ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 31, 20255
Photo: Julia Barretto - IG
Tuluyan nang binura ni Julia Barretto ang mga larawan nila ng nobyong si Gerald Anderson sa kanyang IG account.
Kaya naman, mas tumibay ang bali-balitang tinapos na nila ang kanilang relasyon na tumagal din ng 6 na taon.
Parehong hindi nagbigay ng statement sina Julia at Gerald sa issue ng kanilang breakup. Pero, hindi nila ito maitatago nang matagal sa media.
Samantala, may ilang nagsasabi na posibleng ang isa sa mga dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang pagtanggi ni Julia na magpakasal na.
Nasa kasagsagan kasi ng kanyang career ngayon si Julia at maraming oportunidad ang mawawala kapag siya ay nagpakasal na.
Alam ng lahat na gustung-gusto na ni Gerald ang mag-asawa at bumuo na ng sariling pamilya. Handa na siyang harapin ang responsibilidad ng isang padre de familia. Gusto na niyang maranasan ang maging ama tulad ng iba niyang kasabayang artista.
Ang problema lang ay hindi pa handa si Julia na i-give-up ang kanyang career. Marami pa siyang pangarap na gustong abutin.
Katas ng showbiz… DAVID, NAKABILI NA NG DREAM CAR WORTH P7 M
MASAYA at excited ang Kapuso actor na si David Licauco dahil nabili na rin niya ang kanyang dream car. Isa itong white Porsche Taycan na ang presyo ay nasa P7 M, depende sa model.
Electric car ito na bagong labas lamang sa ‘Pinas. Ito raw ay regalo ni David sa kanyang sarili.
Sabi nga, katas ng showbiz at pinag-ipunan niya ito, kaya mas mai-inspire at sisipagin si David sa kanyang mga projects.
Bukod sa acting, susubukan na rin ni David ang maging recording artist ng GMA Records. At hindi siya makapaniwala na magiging singer din siya.
In fact, ang pagiging artista ay hindi rin pinangarap noon ni David. Shy type kasi siya at tahimik lang. Pero, dinala siya ng kanyang kapalaran sa showbiz at pinalad na mabigyan ng break. Nag-click naman ang tambalan nila ni Barbie Forteza at nabuo ang BarDa love team.
NAGING emosyonal ang buong cast ng Pepito Manaloto (PM) sa kanilang taping para sa 15th anniversary ng sitcom.
Lahat ay nagpapasalamat na umabot ang PM nang mahigit 10 taon sa ere. Napakasimple lang ng bawat episode ng sitcom at maraming viewers ang natutuwa dahil nakaka-relate sila sa kuwento.
Natural din ang pagganap ng buong cast sa kanilang role. Para silang isang masayang pamilya kapag nasa set.
Hindi rin dumedepende ang PM sa mga big stars na guest. Kahit nga walang malaking artista ay nakaya ng PM na makapaghatid ng masayang palabas tuwing Sabado ng gabi.
Wish ng mga bumubuo sa comedy serye sa pangunguna nina Michael V., Manilyn Reynes, Nova Villa, Ronnie Henares, John Feir, Jake Vargas, Chariz Solomon, Angel Satsumi, Mosang, Arthur Solinap atbp., na magpatuloy ang Pepito Manaloto sa ere sa marami pang taon.