top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 24, 2022



Ilang araw nang nasa kritikal na kondisyon si Lydia de Vega. Nalungkot ako sa balita.


Naalala ko pa noong una ko siyang nakilala noong 2003. Kura-paroko ako sa Our Lady of the Miraculous Medal sa Proj. 4, Quezon City. Naalala ko ang malungkot naming pagkikita dahil sa trahedya ng aksidente ng kanyang anak na lalaki. Masayang kausap si Lydia.Pareho kaming mananakbo.


Sprinter siya, long distance (ultra) runner naman ako. Nakapanghihinayang na hindi kami masyadong nakapag-usap at nagkaroon ng pagkakataong magtulungan para itaguyod ang aming hilig sa pagtakbo. Sayang at hindi na namin napagkuwentuhan ang kakaibang mundo ng pagtakbo.


Magkakaroon pa kaya kami ng pagkakataong mag-usap?


Maraming nagmamahal at humahanga kay Lydia, kaya’t hiniling nila akong magmisa noong Biyernes sa ganap na ika-6: 00 ng gabi. Kakaiba ang misang naialay ko. Walang kamag-anak, kaibigan, ka-trabaho o kakilalang nakarating sa simbahan para dumalo ng misa para kay Lydia.


Apat lang ang tao sa loob ng simbahan: ang Lector-Commentator; ang nagpapatakbo ng livestreaming sa computer, parukyanong napadaan lang at sumama na rin sa misa at ang pari.


Dobleng-lungkot ang naramdaman ko. Malungkot dahil sa malubhang kalagayan ng Asia’s Queen of Sprint. Malungkot din dahil walang dumating na sinumang malapit sa kanya.


Noong simula ng misa, wala pa ako masyadong maramdaman o maisip na maaaring ibahagi tungkol kay Lydia. Bigla ko na lang namalayang kapistahan pala ni Santa Maria Magdalena. At tuwang-tuwa akong basahin ang ebanghelyo na tungkol sa mahalagang papel ni Maria Magdalena.


Mabilis at tila mas mabilis kumilos si Maria Magdalena kaysa sa mga lalaking alagad ni HesuKristo. Noong madaling-araw ng linggo, tatlong araw makaraang ipako at namatay si HesuKristo sa krus, patakbong pumunta si Maria Magdalena sa libingan, kung saan inilagak ang katawan ni HesuKrist. Walang laman ang libingan—wala ang bangkay.


At nakita ni Maria ang dalawang anghel na nakaputi, isang nakaupo sa ulunan at ang pangalawa nakaupo sa bandang paanan ng libingan. At sinabi ng dalawa kay Maria, “Bakit ka umiiyak?”


Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” At pagkasabi niya nito’y tumalikod siya at napansin niya ang isang lalaking akala niyang hardinero. Itinanong ito ni Magdalena, “Kayo ba ang kumuha sa bangkay ng lalaking nakalibing dito? Kung kayo, sabihin ninyo kung saan siya inilagay at kukunin ko.” At sinabi sa kanya ni HesuKristo, “Maria.” At sumagot siya, “Rabboni!”, na ang ibig sabihin ay guro.


At sinabi sa kanya, “Huwag ka humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama.


Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila, “Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.” Pumunta si Maria Magdalena at ibinabalita sa mga mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.” (Juan 20:1-2; 11-18)


Ipinaliwanag ko ang pagkakatulad ni Lydia kay Maria Magdalena, ang unang saksi sa muling pagkabuhay ng Panginoon. Babae ang unang saksi sa hiwaga ng muling pagkabuhay ng Panginoon. Hindi lang karaniwang babae si Maria Magdalena. Mabilis ito kumilos at marunong tumakbo. Masigla, malakas at matapang si Maria. Punung-puno siya ng espiritu ng Panginoon.


Noong malakas at bata pa si Lydia, punung-puno rin siya ng lakas, sigla at kahandaang kumilos, gawin ang tama at nararapat para sa kapwa at Panginoon. Ito ang unang paglalakbay, ng katawang malakas, masigla at wala pang karamdaman. Katawan, isip, puso, diwa at kaluluwa ay iisang kumikilos at ginagawa ang tama at nararapat. Ngunit, nakahiga na si Lydia, mahina at hirap na hirap na. Tila pumapasok na siya sa yugto ng pangalawang paglalakbay. Pawang walang nangyayari dahil nakahiga siya, mahina at walang imik ngunit, buhay na buhay, bibung-bibo ang kanyang kaluluwang hinahanap at handang-handang maglakbay kasama ang Panginoon.


