top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | May 27, 2023




Pormal ng tinapos ni Queen Tigresses Ejiya “Eya” Laure ang kanyang pananatili sa lungga ng University of Santo Tomas Golden Tigresses kasunod ng mensahe nito sa social media, kaantabay na rin ang anunsyo ng Chery Tiggo Crossovers ng limang bagong manlalaro na sasabak sa 2023 Invitational Conference ng Premier Volleyball League (PVL), kung saan maaaring maging parte ang all-around outside hitter.


Walang mapaglagyan ng pasasalamat at pagmamahal ang inilabas na mga salita ng 24-anyos na season 81 Rookie of the Year sa kanyang Instagram account nitong Huwebes ng gabi, kung saan humingi rin ito ng kapatawaran sa kampeonatong hindi naibigay sa koponan na pinagserbisyuhan ng 12 taon.


Kaya siguro up until the last minute, I wanted to find a way to play for one more year. Para akong nakikipag-break sa libu-libong tao and my heart is shattering into pieces. Ang sakit at ang hirap magpaalam,” pahayag ng 5-foot-10 spiker. “Patawad dahil hindi ko naibigay yung championship na deserve n'yo. But more than that, salamat. Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang laki ng pasasalamat na meron ako sa inyo.”


Gayunpaman, nagpahatid pa rin ito ng kasiguruhan na patuloy na susuportahan ng buong-buo ang Golden Tigresses sa lahat ng panahon.


Lagi n'yo akong pinupuri dahil sabi niyo mahal na mahal ko ang UST. Pero sana malaman niyo na kayo ang nagturo sa akin nun,” saad ni Laure. “Pangako, kahit saan man ako mapadpad, bitbit ko ang pagmamahal niyo. No goodbyes. Just see you again. I will forever be your Kapitana Eya Laure. Kasama niyong sisigaw ng Go USTe hanggang dulo.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 26, 2023




Masusubukan ang mga koponang Gerflor at Farm Fresh sa mga panibagong koponan na sasabak sa bagong kumperensya ng Premier Volleyball League (PVL) simula sa Hunyo 29.


Nakatakdang makipaghambalusan ang dalawang bagong koponan sa Invitational Conference upang lumobo ang bilang ng koponan sa 10 kabilang ang reigning All-Filipino champion Creamline Cool Smashers, PLDT High Speed Hitters, Chery Tiggo Crossovers Akari Chargers, Petro Gazz Angels, F2 Logistics Cargo Movers, Cignal HD Spikers, at Choco Mucho Flying Titans.


Pansamantala namang magpapahinga ang Army Lady Troopers dahil sa kawalan ng mga manlalaro na kasalukuyang nasa serbisyo ng pagsasanay sa military.


Inaasahan ni PVL President Ricky Palou na magtatagal sa liga ang dalawang bagong koponan na nangakong makikipagsabayan sa hambalusan sa naunang koponan, kung saan wala pang pinal na listahan ng mga manlalaro na inaanunsiyo.


Nakatakdang pamunuan ng Gerflor si dating Cignal coach at National University Nazareth School boys volleyball chief tactician Edgar Barroga, habang magko-coach naman para sa Farm Fresh si two-time National Collegiate Athletic Association champion mula College of Saint Benilde Lady Blazers at third placer Adamson University Lady Falcons sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Jerry Yee.


Nahati na sa dalawang grupo ang 10 koponan mula sa Pool A na binubuo ng Creamline PLDT, Chery Tiggom Akari at Gerflor, habang nasa Pool B ang Angels, Cargo Movers, HD Spikers, Flying Titans at Far Fresh.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 23, 2023




Utak at karanasan ang naging puhunan sa pakikipaglaban ni Kun Bokator gold medalist Robin “Ilonggo” Catalan upang mapagtagumpayan ang panalo sa men’s 50kgs Combat sa katatapos na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia. Aminado ang 32-anyos na striker sa akayanan pagdating sa pakikipag-upakan lalo mas malalaki ang kanyang nakakalaban na nakatapat sa kanyang kategorya sa biennial Games, kabilang ang hometown bet na si Sovan Nang na natakasan niya sa bisa ng 2-1 iskor.


Actually, yung nakalaban ko na Cambodia, superstar nila, magaling at matangkad, sabi ko sige, kapag hindi ko ito binugbog at parehas kami, matatalo ako eh, kase hometown. Na-scout na nila ako bago pa ang laban,” pahayag ni Catalan sa live Bulgar Sports Beat TV.


Bata pa lang ay natuto ng sumabak sa mga bakbakan ang 5-foot-0 fighter mula Negros Occidental dahil sa amang boksingero, habang walo sa 12 magkakapatid ang pumasok sa larangan ng mixed martial arts, na pinangungunahan ng nakatatandang kapatid na si Wushu World champion at Catalan Fighting System founder Rene “D’Challenger” Catalan, habang kasalukuyang national team member at combat fighter ng Pilipinas Sambo National team na pinamumunuan ni Deputy Chef-de-Mission Paolo Tancontian.


Kilala ako nung mga kalaban ko, lalo na yung Indonesian na nakalaban ko sa Finals.


Inaabangan na nila kami magkaharap,” wika ng dating flyweight fighter ng ONE Championship na may kartadang 10-8 panalo-talo. “Sabi noong kalaban ko very smart daw ako, ‘di daw sya nakaporma,” dagdag nito na tinalo ang MMA fighter na si Ade Permana ng Indonesia sa iskor na 3-0 sa Finals.


Malaking bagay umano na matutunan ng lahat ng fighters at boksingero ngayon na hindi pwedeng manalo ng knockout lang dahil kinakailangang gamitin ang matalas na diskarte at utak sa laro.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page