top of page
Rico Blanco at mystery girl - Circulated
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 30, 2026



Aljur Abrenica at AJ Raval

Photo: Aljur Abrenica at AJ Raval



Handa na nga bang mag-propose si Aljur Abrenica sa kanyang live-in partner na si AJ Raval?


Nagpunta kasi si Aljur sa Maddox Jewelry shop na pag-aari ni Ms. Charo Cordial at bumili ng natural diamond ring.


Hitting two birds with one stone si Ms. Charo kay Aljur, ha? Nabentahan na niya ng alahas ang aktor, na-exclusive interview pa niya tungkol sa relasyon nito kay AJ. Bongga!

Or, baka naman kapalit na nu’ng natural diamond ring bilang honorarium ‘yung pagpapa-interview ni Aljur? Puwede, ‘di ba?


Anyway, sa panayam ni Ms. Charo kay Aljur, nabanggit ng ex-husband ni Kylie Padilla kung ano ang nagustuhan niya kay AJ at bakit ganu’n na lang niya ito kamahal.

Sa paglalarawan ni Aljur, sinabi niyang “Mapagmahal, maalaga, maka-Diyos at masakripisyo” si AJ.


Malaking bagay din daw para sa kanya ‘yung inirerespeto siya nito bilang head of the family lalo na sa decision-making.


Gustung-gusto rin niya ‘yung ipinagluluto siya ni AJ at malayung-malayo raw sa totoong pagkatao nito ‘yung napapanood sa aktres dati nu’ng nagpapa-sexy pa sa mga pelikula ng Vivamax.


At bagama’t nag-aaway din naman daw sila ni AJ, walang bumibitaw sa kanila.

Naikuwento nga ni Aljur kay Ms. Charo na minsang mag-away sila, nag-alsa-balutan si AJ at binitbit ang kanilang mga anak. Pero isang araw lang daw, nagpasundo na uli ito sa kanya at parang walang nangyari, bati na sila.


Well, base sa mga pahayag ni Aljur, mukhang settled na talaga siya kay AJ at nahanap na niya ‘yung perfect match niya.


Kaya lang, kahit mag-propose siya kay AJ, hindi pa niya ito puwedeng pakasalan hangga’t hindi naa-annulled ang kasal nila ni Kylie Padilla.

‘Yun lang!





Tahimik lang, video nag-viral…

MARIS AT ANTHONY, SPOTTED NA MAGKASAMA ULI



WE wonder kung nagkabalikan ba o hindi naman talaga nag-break sina Maris Racal at Anthony Jennings?!


May nakita kasi kaming video na pareho silang  dumalo sa screening ng Tayo sa

Wakas movie nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.


Bagama’t hindi naman nakitang sweetie-sweetie ang galawan nila at in fact ay hindi rin sila nakitang magkatabi, base sa video na kumalat sa social media, tila sa iisang sasakyan lang daw sumakay pauwi sina Maris at Anthony nang mamataan sila sa parking lot ng mall.


Well, mula nang pumutok ang cheating scandal nila, wala nang naging update sa relasyon nila. Nagkani-kanya sila ng mga projects kaya hindi na rin sila nakikitang magkasama at hindi na rin ipinush ang love team nila.


But in fairness, pareho naman nilang na-redeem ang kani-kanilang sarili mula sa iskandalo dahil napatunayan nilang pareho silang magaling na aktor at aktres at hindi kailangan ng ka-love team para sumikat.


For sure, marami ang nag-aabang at naiintriga ngayon kung ano ba talaga ang real score sa pagitan nina Maris at Anthony.





MATAPOS ang successful silver screen debut ng tambalang Fyang Smith at JM Ibarra sa pelikulang Almost Us, humarap sila sa Star Magic Spotlight presscon last May 21 sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.


Nag-reflect ang love team sa kanilang transition mula digital stars hanggang maging certified box-office hitmakers kasunod ng phenomenal run ng kanilang movie na Almost Us.


Pareho nilang inamin na mas nangingibabaw ang initial pressure kaysa sa pag-focus sa box-office numbers sa success ng kanilang first movie. 


“Wala kaming expectation habang ginagawa ‘yung film, mas lamang ‘yung pressure. Ginagawa namin siya hanggang matapos nang wala kaming ine-expect,” sabi ni JM.


Sabi naman ni Fyang “Kapag first film mo, kakabahan ka talaga. Kami, nu’ng time na pinag-usapan namin, sobrang nape-pressure kami kasi ang daming expectations.”


Dagdag pa nito, “Hindi kami masyadong nag-e-expect na ‘yung gross niya talaga is umabot sa ganyan kalaking halaga.”