Maraming sumama sa online misa. Ipinagdasal ang lahat si Lydia. At sinamahan si Lydia ng lahat sa tahimik na paghingi ng biyaya na huwag matakot at magtiwala sa Panginoon.


Hawakan ang kanyang kamay at tuluyan na maglakbay


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 23, 2022


Bidang-bida noong kasagsagan ng pandemya ang mga plantita at plantito, ngayon ay umiingay na naman sila sa pagtatanim ng gulay o punong namumunga. Kung mahalaga ang pagbili, paghingi at pagpapadami ng mga “ornamentals” o halamang pang-hardin noong panahon ng pandemya, kakailanganin pa rin ng bansa ang nahahawig na diwa para sa pagtatanim ng anumang makakain mula bigas, gulay o punong namumunga.


Kung ang dahilan ng pagiging plantita/plantito noon ay ang pangangalaga sa kalusugang mental at emosyunal na nakasentro sa sarili, maganda at mahalagang palaganapin ang pagtatanim ng pagkain na hindi lang pakikinabangan ng indibidwal, kundi ng mga pamayanan, barangay, bayan, siyudada, lalawigan at ng buong bansa. Ngunit, hindi ito magiging madali. Kailangan ang malawakang edukasyon at motibasyon para unti-unting maawat ang marami sa mga gawaing lubhang pansarili at maaaring makasarili rin.


Kung hindi nagpabaya ang mga naunang pamahalaan at ang taumbayang nasasakupan ng mga ito, hindi sana nawala at tuluy-tuloy ang nanghihinang pagmamahal sa kalikasan at sa produksyon sa iba’t ibang taniman at sa karaniwang palayan. Ngunit, kakaunti na ang mamamayang nagmamalasakit at nagmamahal sa kabukiran, sa dagat, lawa at batis. At ang kaunting ito, wala masyadong masasabi tungkol sa kung paano unti-unting naglaho hanggang sa manganib na ang likas at sinaunang kakayahang magmahal at humanga sa sakahan at kalikasan.


Kung natural ang karaniwang katangian ng ugali at kamalayan ng marami, plastic naman ngayon. Dahil malapit ang mga sinaunang Pinoy at Pinay sa kalikasan, hindi malayo ang naturang ritmo ng kalikasan sa pang-araw-araw nilang buhay. Natutulog o naghahanda na matulog kapag takipsilim na. At unti-unting gumigising at bumabangon bago magbukang-liwayway. Gising sa araw, tulog sa gabi ang karaniwang ritmo ng tao noon. Dahil sa mabilis na pag-unlad ng agham at partikular na ang “digital” o “cyber” technology, hindi na kalikasan, kundi ang “computer” ang nagdidikta ng pagkilos ng lahat.


Aanhin pa ang mga daan, tulay, airport o daungan kung wala namang taong ligtas na lumabas, mahalagang bumalik sa mundo ng espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. At ito ang itinuro ng pagtatanim ng mga halamang pang-hardin noon. Kung natuto tayong muling makipagkaibigan kay Inang Kalikasan, gayundin ang gagawin sa ating kapwa at sa Panginoon.


Malinaw na hindi tayo iniligtas ng “Build, Build, Build,” subalit handa na tayong bumalik sa isa’t isa, sa mga kamag-anak, kaibigan, kasama at kababayan, lalo na sa sarili at higit sa lahat ay sa Panginoong Diyos.


