top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | July 29, 2023



Nakalabas na ng hospital ang panganay na anak ni NBA superstar LeBron James ng Los Angeles Lakers na si Bronny James matapos atakehin sa puso habang nagsasanay sa University of Southern California (USC) nitong Lunes ng umaga (oras sa Amerika).


Isinugod sa Cedars-Sinai Medical Center ang 18-anyos na 6-foot-3 guard kasunod ng pagsagip rito ng medical staff ng USC Galen Center habang agad isinugod sa pagamutan matapos ipasok sa Intensive Care Unit (ICU).


Thanks to the swift and effective response by the USC athletics’ medical staff, Bronny James was successfully treated for a sudden cardiac arrest. He arrived at Cedars-Sinai Medical Center fully conscious, neurologically intact and stable,” wika ni consulting cardiologist mula Cedars-Sinai Medical Group, Dr Marije Chukumerije, sa panayam nito sa The Athletic. “Mr James was cared for promptly by highly-trained staff and has been discharged home, where he is resting. Although his workup will be ongoing, we are hopeful for his continued progress and are encouraged by his response, resilience, and his family and community support.”


Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si USC spokesman Jeremy Pepper sa mga katanungan patungkol sa katayuan ng future basketball star, habang samu’t saring saloobin at panalangin ang inihatid ng iba’t ibang personalidad sa pampalakasan sa kanilang social media account.


Nagpasalamat na rin ang four-time champion at league MVP sa lahat ng sumuporta at tumulong sa mabilis na paggaling ng anak itinuturing na isa sa top prospect ang incoming rookie mula Sierra Canyon School na kumakamada ng 14 puntos at limang rebounds sa kanyang senior year, kabilang ang paggawad rito bilang parte ng McDonald’s All-American ngayong taon, habang ang kanyang nakababatang kapatid na si Bryce ay lumipat sa Campbell High School sa Studio City.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | July 26, 2023



Papalo para sa University of the East Lady Warriors ang mga bigating manlalaro mula California Academy spikers na binubuo nina Casiey Dongallo, Jelaica Gajero, Kizzie Madriaga at Grace Fernandez, gayundin si Gracel Christian College Foundation standout Claire Castillo para makalaro sa darating na season 86 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament.


Dumating na rin ang pinakahihintay na pangakong pinanghahawakan na ng Lady Warriors matapos tanggapin ng top-high school recruits ang alok na maglaro sa Recto-based squad, kung saan eligible ang lahat para sa kanilang rookie-debut sa pagbubukas ng liga sa susunod na taon.


Ibinigay ng limang balebolista ang kanilang pangako kay Strong Group Athletics founder Frank Lao at head coach Jerry Yee nitong Martes sa Gloria Maris Restaurant Greenhills sa San Juan.


Having the Cali Babies commit to our team is such a crucial part of our rebuilding process. We all know what they can bring to the table, and as a team, we are very excited to have them be part of our journey,” pahayag ni Lady Warriors team manager Jared Lao.


Bukod sa limang manlalaro, tinapik rin ng UE si California Academy head coach Obet Vital bilang parte ng assistant coaches ni Yee.


Nakilala ang California Academy bilang isa sa mga pangunahing koponan na nakakapagbuo ng mahusay na high school volleyball program sa bansa, kung saan nagawa nitong makipagsabayan sa mahuhusay na koponan sa Premier Volleyball League (PVL) ng lumahok ito sa 2021 PNVF Champions League for Women kung saan nagtapos sila sa fifth place.


Nabigyan din ng pagkakataon sina Dongallo at Gajero na maging parte ng national pool ng Philippine Women's National Volleyball Team. Nagawa ring dominahin ng California Academy ang 2023 PNVF Under-18 Girls' Tournament at Shakey’s Girls Invitational Volleyball League.


Mahusay na nagpamalas ng kanyang playmaking si Madriaga sa PNVF U18 tournament ng magwagi itong Best Setter, habang si Dongallo ay hinirang na MVP ng Shakey’s tourney.


Pinarangalan rin si Gajero bilang Best Outside Spiker, Fernandez bilang Best Libero, at Madriaga bilang Best Setter.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | July 26, 2023



Mga laro bukas (Huwebes) (Philsports Arena)

4:00 n.h. – PLDT High Speed Hitters vs Kurashiki Ablaze

6:30 n.g – Kinh Bac Bac Ninh Womens vs Cignal HD Spikers


Paniguradong babalik sa finals upang depensahan ng Creamline Cool Smashers ang kanilang titulo sa Invitational Conference matapos walisin ang Vietnam guest team na Kinh Bac Bac Ninh Womens sa bisa ng 25-23, 25-23, 25-17 na mahusay na ginabayan ni ace playmaker Julia Morado-De Guzman sa maigsing single round-robin semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.


Namahagi ng kabuuang 17 excellent sets at tatlong puntos ang 28-anyos na multi-best setter ng liga upang biyayaan ng atake sina Diana Mae “Tots” Carlos ng 16 puntos mula sa 14 atake at dalawang blocks, gayundin si Alyssa Valdez sa 11pts sa lahat ng atake kabilang ang 11 excellent receptions, habang may ambag si Jessica “Jema” Galanza na 10pts at 10 excellent digs. May tig-7 puntos din sina Michelle Gumabao at Jenanette Panaga.


Thankful kami sa mga players siyempre nagrerespond sa mga sinasabi at pinapagawa namin kaya siguro nasa finals kami ulit,” pahayag ni Creamline head coach Sherwin Meneses. “Pero syempre lahat ng team’s gusto mag-champion kaya ‘di pa tapos yung goal namin kaya hopefully makuha namin yung finals kaya pagtatrabahuhan pa naming.”


Naging maingat sa pagtakbo ng laro ang Creamline na nagkamit lamang ng 13 errors kontra sa 20 ng Kinh Bac BacNinh, habang mas naging epektibo ang depensa sa blocking ng defending champions sa 10 na pinagbidahan ni last year Finals MVP Ced Domingo sa 4 na tumapos ng kabuuang 8 puntos.


Muli namang nakaranas ng panibagong pagkabigo ang Vietnamese squad para bumagsak sa 0-3 kartada at lumabo ang tsansa na makapasok sa Finals. Puntirya ng Cool Smashers na makuha ang kanilang back-to-back title at ika-pitong kampeonato sa liga na nabigong mailista ang kauna-unahang Grandslam title nung isang taon na naunsyami ng mabigong makapasok sa finals ng 2022 Reinforced Conference.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page