Mula sa kanilang series na Ghosting, kinailangan ng dalawa na iwan ang kanilang lighter persona para mas magampanan ang mabibigat at mas kumplikadong karakter sa Almost Us. Kaya naman na-challenge raw talaga roon si JM. 


Malaki ang pasasalamat ng JMFyang sa kanilang breakthrough performances dahil sa gabay ng critically acclaimed director na si Dan Villegas. 


Dahil sa kanilang matinding chemistry, box-office power, at bagong nahanap na artistic depth, opisyal nang selyado ang puwesto nina JM Ibarra at Fyang Smith bilang ang bagong formidable pair na dapat abangan sa Philippine cinema.


Mas marami pa sanang projects ang pagsamahan nila at ‘wag munang paghiwalayin ang kanilang love team. 


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 29, 2026



Relasyon, nakumpirma dahil kay Vice…
BELLE AT DONNY, KUMANTANG FIRST TIME ANG ISA’T ISA

Photo: Vice Ganda / YT



Sa wakas ay naging malinaw na sa lahat kung ano talagang relasyon meron sina Donny Pangilinan at Belle Mariano.


Aminado naman kasi ang mga bida ng Tayo sa Wakas movie, na palabas na ngayon sa mga sinehan, na mas pinipili nilang maging private ang kanilang relasyon kaya hindi sila masyadong nagse-share ng mga personal nilang ganap.


Pero sa latest interview sa kanila ni Vice Ganda sa YouTube channel nito, na-hot seat ang DonBelle at unti-unti, hindi nila namalayan na binusog na nila ang kanilang mga fans sa dami ng kuwentong ibinahagi nila tungkol sa kanilang relasyon.


Six years nang magkasama ang DonBelle bilang love team, at kahit hindi nila inamin kung kelan sila officially naging mag-on, base sa kanilang mga ibinahagi kay Vice, napakarami na raw nilang pinagdaanan na nagpatibay ng kanilang relasyon.


Inamin nina Donny at Belle kay Vice ang mga ‘first time’ experiences nila sa isa’t isa.

Sabi ni Belle, first time niyang maka-receive ng handwritten letter mula kay Donny. First time rin daw niyang nakapunta sa USA kasama si Donny, nag-jogging at bumili ng Beagle.


Pag-amin naman ng guwapong anak nina Maricel Laxa at Anthony Pangilinan, si Belle ang una niyang iniangkas sa motor, unang nakasama sa scuba diving at first time rin daw niyang nanligaw.


At take note, ha, nakakabilib naman ang effort ni Donny na ayon kay Belle ay 5 oras na nag-drive mula sa bahay nito sa Laguna papuntang Antipolo kung saan naman sila nakatira para lang mag-roadtrip sila.


Sobrang na-appreciate ‘yun ni Belle kaya naman no wonder na nakuha ni Donny ang puso niya.


In fairness din sa aktres, mukhang love na love rin niya si Donny dahil kesehodang 4 na oras siyang maghintay at magbantay ‘pag naglalaro ng golf ang boyfriend ay game na game siya. 


Minsan nga raw ay siya pa ang caddie ni Donny, hanggang sa na-enjoy na rin daw niya ang mag-golf kahit mag-isa na lang siya, na kung dati nga ay takang-taka siya kung bakit gustung-gustong hobby ng aktor.


Inamin din ni Belle kay Vice Ganda na binigyan siya ni Donny ng bracelet, habang si Donny naman ay binigyan ni Belle ng wooden cross.


Kaya naman kahit maghiwalay muna as love team ang DonBelle, siguro naman ay matatag na ang personal nilang relasyon para maapektuhan pa ng kanilang pagkakani-kanya ng landas pagkatapos nga ng kanilang una at huling pelikulang Tayo Sa Wakas.


At malay natin, dahil sa success ngayon ng movie na pinipilahan sa mga sinehan, baka magbago pa ang isip ng dalawa at ng kanilang management at hindi muna ituloy ang paghihiwalay ng kanilang love team.


So, wait and see na lang tayo, DonBelle fans!





DIRETSAHAN na ring inamin ni Jake Cuenca na mag-on na sila ng beauty queen na si Rabiya Mateo.


After ng 3 months dating period nila, finally ay sinagot na raw ni Rabiya si Jake nang magbakasyon sila sa Hong Kong Disneyland nu’ng May 18.


Masayang-masaya si Jake at obyus na super in love kay Rabiya dahil suportado niya ang lahat ng pangarap ng GF na mag-aaral nga ng Medisina sa University of Sto. Tomas.


Willing siyang maghintay kay Rabiya kahit alam niyang studies ang priority nito at hindi siya.


