top of page
Search

ni Lolet Abania | March 8, 2021





Hindi na kailangang bumalik sa full-scale lockdown sa kabila ng naitalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kung saan aniya, may 60% hanggang 75% na mga kama sa mga intensive care units, isolation facilities at hospital wards para sa mga pasyenteng may coronavirus, habang 77% naman ng mga ventilators ang hindi nagagamit noon pang Marso 7.


“For the month of March, it is uncalled for,” ani Roque sa Palace briefing ngayong Lunes nang tanungin kung muling ibabalik ang bansa sa enhanced community quarantine (ECQ).


“Handa po tayong gamutin ang mga magkakasakit. Meron pong available na beds, at inatasan na po natin ang mga local government units na paigtingin ang compliance sa minimum public health standards, contact tracing, testing, at may kapangyarihan po sila na magpatupad ng localized lockdown,” paliwanag ng kalihim.


Ipinagdiinan din ni Roque na napakahusay ng ginagawa ng Pilipinas sa pagkontrol ng COVID-19, kahit na bumagsak ang ekonomiya ng bansa ng hanggang -9% na naitalang pagsadsad nang husto mula pa noong 1946.


Ayon kay Roque, mahigit sa 90% ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay mga mild at asymptomatic at ang mga naitalang namatay naman ay umabot lamang sa higit 12,000 na mas mababa kumpara sa United States na napakayamang bansa.


“We were excellent. Na-control po natin ang pagkalat ng sakit lalung-lalo na kung ikukumpara tayo sa mas mayayaman at mga bansa na mas mararami at mas moderno ang mga ospital," ani Roque.


"Hindi po tayo nasa top 5, hindi po tayo nasa 10, hindi po tayo nasa top 15, hindi tayo nasa top 20, hindi tayo nasa top 25. So we did a very good job given na talagang kulang na kulang po talaga ang ating health facilities at kulang iyong pondo na ibinubuhos natin para sa health sector,” dagdag ng opisyal.


Samantala, ipinahayag ng Department of Health (DOH) na hindi pa kailangan ng time-out para sa mga health workers sa ngayon kahit na tumataas ang mga tinamaan ng coronavirus.


“When we went around, nakita natin dumadami po talaga ang mga tao sa ER (emergency room), ang may mga sintomas ng COVID. Pero to say that the system is overwhelmed? No,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang online briefing ngayong Lunes. “'Pag tiningnan po natin ang healthcare utilization, we’re still at the manageable level na mayroon pa po tayong almost 50% na puwede ma-accommodate ang ating mga pasyente,” sabi pa ni Vergeire.


 
 

ni Lolet Abania | January 27, 2021




Mariing ipinahayag ng Malacañang na si Pangulong Rodrigo Duterte ay pribadong magpapabakuna ng COVID-19 vaccine kahit pa maraming nagsasabing dapat ipakita ito sa publiko.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang vaccination ay hindi maaaring gawin at ipakita sa publiko dahil sa nais ng Pangulo na iturok ang bakuna sa kanyang pigi o puwet.


“I think so. He has said so. Sabi niya nga, dahil sa puwet siya magpapasaksak, so hindi pupuwedeng public,” sabi ni Roque sa kanyang press briefing tungkol sa desisyon na ito ni P-Duterte.


Gayunman, pinuri ni Roque ang Pangulo dahil aniya, matatawag pa ring “best communicator” ang Punong Ehekutibo pagdating sa mga kampanya ng gobyerno lalo na sa pagpapatupad ng minimum health standards para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Matatandaang sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa nakaraang Senate inquiry na susubukan niyang kumbinsihin si Pangulong Duterte na magpabakuna sa harap ng publiko para umangat ang kumpiyansa ng mga Pinoy sa vaccine.


Subali't nabanggit din ni Roque na gagayahin ni P-Duterte ang ginawa ni Queen Elizabeth II ng Britain na ang kanyang pagpapabakuna ay inanunsiyo lamang pagkatapos na siya at ang asawang si Prince Philip ay tumanggap ng first shots.


Sina US President Joe Biden, Indonesian President Joko Widodo at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ay ilan lamang sa mga lider sa buong mundo na nagpabakuna na sa harap ng publiko.


 
 

ni Lolet Abania | January 4, 2021




Umabot na sa 100,000 Chinese nationals na naninirahan at nagtatrabaho sa bansa ang nakatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 sa kabila na wala pang inaaprubahan ang Food and Drug Administration (FDA), ayon sa isang civic leader.


Ayon kay Teresita Ang-See, isang Chinese-Filipino, nagsimula ang pagbabakuna sa mga ito noong November, 2020, subalit wala siyang alam kung paanong ang Chinese-developed vaccine ay nakapasok sa Pilipinas.


Sinabi rin ni Ang-See na karamihan sa mga Chinese nationals na naturukan ng vaccine ay nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).


“Okay lang sa akin na mabakunahan sila because we don’t have much control (over) them. Wala tayong basis to touch base with them, especially the POGO workers,” sabi ni Ang-See sa isang forum ngayong Lunes.


“I’m glad that they are being vaccinated because it protects us also if they’re protected,”

dagdag niya, kung saan tiwala aniya ang mga Chinese nationals sa nasabing vaccine.


Hiningan naman ng hiwalay na komento sina Presidential Spokesperson Harry Roque at Philippine Ambassador to China Jose “Chito” Sta. Romana, at anila, hindi nila makumpirma ang binitawang pahayag ni Ang-See.


“Wala po akong impormasyon,” sabi ni Roque sa isang press briefing. “Kung totoo man, eh, di mabuti. (We have) 100,000 less possible carriers of COVID-19,” dagdag ni Roque.


Ayon naman kay Sta. Romana, “Unless they came back to China and had the vaccination here in China, as to whether they were brought out of China, I cannot confirm or deny. I certainly don’t know.”


Samantala, nakasaad sa Food and Drug Administration Act of 2009 na ipinagbabawal ang pag-manufacture, pag-import, pag-export, pagbebenta at distribusyon at iba pa sa "any health product that is adulterated, unregistered or misbranded."


Ang sinumang mahatulan sa naturang krimen ay masesentensiyahan ng isa hanggang 10 taong pagkakabilanggo o pagmumultahin ng P50,000 hanggang P500,000, ayon sa batas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page