top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | May 5, 2023



Pinilipit ni 2021 World Championships medalists Kaila Napolis ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas matapos mahigitan si 2018 Jakarta-Palembang Asian Games champion Jessica Khan ng Cambodia sa pambihirang 2-0 iskor sa women’s Ne-Waza Gi under-52kgs, kahapon sa 32nd Southeast Asian Games sa Chroy Changvar Convention Center: Hall B, Phnom Penh, Cambodia.


Matamis na tagumpay ang nakuha ng 26-anyos na 2021 Jiu-Jitsu International Federation (JJIF) World Championships bronze medalist nang bawian ang Cambodian grappler matapos magsalubong noong 2019 Manila Games ng sumegunda lang ang Pinay jiujitera sa mas mababang timbang sa under-49kgs division.


Naging malaking pagkakataon para sa Checkmat Philippines grappler na makapuntos sa ikalawang punto upang payukuin ang American-Cambodian black belter, na siyang pangunahing pambato ng host country sa naturang kumpetisyon matapos maging ikalawang atletang nag-uwi ng gintong medalya para sa Cambodia sa Asian Games.


Bago mailista ni Napolis ang tagumpay ay nauna muna nitong tinalo sina May Yong Teh ng Singapore sa iskor na 50-0, habang sunod na ginapi si Nuchanat Singchalad ng Thailand sa bisa ng 3-0 at Thi Huyen Dang ng Vietnam sa 50-0.


Muling naidagdag sa mga tagumpay ng Jiujitsu Federation of the Philippines (JJFP) grappler ang panalo sa kanyang mga gold medal performance sa 2019 World Martial Arts Mastership sa South Korea at 2018 UAEJJ Thailand National Pro, gayundin ang silver medals sa 2018 Abu Dhabi Grand Slam Tour London, 2018 JJAU Asian Championships, at 2017 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG), habang bronze medals ito sa 2019 JJAJ Asian Championships at 2016 Asian Beach Games.


Nakapagbulsa rin ng tansong medalya ang tambalan nina Isabela Montana at Dianne Bargo sa women’s SHOW, habang binayayaan rin ng tanso ang magkapatid na Jan Harvey at Karl Dale Navarro sa men’s DUO.

 
 

ni GA / Clyde Mariano / MC @Sports | May 4, 2023



Nakasisiguro na ang Pilipinas ng dalawang gintong medalya sa Obstacle Course event ng 32nd Southeast Asian Games matapos pumasok sa Finals ang apat na Pinoy sa Chroy Changvar Convention Center sa Phnom Penh, Cambodia.


Nahigitan nina Precious Cabuya at Kaizen Dela Cerna ang mga katunggali sa women’s individual event para sa All-Pinay showdown, habang magkasunod na tumapos sina Jaymark Rodelas at Popoy Pascua sa men’s individual run.


Rumehistro ang women’s tandem na sina Cabuya at Dela Cerna ng 33.627 at 37.662 sa Heat 1 at 33.128 at 34.863 sa Heat 2, ayon sa pagkakasunod, upang higitan ang Indonesian players na sina Anggun Yolanda Samsul Hadi at Mudji Mulyani na tumapos sa third at fourth at ang Cambodian runners na sina Yin Pi Sey at Touch Sreytoch.


Mabilis naman ang pagkuha nina Rodelas at Pascual ng magkwalipika sa 25.0921 at 26.1896, upang ilista ang title faceoff sa Sabado. “The amazing performances of our athletes in obstacle course two days before the formal opening of the 11-nation biennial meet in all fronts indeed a good sign of our strong campaign in the two weeks competition. The excellent campaign of our athletes in obstacle course inspire the other athletes to go for the gold,” ayon kay Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann.


Samantala, maagang tagumpay ang nadala ng woodpusher duo na sina first PH Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna at Woman International Master Shania Mae Mendoza sa Ouk Chaktrang event.

Nakatiyak na sa silver medal na ang dalawang tacticians sa Ouk Chaktrang na Cambodia version ng chess na may ibang rules tulad ng pagkakaroon ng pawns sa pangatlong rank sa halip na 2nd rank at kakayahan ng King na tumalon imbes na isang square lang ang hakbang.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 4, 2023



Ipinag-utos ng husgado ng U.S. na magbayad ng $5.1 million o higit P282-M si 8th division World champion Manny “Pacman” Pacquiao matapos panigan ang kampo ng Paradigm Sports sa isinampang Breach of Contract.


Mula sa botong 9-3, ginawaran ng mga jury ang Paradigm Sports ng $1.8-M sa damages at inatasang magbayad ang Filipino boxing legend ng $3.3-M sa ibinigay ng naturang kumpanya. Ipinaliwanag rin ni Paradigm counsel Judd Bernstein na nabigo si Pacquiao na magampanan ang tungkulin sa kumpanya.


Idinagdag pa ni Bernstein na dahil sa isinampang breach of contract ay nawalan sila ng $22-M na kita, kabilang ang $3.3-M paunang bayad na ibinigay kay Pacquiao.


Nagsimulang magdemanda ang Paradigm kay Pacquiao nang hindi umano matuloy ang mga laban nito para sa kumpanya, kung saan nagawa pa umanong pumirma ng kontrata ng ‘Pambansang Kamao’ noong Oktubre 2020 upang itulak ang boxing match sa pagitan nina Pacquiao at two-division UFC champion Conor McGregor at iba pang mga susunod na plano.


Sinubukan ding hadlangan ng Paradigm ang laban ni Pacman kay unified welterweight champ Errol Spence Jr., na kinalaunay 'di natuloy matapos ma-injured ang American boxer at matapat noong Agosto 2021 na laban kay Yordenis Ugas na nagtapos sa 12-round UD na huling laban sa professional boxing ni Pacquiao para tumakbong Pangulo ng Pilipinas.


Ipinagtanggol ng kampo ni Pacquiao ang panig sa pagpalya umano ng Paradigm na mabigyan siya ng mga laban at endorsements at kumpletong bayad na $4-million na paunang bayad.


Ipinaliwanag ng tagapagtanggol ni Pacquiao na si Bruze Cleeland na hindi maituturing na paglabag sa kontrata ang ginawa ng kliyente dahil may karapatan itong tapusin ang anumang pakikipagsosyo sa Paradigm buhat ng hindi matugunan ng Paradigm ang kanilang obligasyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page