- BULGAR
- Jun 29, 2023
ni Gerard Arce @Sports | June 29, 2023

Mga laro ngayong Huwebes
(FilOil EcoOil Arena, San Juan City)
1:30 n.h. – Creamline vs Gerflor Defenders (Pool A)
4:00 n.h. – Choco Mucho vs Farm Fresh (Pool B)
6:30 n.g. – Petro Gazz vs Foton (Pool B)
Puntirya ng defending champions Creamline Cool Smashers na makuha ang ikalawang sunod na panalo at maagang liderato sa pakikipagtuos sa baguhang Quezon City Gerflor Defenders sa pambungad na laro, habang masisilayan din sa unang pagkakataon ngayong komperensiya ang Choco Mucho Flying Titans at Foton Tornadoes laban sa magbabawing Farm Fresh Foxies at Petro Gazz Angels sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational tourney ngayong Huwebes ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Maagang ipinamalas ni three-time conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos ang kanyang bagsik sa laro nang pangunahan ang pangwawalis ng Cool Smashers laban sa pinalakas na Chery Tiggo Crossovers sa 25-22, 25-22, 25-17 noong Martes ng gabi.
Kumarga si Carlos ng game-high 24 puntos mula sa 21 atake kasama ang 9 digs, katulong sina Jema Galanza na tumapos ng 12 puntos at limang excellent receptions, habang umantabay din si Celine Domingo sa 6, Jeanette Panaga sa 5 at Alyssa Valdez na nagbabalik sa liga sa tatlong puntos at 10 digs, matapos sumailalim sa operasyon at mahabang rehabilitasyon.
“It’s quite different talaga. Siguro this is the longest time that I’ve never played volleyball in my life. Six months,” wika ng dating three-time MVP at multi-titlist na unang beses nakitang nakabalik sa laro sa nakalipas na 32nd Southeast Asian Games sa Phnom Penh sa Cambodia. “So, it’s one step at a time, and I really have to trust the process.”
Makakatapat ng Cool Smashers ang Gerflor Defenders sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon, na ipaparada ang mga baguhang manlalaro mula collegiate league na sina Alyssa Bertolano at Ethan Arce mula UP Lady Maroons at mga beteranong sina Carmina Aganon-Digal, Fen Emnas, Mary Anne Esguerra, Shanne Palec, Janine Navarro at Ivy Perez.
Masisilayan sa pagbabalik aksyon sa indoor volleyball si Cherry Anne “Sisi” Rondina para sa Choco Mucho na makakaharap ang magbabawing Farm Fresh sa 2nd game ng 4:00 ng hapon, habang tatapusin ng three-game schedule ang All-Filipino runner-up Petro Gazz kontra baguhang grupo ng Foton Tornadoes na pagbibidahan nina Jasmine Nabor, Nene Bautista at Shaya Adorador sa alas-6:30 ng gabi.