Ang pinanghahawakan lang niya ay ang pangako nila sa isa’t isa na magiging loyal.

Sinabi rin ni Jake na nakikita niyang si Rabiya na ang gusto niyang pakasalan dahil ‘admirable’ para sa kanya ang GF.


Oh, well, congrats and good luck, Jake and Rabiya!







SA gitna ng mga kaguluhan, pangamba at pag-aalala para sa hinaharap ng ating bansa, layunin ng grupong Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED) ang maghatid pa rin ng pag-asa, tuwa at positibong pananaw sa aming mga kasamahan sa hanay ng pamamahayag sa aliwang local na ang ilan ay mga senior citizens na at hindi na aktibo.

Ngayong nasa ika-10 taon na ang patuloy na pamamayagpag ng SPEED, napili naming magbahagi ng kasiyahan --- katuwang ang aming mga kaagapay sa pagtulong --- sa 13 benepisyaryo ng aming “Taking Care of Our Own, Speed Cares” Outreach Program na mabibiyayaan ng financial at medical assistance.


"Ang inisyatibo ay naglalayong magdala ng pag-asa at inspirasyon sa mga kasamahan natin sa entertainment journalism sa gitna ng lumalaking pag-aalala ng publiko tungkol sa kinabukasan ng bansa. Bilang isang organisasyon, naniniwala kami na mahalagang pangalagaan ang mga kaibigan at kasamahan na tumulong sa paghubog ng industriya sa pamamagitan ng kanilang trabaho bilang mga manunulat at editor," sabi ng pangulo ng SPEEd na si Tessa Mauricio-Arriola.


"Ang mga benepisyaryo ay pinili bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa industriya ng telebisyon at pelikula sa Pilipinas at ang kanilang papel sa pagtulong sa mga lokal na artista upang makagawa ng pangalan at magtagumpay sa kanilang karera," dagdag niya.

Sa pangunguna ng mga opisyales at miyembro ng SPEED, gaganapin ang “Taking Care of Our Own, Speed Cares” Outreach Program sa Mayo 30, 2026 sa isang restaurant sa Quezon City.


Buong-puso ang pasasalamat ng SPEEd sa mga bukas ang pusong makibahagi sa aming adhikain at kabilang na rito ang Unilab sa pangunguna ni Ms. Claire Papa; Ms. Heart Evangelista; Globe sa pangunguna ni Ms. Yolly Crisanto, Rosbel Bunag ng PLDT Home, Ms. Boots Anson Roa-Rodrigo, GMA Network; Ms. Gigi Santiago Lara, Vice-President of Musical, Variety, Specials and Alternative Productions at GMA Network, Inc.; ABS-CBN; QC Councilor Alfred Vargas; Wilson Flores ng Kamuning Bakery at sa aming kasamahang si Jun Lalin na bukas-palad sa pagbibigay, sa singer na si Andrea Gutierrez at sa kanyang inang si Rowena Gutierrez; at Pascual Laboratories sa pamamagitan ni Ms. Marianne De Vera.


Ang taunang outreach program ay bahagi ng gawaing pagkakawanggawa ng grupo at nakarating na ito sa iba't ibang komunidad mula nang ito ay mabuo.

Minarkahan ng SPEED ang unang anibersaryo nito sa pamamagitan ng outreach program sa Anawim Home for the Abandoned and Rejected Elderly sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.


Sa mga sumunod na taon, nagpaabot ito ng tulong sa mga komunidad sa Nueva Ecija, Aurora at Longos, Kalayaan, Laguna noong 2025.


Noong 2024, binisita nito ang Bethany House Sto. Niño Orphanage sa Guiguinto, Bulacan, at Emmaus House of Apostolate sa Malolos, Bulacan, kung saan nagbigay ito ng tulong sa 60 senior citizens.


Ang SPEED ay isang non-profit organization na binubuo ng mga patnugot mula sa iba’t ibang pahayagan at online platforms.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 27, 2026



SHOWBIZ SPECIAL - ASHLEY, GUSTONG MAG-LIVE-IN MUNA SILA NI MAVY BAGO ANG KASAL-IG _ashleyortega

Photo: IG _ashleyortega



Mas gusto pala ni Ashley Ortega na mag-live-in muna sila ng boyfriend na si Mavy Legaspi bago magpakasal.


Sa guesting ng mga lead stars ng GMA-7 Afternoon Prime series na Apoy sa Dugo na sina Elle Villanueve at Ashley Ortega sa Fast Talk with Boy Abunda nu’ng Lunes, tinanong sila ng host na si Boy Abunda kung open sila sa pakikipag-live-in.


