top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | Feb. 22, 2025



Kathryn Bernardo at Daniel Padilla - Instagram

Photo: Kathryn Bernardo at Daniel Padilla - Instagram


Sa kabila ng pisikal na pananakit ni Jam Ignacio sa fiancée na si Jellie Aw, isa naman sa mga makakapagpatunay na hindi nakaranas ng physical abuse si Karla Estrada na dating kasintahan ni Jam, ay si Neil Coleta. 


Malapit na kaibigan at ninong ng bunsong anak nina Neil at Chinkee Brice si Daniel Padilla. Kaya naman, hiningan namin ng reaksiyon si Neil — na ngayon ay tumatakbong konsehal sa bayan ng Dasmariñas, Cavite — sa balitang pambubugbog ng ex ni Karla na si Jam, kay Jellie.


Ayaw magsalita ng aktor tungkol sa nabalitang pambubugbog ni Jam sa fiancée nito dahil baka mabigyan ng ibang interpretasyon kung anuman ang magiging komento niya at bumalik sa kanya. Pero aminado siya na ikinagulat niya nu’ng lumabas ang balita. 

Ayon kay Neil, ang gusto niya ay maging balanse sa panig nina Jam at Jellie. Pero bilang isang lalaki, hindi raw niya nagawa at magagawang manakit ng kahit na sinong babae, at mali talaga ito. 


Siniguro rin ni Neil na hindi nasaktan ni Jam si Karla dahil bukod sa sanay na sa buhay ang aktres ay alam niyang hindi papayag ang mga anak nito — lalo na si Daniel na isang Padilla na may mataas na respeto sa mga babae — na masaktan ang ina.


Si Neil ang nagkumpirma noon na mukhang may problemang pinagdaraanan ang relasyon nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, bago pa man kinumpirma ng dalawa ang kanilang breakup. 


Hindi man nila napag-usapan ni Daniel ang tungkol dito dahil ayaw niyang magtanong ng personal sa kaibigan, ramdam niya na dinamdam at nasaktan si Daniel sa paghihiwalay nito at ni Kathryn dahil hindi rin naman biru-biro ang siyam na taon na pinagsamahan ng dalawa.


“Move on’ ang tanging nasabi ni Neil sa kaibigan na alam niyang ginagawa naman nito sa ngayon dahil pokus ito sa kanyang career, lalo na sa taping ng Incognito


Sa balita namang nagkakausap na raw sa ngayon sina Kathryn at Daniel at naniniwala ang iba na malaki ang tsansa na magkabalikan ang dalawa, “Mukha nga” ang isinagot sa amin ni Neil, at kung mabibigyan ng pagkakataon at gugustuhin ng dalawa na magkabalikan ay magiging masaya siya.


Samantala, tumatakbo bilang konsehal ng Dasmariñas, Cavite, at kabilang sa tinatawag na “F4 ng Dasmariñas” na kinabibilangan din nina Arnel del Rosario, Kagawad Vlad Maliksi at Tutuy Perez, pare-parehong tumatakbong independent ang apat na ang plataporma ay para sa ikauunlad at ikabubuti ng mga kababayan nila tulad ng livelihood, edukasyon, sports, at mental health awareness. 


Sa tanong kung bakit nagdesisyon si Neil na pasukin ang pulitika, ikinuwento ng aktor na noon pa man ay naging ugali na niya ang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan at ilang charitable institutions, at naniniwala siya na mas magkakaroon siya ng mas malaking oportunidad na mas gawin ito kapag nakapasok siya sa public service.



NAPAKAKULAY ng buhay ni Jojo Mendrez, kung saan dumaan pala ito sa isang mahirap at malungkot na kabataan. 


Nanggaling sa isang mahirap na pamilya, naranasan ni Jojo ang gumawa ng walis-tingting at magbenta nito para makatulong sa pinansiyal na pangangailangan ng kanilang pamilya. 


Sinuwerte sa pagnenegosyo, unang napakinggan ang singer ding si Jojo sa revival ng kantang Handog na nanalong Revival Recording of the Year sa 11th Star Awards for Music, at sumunod niyang ini-revive ang kantang Somewhere In My Past ni Julie Vega na ngayon ay mayroon nang 45 million views. 


