ni Lolet Abania | September 13, 2021
Ipinagkibit-balikat lang ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang panawagan na siya ay mag-resign matapos ang ginawa niya sa mga doktor sa isang meeting ng COVID-19 response task force ng gobyerno.
“Unfortunately, only the President can fire me,” ani Roque sa press briefing ngayong Lunes.
Nagsimula ang naturang panawagan nang mag-viral at mapanood ang video na pinagagalitan at galit na reaksyon ni Roque kay Dr. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians, sa naganap na meeting ng pandemic task force noong nakaraang linggo.
Ang nasabing footage ng insidente ay nag-leak sa social media.
Sa pulong, nakiusap si Limpin sa gobyerno na kung maaari ay manatili na muna sa mahigpit na restriksiyon sa gitna ng COVID-19 pandemic para hindi rin aniya, mahirapan ang healthcare system ng bansa.
Hindi sumang-ayon dito si Roque, bagkus sinabi nitong ang epekto ng naturang restriksyon ay lalong maglulugmok sa ating ekonomiya. Habang inakusahan ng kalihim si Limpin at kanyang grupo na puro kritisismo sa ginagawa ng administrasyon kaugnay sa pandemya.
Sinabi naman ni VP Leni Robredo na walang karapatan si Roque na mag-react ng ganoon sa mga health workers na silang nangungunang lumaban sa gitna ng pandemya, kahit pa hindi siya pabor sa mga suhestiyon ng mga ito.
Panawagan ng mga grupo ng health workers na sina Roque at Department of Health Secretary Francisco Duque III na mag-resign na dahil sa naging komento ni Roque at sa matagal nang naantalang benepisyo ng health workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Subalit, ayon kay Roque, hinggil sa panawagan na si Duque ay mag-resign,“Only the President can fire Secretary Duque.”