Unang sumagot si Elle na open siya sa ganitong setup para ma-test din daw ang relasyon nila, tutal naman, inamin na rin nila ng boyfriend na si Derrick Monasterio sa aming panayam noon sa kanila para sa kanilang Neophyte 26 movie na nag-i-sleepover naman sila sa bahay ng isa’t isa.


Sumunod na sumagot si Ashley at sabi nito, “Ako, Tito Boy, gusto ko definitely, live-in bago kasal or basically, ‘pag engaged na, makasama ko siya sa bahay kasi du’n mo makikilala ‘yung tao. Lalo na when I started living alone, it changed my life. So, gusto kong malaman kung sino ba ‘yung taong mapapangasawa ko.”


Well, agree kaya sina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa gustong mangyari ni Ashley?

Sabagay, sina Carmina at Zoren nga, mas una pang nagkaroon ng kambal na anak at nagsama bago nagpakasal, ‘di ba?


At kung saka-sakali, lalaki naman ang anak nila at wala namang mawawala rito. 

Kung si Cassy pa siguro na kakambal ni Mavy ang magpapaalam na makikipag-live-in muna bago magpakasal, eh, baka ru’n pumalag ang mag-asawa, ‘di ba?


Sana lang, kapag dumating na ‘yung time na magpapakasal na sina Ashley at Mavy ay maayos na ang relasyon ng Kapuso actress sa kanyang ina para naman may maghatid sa kanya sa altar, ‘di ba?

‘Yun na!





Ex-BF, mabuting tao naman daw… 

ANA JALANDONI, UMAMING PINATAWAD SI KIT SA PAMBUBUGBOG SA KANYA



FINALLY ay nilinaw na ng dating sexy actress na si Ana Jalandoni ang real status nila ng aktor na si Kit Thompson.


Kung matatandaan, sila ang showbiz couple na naging controversial noon dahil sa bugbugan scandal sa isang apartelle sa Tagaytay.


Nu’ng March 2022, inaresto si Kit dahil sa pambubugbog at illegal detention sa girlfriend na si Ana Jalandoni nu’ng mag-check-in sila sa isang apartelle sa Tagaytay.


Sa Unplugged vlog ni Julius Babao sa YouTube kung saan binisita ng TV host si Ana sa kanyang bagong tayong resto sa QC, napag-usapan nila ang naturang iskandalo.


Muling naging emosyonal ang dating sexy actress nang balikan ang isyu.

Aniya, nag-undergo siya ng therapy para maka-move on at maka-recover sa trauma na kanyang inabot sa kamay ni Kit Thompson.


Gayunpaman, sa kabila ng physical, mental at emotional pain na kanyang inabot sa kamay ng ex-boyfriend, pinili pa rin daw niyang patawarin ito dahil hindi naman daw masamang tao si Kit.


“Si Kit is really a good person, Papa (Julius), promise. Mabait ang pagkatao ni Kit,” pag-aangat niya sa aktor na muling aktibo na sa pag-arte.


Dagdag pa niya kung bakit pinili niyang patawarin ito, “Sometimes lang, siyempre, tao tayo, when, not controlling (sic, controlled), eh, lalo ‘pag may alcohol, eh. ‘Di mo controlled ang nangyayari.”


Nagulat nga raw ang parents niya sa desisyon niyang patawarin si Kit pagkatapos ang pambubugbog sa kanya na halos ikamatay na niya noon.


Katwiran pa ni Ana sa kanyang pagpapatawad sa ex-BF, “Ang tao, ‘di naman gagawa ng masama ‘yan kung nasa tama ang isip, eh, or kung tama ‘yung kontrol mo. Eh, kung hindi, makakasakit ka talaga.”


Hindi naman daw niya iniatras ang kaso laban kay Kit, humingi lang ng probation ang aktor at pinayagan naman daw ng judge kaya 4 yrs. ang ibinigay sa aktor para mapagsisihan ang kanyang nagawang pagkakamali.


Binigyan daw niya ng chance na magbago si Kit dahil lahat naman ng tao ay nagkakamali at gusto niyang ituloy nito ang buhay pagkatapos ng nangyari sa kanila.


Ang magandang naidulot daw ng nangyari sa kanila ay pinatibay siya sa buhay dahil marami siyang experiences na hindi maganda.


Natutunan daw niyang magkaroon ng boundaries sa sarili niya, mahalin ang sarili bago ang ibang tao at mas naging malapit ang koneksiyon niya kay God.

Ang tiniyak ni Ana Jalandoni, bagama’t nagkikita na sila uli ni Kit Thompson ay hindi raw totoong nagkabalikan sila.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page