top of page
Search

ni Gerard Peter - @Sports | March 31, 2021



ree

Nakamit ni dating two-time Southeast Asian Games medalist Orencio James “OJ” De Los Santos ang kanyang ika-12th gintong medalya ngayong taon, habang muling nagpamalas ang teen sensation na si Fatima A-Isha Lim Hamsain sa pagkapanalo ng kambal na titulo sa 2021 Kamikaze Karate E-Tournament.


Pinatumba ng 31-anyos anyos na dating national team member si Domont Matias Moreno ng Karate-Do Biel-Bienne ng Switzerland sa pamamagitan ng 25-24.5 iskor sa championship round ng e-kata Individual Male Seniors event, ngunit bago rito ay dinaig niya si Alfredo Bustamante ng Miyagiken International Karate Academy ng U.S. sa semifinals bout.


Ito na ang ika-48 titulo ng 8-time national games champion kasunod ng panalo sa 2nd leg ng Budva Winner-Adria Cup, 2nd Leg ng E-Karate World Series, #2 Katana Intercontinental league Paris, 2nd leg ng Sportsdata e-tournament World series, Adidas US Karate Open E-Tournament nung isang buwan, habang nanalo rin ito ng gintong medalya sa Athlete’s E-Tournament Series #1, at Budva Winner-Aria Cup #1 eTournament, habang nakuha nito ang pinakamataas na puntos sa online-virtual competition sa 1st leg ng Katana International League.


I’m very happy winning my 12th gold medal; I really plan to continue the streak and maintain the no. 1 spot. Not only that, but I’m also very proud of my kata student Fatima, who just won double gold in the U16 and U18 female category of the same tournament,” wika ni De Los Santos sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging.


Hindi naman mapigilan sa pagningning ang 14-anyos mula Cayetano Memorial Science and Technology High School nang ibulsa ang magkahiwalay na gold medal sa e-kata Individual Female under-18 nang pabagsakin si Elisa Dominijanni ng A.S.D.Roma 12 ng Italy sa final round via 24.7-23.8, habang muli nitong tinalo ang Italian karateka sa e-kata Individual Female Under-16 event sa iskor na 24.8-23.6

Sa nakalipas na 2nd leg ng Budva Winner-Adria Cup ay kumana ito ng tig-isang gold at bronze saunder-16 women’s kata at U-18 category. Bumanat rin ito ng kambal na gintong medalya sa 2nd Leg ng E-Karate World Series.


 
 

ni Gerard Peter - @Sports | March 30, 2021



ree

Pinatunayan ni national Fencer at dating UAAP juniors MVP Samantha Catantan na tunay na maipagmamalaki ang kahusayan at galing ng mga Filipino pagdating sa pampalakasan ng mahirang itong parte ng All-America honors ng 2021 NCAA Fencing Championship matapos maging runner-up ang koponang Penn State University, Lunes ng umaga, na ginanap sa Bryce Jordan Center, University Park sa Philadelphia, Pennsylvania sa U.S.


Itinarak ng 19-anyos na dating University of the East champions ang solidong undefeated 20-0 record sa pagpasok sa semifinal round matapos ang 5-round ng eliminations sa women’s foil event. Gayunpaman, yumukod ito sa kanyang senior team mate na si Lodovica Bicego sa final four via 14-15, upang pumuwesto sa 3rd place kasama si Amita Biether ng Notre Dame. Natalo si Bicego kay Stefanie Deschner ng Notre Dame sa iskor na 9-15 sa championship bout.


Nanaig din para sa Fighting Irish sina Kara Linder sa women’s sabre event, Marcelo Olivares (men’s foil) at Luke Linder para sa men’s sabre, na nagawang makuha rin ang men’s title at makatabla sa Penn State sa NCAA record na apat na individual championships na nakamit nito noong 2009.


Napagwagian ni Nittany Lions Ryan Griffiths ang men’s epee nang talunin nito si Ewan Stewart ng Notre Dames para sa unang individual title nito sa NCAA. Nagtapos din sa third place si seniors captain Kelli Wozniak sa women’s saber ng kinapos kay Linder via 14-15 sa semifinal round.


Malungkot siya kasi gusto niya sana makuha yun title pero sabi ko sa kanya okey lang naman kasi 1st NCAA mo naka-final 4 ka na agad and gumawa ka pa ng historic sweep sa round 1-5,” pahayag ni Philippine national head coach Ronald “Amatov” Canlas sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging. “Sinabihan ko siya na maganda yung pinakita mong game dahil natalo ka lang ng by 1 point. And most of all Good exposure ito for Olympic Qualifying,” dagdag ni Canlas, na nasa Ormoc, Leyte kasama ang national team para magsanay sa isang bubble training facility na pagmamay-ari ni Philippine Fencing Association (PFA) President Richard Gomez bilang paghahanda sa nalalapit na Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament sa Abril 25-26 sa Tashkent, Uzbekistan at bilang preparasyon na rin para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre 21-Disyembre 2.




 
 

ni Gerard Peter - @Sports | March 30, 2021



ree

Sinuspinde muna ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagsasanay at paghahanda ng pambansang koponan kasunod ng anunsyo ng pagsasailalim sa buong National Capital Region (NCR) at higit pa o “NCR Plus” bubble sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ikalawang pagkakataon.


Masasakop ng naturang “NCR Plus” ang buong Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na inilagay sa ECQ simula Lunes, Marso 29, hanggang Abril 4 dahil sa pagtaas muli ng mga kaso ng Covid-19.


Ipinag-utos ng PSC na ipapatigil muna pansamantala ang mga indoor at outdoor trainings ng national teams na nasasakop ng naturang panukala, at hinimok muna ng ahensya ang lahat ng national sports associations (NSAs) na magpatuloy muna ng mga pagsasanay sa online trainings.


The NSAs encouraged to practice online individual training and no group activities shall be conducted,” ayon sa inilabas na advisory ng PSC. “Further, all national training pool members must ensure proper compliance with relevant precautionary measures of the Department of Health and IATF-issued health and safety protocol at all times," dagdag sa nasabing abiso.


Matatandaang patuloy na nagsasanay at naghahanda ang mga atletang nais makapasok sa 2021 Tokyo Olympics sa darating na Hulyo 24-Agosto 8 sa Tokyo, Japan matapos payagang makapag-ensayo sa anunsyo ng IATF noong Disyembre para ngayong taon.


Lahat ng kuwalipikado para sa Summer Olympic Games ay nasa labas ng Pilipinas para magsanay, na sina men’s pole vaulter Ernest Obiena na nasa Italy, gymnast Caloy Yulo na nasa Japan, men’s middleweight boxer Eumir Felix Marcial na nasa Wild Card Gym sa Los Angeles, California, habang sina 2019 AIBA women’s World champion Nesthy Petecio, Irish Magno at Carlo Paalam ay nasa Thailand.


Nasa Istanbul, Turkey ang national karatekas na sina 30th SEAG champion Jamie Lim (women’s +61kgs), biennial meet bronze medalists Joane Orbon (women’s -61kgs), Sharief Afif (men’s +75kgs), Ivan Agustin (men’s -75kgs) at Alwyn Batican (men’s -67kgs), habang si 2018 Asian Games bronze medalist Junaa Tsukii ay nasa Serbia pa, at maaaring sumunod sa kanyang mga ka-team mates.






 
 
RECOMMENDED
bottom of page