBM, ex-Speaker Martin Romualdez at ex-Senate President Chiz Escudero — na direktang may kinalaman sa kontrobersiyal na “insertion”.


-----$$$--


NAGKUMAHOG sa pagdedepensa sina Senate President Tito Sotto at Sen. Ping Lacson na isang aktuwal na paghuhubad ng mascara — dahil mas dapat ay “naging neutral” upang mabusisi si Co nang lantaran sa Senate hearing.

Nagkakasya ngayon si Co sa social media — na hindi mapipigil nang sinuman.


-----$$$--


NAKATAKDA ang serye ng street protest at inaasahang higit na matindi ito kaysa sa naunang protesta kung saan, isang establisimyento ang ni-ransack.

Walang duda, gagamitin ang “pag-amin” ni Co bilang “slogan at battle cry” sa protesta.


-----$$$--


AKTUWAL na nagkaroon ng kakampi sina Rep. Kiko Barzaga, Gov. Chavit at mga DDS.

Hindi sila nabawasan, bagkus ay nadagdagan pa tulad ng INC at mismo ni Co.


-----$$$--


Sa totoo lang, may mga tsismis na bumaliktad na rin si US President Donald Trump.

Iyan ang nakakatakot, at nakakanerbiyos — panghihimasok ng US.


-----$$$--


Bago isinagawa ang naunang street protest, binalasa ng US Embassy ang mga diplomat kung saan pinalitan ang mismong ambassador.

Makaraan ito, dumalaw ang mga US diplomat mismo sa ICI at pinagdududahan ang tunay na motibo.


-----$$$--


SA pinakahuling ulat, dumating sa Basa Air Base ang isang unit ng military drones ng US na sinasabing magpapraktis lamang.

Sa panahon ni dating Pangulong Marcos Sr. kapag dumadaong ang US warship sa Subic Bay ay maraming espekulasyon ang lumilitaw.


-----$$$--


SA ngayon, walang dapat ipangamba ang lahat dahil paulit-ulit na sinasabi ng AFP na walang kudeta na magaganap.

Pero, nakapagtatakang hindi naglalabas ng anumang opisyal na pahayag ang US Embassy at White House kaugnay ng mga nagaganap sa Pilipinas.


----$$$--


HINDI ordinaryong kongresista si Co dahil aminado na ang lahat — maka-Marcos o maka-Duterte man, nakontrol ng naturang partylist representative ang maniobra sa annual budget.

Eh, sino pa ang inaantay na “magsalita” kaugnay ng flood control scam — hindi ba’t perpekto ang personalidad ni Co hinggil dito — siya mismo ang “main character” sa isyu — at ngayon ay nagbigay na ng pahayag.


-----$$$---


MASELAN ang sitwasyon, dahil agad bumagsak ang kalakalan sa stock exchange, bumagsak ang halaga ng piso at umatras ang volume ng foreign direct investment.

Hindi tinatablan ang Malacanang, pero malinaw na apektado ang ekonomiya — kabilang ng mga “foreign investors”.


----$$$--


ANG kapalaran at sitwasyon ng Pilipinas — ay hindi lamang para sa mga Pilipino, bagkus hindi maiiwasan na manghimasok ang mga dayuhan.

Bakit?

Mababangkarote rin kasi ang kanilang negosyo at mapupurnada ang kanilang “vested interest”.


-----$$$--


HINDI lang ang US ang posibleng manghimasok, maging ang China rin.

Hindi kaya mag-SPRINT sila sa pakikialam — sa lalong madaling panahon?



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page