Pumirma ng kontrata sa Star Music ng ABS-CBN, sigurado kami na ang isa sa magko-compose ng mga susunod na aawitin ni Jojo ay ang mahusay na composer ng Star Music na si Jonathan Manalo.


Sa interbyu noon ng mga hosts ng radio station na Easy Rock (ER), natanong si Jojo kung ano kaya ang sasabihin o ipapayo niya sa dating Jojo Mendrez. 


Ayon sa Revival King, sasabihin niya sa sarili na huwag mawalan ng pag-asa sa iyong pangarap at ang mga ito ay mangyayari sa tamang panahon na itinakda ng tadhana at ng Nasa Itaas para sa iyo.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Feb. 19, 2025



Mikee ALex

Photo: Mikee at Alex - Alex Gonzaga Official


Saludo kami sa lalim at kadalisayan ng pagmamahal ni Konsehal Mikee Morada sa asawang si Alex Gonzaga. 


Sa nakaraang interbyu nito sa Toni Talks (TT), napag-usapan ang pangatlong beses na pagkakalaglag ng anak nila ng asawa at kung paano nila ito hinarap ni Alex. 


Nabanggit doon ni Mikee na kung saka-sakaling hindi sila biyayaan ng Panginoon ng anak ay matatanggap niya na silang dalawa lang ni Alex ang nakatakdang magsama habambuhay. 


Sa panayam namin sa konsehal sa nakaraang Barako Festival 2025 na ginanap sa Manila-Batangas Road Inauguration nu’ng nakaraang February 13, inamin ni Mikee na mas lalong tumatag ang samahan nila ni Alex bilang mag-asawa at lalong lumalim ang pagmamahal at pag-aalala niya rito. 


Siniguro niyang muli na kung hindi nga sila bibiyayaan ng anak ng nasa Itaas ay matatanggap nilang mag-asawa. 


Lagi nilang ipinagdarasal na mangyari kung ano talaga ang dapat na mangyari at kung anuman ang sinabi niya ay galing sa puso niya. Ipinagpapasalamat din niya na matapang at matatag si Alex at sa magandang pagpapalaki at matibay na pananampalataya nito sa Panginoon ay hindi naging mahirap para sa kanila na tanggapin ang mga nangyari. 


Positibo at marami sa mga netizens ang nagkomento na sana ay makatagpo sila ng isang Mikee Morada sa buhay nila. Ayon kay Mikee ay nakakataba ng puso at nakaka-humble ang sinasabi na ito ng ibang tao at iniaalay niya sa nasa Itaas ang lahat ng papuring ito.


Tinanong din kung magha-honeymoon ba silang muli ni Alex. Pahayag ni Mikee ay honeymoon days naman daw ‘pag magkasama silang dalawa ng asawa.  

Tumatakbo ngayon si Mikee bilang vice-mayor ng Lipa, Batangas sa ticket ng pamilya Recto. Mula nang pumasok sa mundo ng pulitika ay nasa ticket na si Mikee ng Star for All Seasons at ni Sen. Ralph Recto at ipinagmamalaki niya ang nakita niyang magagandang pagbabago at pag-unlad sa ilalim ng termino ng mga ito.



ISINASANTABI na muna ni Jessy Mendiola ang balak niyang maging aktibo sa showbizness kung saan nabalita na isa sa mga nakalinya niyang gagawin ay ang seryeng balik-tambalan nila ni Gerald Anderson, kung saan una silang nagkapareha noon sa seryeng Budoy ng ABS-CBN. 


Ang dahilan ay para sumuporta sa kandidatura ng asawang si Luis Manzano bilang vice-governor ng Batangas, kung saan kasa-kasama si Jessy sa pangangampanya ni Luis sa mga kababayan nilang Batangueño. 


Tinanong din namin sina Luis at Jessy kung hindi ba magiging isyu sa kanilang mag-asawa kung saka-sakaling may kissing scene ang Kapamilya actress sa eksenang gagawin. Ayon kay Luis ay walang magiging problema sa kanya basta kakailanganin talaga ito sa eksena, bagay na sinang-ayunan naman ni Jessy. 


