- BULGAR
- May 9, 2023
ni Gerard Arce @Sports | May 9, 2023

Matagumpay na nadepensahan ni Fernando Casares ang kanyang korona sa men’s Triathlon, habang ginalingan naman ng SIBOL Esports national squad ang laro sa League of Legends: Wild Rift (mobile) sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Sinimulan ng Filipino-Spanish triathlete ang araw ng Lunes sa mabilis na paglangoy, pagtakbo, at pagpidal sa kabuuang oras na 58.32 minuto upang malampasan sa karera ang Indonesian triathlete na si Rashif Amila Yaquin na rumehistro sa 58.45, habang nakapaglista ng dagdag na bronze medal mula kay Andrew Kim Remolino sa 59.53 para sa kanyang ikalawang medalya matapos magbulsa ng silver medal sa men’s individual Aquathlon noong Sabado sa Kep City, Kep Town Beach.
Naputol ang pagrereyna ni Kim Mangrobang sa women’s triathlon nang maunahan ng halos 2 minuto ng naturalized triathlete na si Margot Garabedian upang matapos ang tatlong taong nasa tuktok ng podium finish.
Rumehistro si Mangrobang ng 1:07.21 para sa silver medal, habang nakuha ni Garabedian ang ikalawang gintong medalya (1:05.31) nang manguna sa women’s individual Aquathlon noong Sabado ng umaga.
Nabigo namang makapag-uwi ng double gold si Mangrobang na kakapanalo lang ng gintong medalya sa women’s duathlon noong Linggo.
Bago tapusin ang araw ng kompetisyon nitong linggo ng gabi, nagpamalas ng husay at diskarte sa laro ang SIBOL upang makuha ang Wild Rift title sa mixed team, 3-1 kontra Vietnamese.
Naisagawa ng grupo nina Aaron Bingay, Chammy Nazarrea, Golden Hart Dajao, Justine Ritchie Tan, Reniel Angara at Gerald Gianne Gelacio ang unang gintong medalya para sa SIBOL sa biennial meet ng padapain Vietnamese team na binubuo nina Gia Huy Tran, Hong Phuc Tran, Minh Manh Bui, Nhat Tan Dang, Trung Hau Ho, Tien Nhat Hoang at Trung Duc Nguyen.






