top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | July 13, 2023




Mas lalo pang patitibayin ng defending champions Creamline Cool Smashers ang pagkakahawak sa liderato katapat ang mas pinalakas na PLDT High Speed Hitters para sa karapatan na makuha ang top spot ng grupo sa Pool A patungo sa mas kaabang-abang na semis ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.


Target ng Cool Smashers na makuha ang 3-0 kartada upang lumapit sa pagiging unang koponan na makakuha ng semis berth kasunod ng impresibong pangwawalis sa Chery Tiggo Crossovers at Gerflor Defenders.


Maghaharap ang Cool Smashers at High Speed Hitters ng 4 p.m. na susundan ng huling laro ng 6:30 p.m. sa pagitan ng wala pang panalong Farm Fresh Foxies at Cignal HD Spikers. Subalit bago rito ay maghahambalusan muna sa pambungad na laro sa quadruple-header ang Gerflor at Chery Tiggo sa 9:30 am. na susundan ng Pool B leader na F2 Logistics Cargo Movers at Petro Gazz Angels.


Kinakailangang masigurado ng CCS ang ikatlong panalo nito upang masigurado ang dalawang slot para sa semis na muling pagbibidahan nina 3-time conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos, Jema Galanza, Ced Domingo, Michelle Gumabao, Jia De Guzman, at Alyssa Valdez.


Inaasahang makababalik na sa paglalaro sina middle blocker Mika Reyes at Mean Mendrez mula sa injuries. Nasa huling estado na ng kanyang recovery si Reyes sa kanyang shoulder injury, habang may minor knee injury naman si Mendrez. “Mean just had a recent knee issue, but it's not a big concern. Mika is still recovering from her shoulder, but she's doing well and able to keep up with the training,” wika ni head coach Rald Ricafort na nagawang makuha ang unang panalo sa bisa ng 25-15, 25-19, 25-22 laban sa Akari Chargers.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | July 12, 2023




Muling nagngitngit sa inis ang Filipino fans at mga tagasunod nito matapos muling ibangko si Kai Zachary Sotto sa ikalawang pagkakataon ng Orlando Magic na ibinaon ng husto ng Indiana Pacers sa bisa ng 85-108 nitong Martes ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.


Nakalista sa lineup ang 7-foot-3 Pinoy center, subalit inilagay ito sa DNP (Did Not Play-Coach’s Decision) sa ikalawang sunod na laro matapos itong ibabad sa upuan ng Orlando sa pambungad na laro kontra Detroit Pistons nitong Linggo ng umaga.


Hindi napigilan ng mga tagahanga ni Sotto na isigaw ang kanilang sentimiyento at damdamin ng isigaw nila ang “We want Sotto” chant ng muling hindi paglaruin ni coach Dylan Murphy, kung saan isa sa 10 manlalaro ang hindi naispatang palaruin ng Orlando na ipinasok lang ang 11 manlalaro.


Dahil sa kakulangan ng tangkad ng Orlando ay nagawang maneubrahin ni Pacers guard Andrew Nembhard ang laro ng kumamada ito ng 21 puntos, pitong assists, tatlong rebouhnds at tatlong steals, habang nagsumite ng double-double si Isaiah Jackson ng 13 markers at 11 boards.


Umaasa ang maraming tagasubaybay ni Sotto na makakakuha ito ng sapat na minuto upang makapaglaro at mailabas ang husay at kaalaman laban sa New York Knicks sa Huwebes.


Kasalukuyang naglalaro ang mga may dugong Pinoy na sina Fil-Am at Gilas Pilipinas leading guard Jordan Clarkson sa Utah Jazz, Jalen Green ng Houston Rockets at Raymond Townsend sa GSWs at Indiana Pacers nung Dekada ‘80.


Hinihintay din ang serbisyo nito sa Gilas Pilipinas para sa 2023 World Cup kasama si Clarkson at iba pang mga manlalaro sa professional at amateur league sa bansa, habang nakapirma ito ng kontrata sa Hiroshima Dragonflies sa Japan B-League.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | July 12, 2023



Mga laro sa Huwebes:


(Philsports Arena/ Pasig City)

9:30am – Gerflor vs. Chery Tiggo

12:00nn - F2 vs. Petro Gazz

4:00pm – Creamline vs. PLDT

6:30pm - Farm Fresh vs. Cignal


Kapwa winalis ng All-Filipino runner-up Petro Gazz Angels at Cignal HD Spikers ang mga kulelat na Farm Fresh Foxies at Foton Tornadoes upang mailista ang ikalawang panalo at mas tumindi ang labanan para sa puwesto sa semifinals sa mas tumitinding bakbakan sa preliminaries ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.


Nalampasan ng Petro Gazz ang matinding hamon na ibinigay ng Farm Fresh sa dikdikang second set upang matakasan ang laban sa straight set 25-21, 31-29, 25-17 matapos pagtulungang buhatin nina Grethcel Soltones at Aiza Pontillas na umiskor ng 16 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang may karagdagang siyam na digs ang dating three-time NCAA MVP mula San Sebastian Lady Stags.


They lost their timing because of their willingness and eagerness to make a point – and win – right away,” wika ni Petro Gazz coach Oliver Almadro, patungkol sa itinapon na 21 errors sa unang dalawang sets. “But I’m happy how they performed overall,” dagdag ni Almadro na nakakuha ng malaking tulong sa floor defense mula kay Cienne Cruz na sumalo ng 19 excellent receptions at 10 digs.


Tanging si dating NCAA Finals MVP Jhasmin Gayle Pascual ang tumapos ng doble pigura sa 11 puntos, habang nag-ambag si dating Adamson Lady Falcons hitter Kate Santiago ng 7 puntos.


Nagamit na tsansa ng Cignal ang mahabang bakasyon upang pag-ibayuhin ang paghahanda laban sa Foton na madaling tinapos sa bisa ng 25-10, 25-16, 25-22 kasunod ng mahusay na pagmamando sa opensa ni ace playmaker Maria Angelica “Gel” Cayuna sa ikalawang laro.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page