Pahayag naman sa amin ng aktres, alam niya na hindi ito magiging problema sa asawa dahil lumaki ito na isang aktres ang inang si Vilma Santos.  


Nang kumustahin namin kung papayag ba siya na mag-showbiz si Baby Peanut, walang pagdadalawang-isip na sinagot agad kami ng aktres na susuportahan niya ang anak sa kung ano ang gusto nito at ‘di siya hahadlang kung saan sasaya ang mga mahal niya sa buhay.


 
 

ni Melba Llanera @Insider | Feb. 11, 2025






Mukhang hindi naman nag-iisa ang aktres na si Andi Eigenmann kung anuman ang pinagdaraanang pagsubok ng relasyon nila ngayon ni Philmar Alipayo, dahil kumakalat ngayon sa social media ang mga larawan na kumakain ang magdyowa kasama ang lolo at lola ng aktres na sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa sa Siargao. 


Isang kaibigan namin na kasalukuyang nasa Siargao ang nagsabi na nakita rin daw niya sa restaurant na pag-aari nila na magkasama ang controversial couple. 


Sa parte ni Andi, alam namin na bukas talaga ito na maayos pa ang pagsasama nila ni Philmar dahil sa Instagram (IG) post ng dating aktres ay kinlaro nito na hindi niya sinabing “cheater” o niloko siya ng fiancé, kundi may isang “ahas” na itinuring nilang kaibigan ang sumisira sa kanilang relasyon.


Nakakalungkot lang na puwede palang magkaayos pero umabot pa sa puntong nagmistulang pamperya ang problemang pinagdaanan nila dahil ibinrodkas pa nila ito sa social media, kung saan inabangan at pinagpiyestahan ng mga netizens ang mga kaganapan sa kanilang pagsasama. 


Parehong na-bash ng ilang netizens sina Philmar at Andi. May mga nagsabi na karma lang daw ito sa dating aktres dahil sa ginawa nito dati kay Albie Casiño na ikinasira ng career ng aktor. 


Katakut-takot naman na panlalait ang ibinato kay Philmar kung saan tinawag itong ‘pangit’, at ginawa pang meme ng iba na ang surfer daw ang patunay na walang katotohanan ang pinasikat na kanta ni Andrew E. na Humanap Ka Ng Panget.


Sana ay maging aral na ito, hindi lang kina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo kundi sa lahat, na hindi dapat maging takbuhan ang social media sa tuwing may problema sa relasyon dahil hindi naman ibang tao ang dapat magpatakbo nito kundi ang dalawang taong involved lang.



SA ngayon pa lang ay nagbubunyi na ang mga Kapamilya solid supporters dahil sa bill na isinampa sa Kongreso para pagkalooban muli ng franchise ang ABS-CBN para sa free TV airing. 


May ilan din naman ang nagsasabi na baka kapag naaprubahan na ito ay magso-solong muli ang Kapamilya Network at mabubuhay muli ang mahigpit na kompetisyon sa pagitan ng mga TV networks. 


Ngayon kasi ay naging bukas ang ABS-CBN sa collaboration sa ibang istasyon, kung saan napapanood na sa ibang network ang kanilang mga shows at mga artista. 

Pinaka-latest nga ay mapapanood na sa GMA-7 ang Pinoy Big Brother Collab Edition (PBBCE). Ito ay para sa 20th year celebration ng show kung saan balita na si Gabbi Garcia ang isa sa magiging mga hosts. 


Wala pang sinasabi kung kailan ang release date pero inaabangan na ito ng mga avid viewers ng naturang programa.


Ang pagkawala ng franchise ng ABS-CBN ay masasabing nagpabago sa viewing habit ng mga Pinoy kung saan ang social media platform gaya ng YouTube (YT) at Netflix ang naging takbuhan ng mga dating TV viewers. 


Sana lang, kung saka-sakaling maipagkaloob muli sa ABS ang franchise para makapag-operate sa free TV, patuloy pa rin silang maging bukas sa collaboration sa ibang istasyon na naging hudyat ng pagtatapos ng mahigpit na kompetisyon sa TV industry.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page