Mapanganib ang panahon, marami ang magugutom kung hindi tayo makikipagtulungan sa iba’t ibang institusyon, tulad ng pamahalaan at ng simbahan. Ngunit, higit pa sa mga institusyong nabanggit, isa pang makapangyarihang pwersa ay ang sektor ng mga magsasaka at nagtatanim. Kilala natin silang bumabangon ng umaga upang sariwain ang kanilang kaugnayan kay Inang Kalikasan, bago magtanim at pagyamanin ang mga bukid at gulayan. Kilala natin silang sanay mag-’plant, plant, plant’. Sabayan at samahan natin sila upang mapakain ang lahat.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 17, 2022


Kitang-kita ang koneksyon ng kahirapan at dinastiya sa ating bansa. Merong maikling listahan ng pamilyang paulit-ulit na umuupo mula sa lokal hanggang sa pambansang posisyon. Masakit man gamitin ang salitang linta, tila mas angkop na tawaging linta ang mga dinastiya dahil sa patuloy na pagsipsip ng mga ito sa kaban, likas-yaman, lakas, pawis at galing ng taumbayan.


Sa tagal ng pag-upo o pagkapit sa posisyon ng mga dinastiya, hindi napapansin kung paano ng mga ito pinahihina, pinamumura ang ating bansa, tulad ng mantsa sa damit bago o luman man ito. Sa sobrang tagal na ng mga ito, mula pa noong panahon ng mga Kastila ng hinirang ang mga naturang na principles hanggang sa kasalukuyang tumatakbo at paulit-ulit na nananalo sa eleksyon, pawang permanenteng sangkap na ang mga dinastiya ng hindi kasarapang putahe ng pulitikang Pilipino.


Sa sobrang tagal na ng mga dinastiya ang masama at nakasisirang epekto ng mga ito ay madaling napapalamutian ng manipis, panlabas at mababaw na “kabaitan” o “kabutihan” ng mga padrino’t madrinang pulitiko.


Ang tila hindi binibigyang-pansin ng marami ay sadyang paggamit ng bahagi ng naitabing pondo para patuloy na bilin, sa murang-murang presyo ang bulag na pagtangkilik at pagsunod ng mga nasasakupan, ng mga naturang “constituency” ng pulitiko.


At dahil dito, baka hindi mapansin ang kahiya-hiyang panukalang pahabain ng sampung taon ang termino ng mananalong pangulo at gawing lima-lima sa halip na tatlo-tatlo ang termino ng mga tatakbong kinatawan ng Kongreso. Napakabilis o napakakapal ba ng panukalang ito? O, pareho?


Ito ang panukala ni Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales na nangangatwiran na hindi sapat ang anim na taon para ipatupad ng Pangulo ng Republika ang kanyang “long term agenda” para sa bansa.


At ang tatlong taong termino ng bawat kinatawan ng Kongreso ay napakaikli rin upang matupad ng bawat kinatawan ang kanyang programa para sa kanyang distrito.


Hindi pa nag-iinit ang mga upuan ng mga bagong halal at ito na ang nais nilang pag-usapan. Para sa kanila ang naturang “landslide” na pagkapanalo ng kasalukuyang Presidente at Bise-Presidente ay hudyat na hinog na ang panahon para magkaroon ng pagbabago sa Saligang Batas (Charter Change). Totoo bang merong landslide? Totoo bang nais na ng taumbayan ang pagbabago ng ating Saligang Batas, lalo na sa mga batas hinggil sa “term limits” o haba ng mga termino?


Wala nang ginawa ang marami sa ating mambabatas, kundi gamitin ang batas para sa kanilang pansariling kapakanan. Sila at hindi tayo ang tunay na makikinabang. Napakaraming batas na dapat nilang pandayin para sa kapakanan ng taumbayan, ngunit hindi ito ang inaatupag ng marami sa kanila. Ito ang takbo ng pulitikang mabilisan at medyo makapal. Daanin sa santong paspasan para hindi mamalayang tapos at batas na ang halos hindi pinag-usapan at pinagtalunan dahil 'ika nga, “Ayos na ang buto-buto.”


Maraming nagugutom, nagkakasakit, lumulubog sa kamangmangan, binibiktima ng karahasan at paninira. Tuluy-tuloy ang panghihimasok ng China at ang katiwaliang naging kultura, kaugalian at sistema nang pamamahala. Walang kapagud-pagod at kadala-dala ang mga bumabaluktot sa katotohanan at naninira sa mga namamahayag nito. Ano pa ang iyong maaasahan sa marami na tulad ng linta’y nasanay nang mabuhay at magpasasa sa dugo ng mamamayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page