top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | May 3, 2023



Impresibo sa kanyang unang P2 podium finish si Filipina race car driver Bianca Bustamante sa pagpapasinaya ng karerahan sa 2023 F1 Academy sa Spielberg, Austria nitong nagdaang weekend.


Nakatakdang tumapos lang sa P3 ang 18-anyos na Filipino-American racer sa Race 1, subalit iniaangat ito sa P2 matapos na madiskwalipika si Nerea Marti ng Campos Racing matapos mapag-alamang hindi angkop ang sasakyan sa teknikal na regulasyon ng karera, habang tumapos ito sa oras na 30:33.815 sa 13 laps.


Dahil sa nakuhang panalo ay nabigyan ng 18 puntos si Bustamante sa Race 1, upang maging 1-2 finish ang Prema Racing sa pangunguna ni Marta Garcia sa P1 na may 25 puntos. Naipasok ni Bustamante ang magkasunod na runner-up finish sa Qualifying 1 at 2 sa makasaysayang Red Bull Ring na naiiba ang pormat ng naturang karera sa normal na Formula 1 dahil isa itong serye ng all-female racing na may tatlong round kada karera.


Drove my heart out. P2 in our first ever F1 academy race! Maraming Salamat, thank you to everyone who supported and pushed me to strive. Hunting for more next race,” pahayag ni Bustamante sa kanyang Instagram post.


Hindi naman pinalad na maulit ni Bustamante ang kanyang podium finish sa Race 2 nang tumapos lang ito sa 9th place sa oras na 18:49.633 sa 10 laps, habang hindi na ito nakatakbo sa Race 3 dulot naman ng teknikal na problema.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 2, 2023



Kinumpleto ng Arellano University ang sariling four-peat title reign nang muling mapagtagumpayan ang 98th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Cheerleading Competition, Linggo ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.


Kumulekta ng kabuuang 245.5 puntos ang Arellano Chief squad upang maibulsa ang panibagong kampeonato matapos matigil pansamantala ang paghahari nito sa kompetisyon dulot ng naganap na lockdowns kasunod ng COVID-19 pandemic na napagwagian ng huli noong 2019 sa MOA Arena sa Pasay City.


Sa kabuuan ay mayroon ng limang titulo ang Sampaloc-based cheering squad, kabilang ang kampeonato noong 90th season noong 2014-2015, na agad na binawi ng league-best University of Perpetual Help System Dalta Altas na may kabuuang siyam na kampeonato, kabilang ang isang three-peat at five-peat reign mula 2010-2014.


Ang Perpetual rin ang sumegunda ngayong taon sa 227.5 puntos, para sa kanilang ikalimang runner-up finish, habang nakuha ng Colegio de San Juan de Letran ang kanilang ika-apat na third place finish sa 215.5 puntos.


Kinapos naman sa podium finish ang one-time champion na Mapua Cardinals sa 210.5, San Beda University sa fifth place sa 204, Emilio Aguinaldo College sa sixth sa 196.5, College of Saint Benilde sa seventh sa 183.5, Lyceum of the Philippines University at San Sebastian College sa eight place sa parehong 155.5 at season 84 titlist Jose Rizal University sa pinakahuli sa 138.5.


Ito na ang pinakahuling torneo ng liga ngayong season 98th sa pagsasara ng hosting ng EAC Generals na nakatakdang ipasa ang responsibilidad sa 99th season host JRU Bombers.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 1, 2023



Nagpamalas ng mahusay na pagmamando sa loob ng court si Adamson University Lady Falcons ace playmaker at team captain Louie Romero upang biyayaan ng maayos na opensa ang koponan para pormal na selyuhan ang third seed sa Final Four laban sa masisipag na Far Eastern University Lady Tamaraws 25-22, 26-28, 25-15, 25-17 kahapon sa huling araw ng eliminasyon ng 85th UAAP women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.


Namahagi ang 5-foot-4 setter mula Rodriguez, Rizal ng kabuuang 21 excellent sets, kasama ang tatlong puntos upang padalhan ng magagandang pasa sina Kate Santiago na tumapos ng 21pts mula sa 20 killsat isang blocks at rookie Trisha Gayle Tubu ng 18pts sa 15 atake at tatlong blocks, habang umalalay rin sa puntos sina midlle blocker Lorence Toring sa 13 pts at Lucille Almonte na kumarga muli ng triple-double sa 10pts, 22 excellent receptions at 16 excellent digs.


Siguro nu'ng second [set] medyo nag-relax kami nawalan kami ng receive at hindi ko na-activate yung middle ko,” pahayag ni Romero sa pagkatalo sa second set, subalit nagsimulang magtrabaho pagdating ng third at fourth set. “Sabi ko sa sarili ko na kailangan kong mag-step up sa team, na kailangan kong gawin yung trabaho ko as a leader para sumunod yung mga kakampi ko,” dagdag ng graduating setter na makakatapat ang second seed na defending champions National University Lady Bulldogs sa Miyerkules sa pagsisimula ng Final Four. “Magtraining kami nu'ng maayos, lalo na execution at pag-aralan yung susunod na makakalaban.”


Naging matagumpay naman ang kampanya ng Lady Tamaraws ngayong season ng magtapos sa 6-8 rekord kasunod ng 1-13 kartada noong 84th season.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page