top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 16, 2022


Muntik na malagay nang husto sa kapahamakan si dating senadora Leila de Lima. Hindi pa ito ang kalooban ng Diyos sa kabila ng malaon nang kagustuhan ng ilang mga nagdi-diyus-diyosan. Nagsimula ang lahat noong Chair pa siya ng Commission on Human Rights. Naglabas ng mga ulat ito hinggil sa mga patayang naganap sa Davao sa ilalim ni Mayor Rodrigo Duterte. Hindi nakasuhan ang naturang Mayor dahil wala namang “police powers” ang Commission on Human Rights. Nagpatuloy ang kampanya para sa katotohanan at katarungan nang ito’y nanalo bilang Senador noong 2016. Humingi siya ng “Senate Investigation” sa nagsisimula pa lamang ng paglaganap ng Extrajudicial Killings sa ilalim ng war on drugs ng administrasyon ni Duterte. Ginawa ito ng dating senador noong hawak pa niya ang Senate Committee on Justice. Ngunit hindi siya nagtagal sa puwesto. Natanggal siya bilang Chair ng Senate Committee on Justice at pinalitan ni Senador Richard Gordon na noon ay sumusuporta sa Presidente.


Mabilis na nagsimula ang pag-uusig laban sa kanya. Mula noon hanggang ngayon, hindi tumigil ang maraming sumusuporta sa kanya sa pag-alalay, pagtatanggol, paghingi ng kanyang kalayaan dahil malinaw pa sa sikat ng araw na siya ay walang kasalanan at gawa-gawa lamang ang kaso niya tungkol sa pagkakasangkot sa ilegal na droga. Hindi lang dito, kundi sa labas pa nanggaling at hanggang ngayon ay dumarating pa rin ang suporta para sa kanya. Ngunit bulag na bulag ang mga nagbubulag-bulagan. Binging-bingi ang mga nagbibingi-bingihan. Noong ika-9 ng Oktubre, noong araw ng libing ni Percy “Lapid Fire” Mabasa nasangkot sa hostage-taking sa Camp Crame si dating Senador Leila de Lima.


Alas-6 ng umaga nang dadalhan ng pagkain ang ilang detenido ni Cpl. Roger Agustin nang ito ay pagsasaksakin ni Feliciano Sulayao. Mabilis na pinawalan ni Sulayao ang dalawa pang detenido na sina Arnel Cabintoy at Idang Susukan. Tumakbo ang dalawa, ngunit nakita ito ng sniper sa itaas ng pader at nabaril ang mga ito. Tumakbo si Sulayao sa selda ni Leila, sabay na ginapos ito at piniringan. Nang nauhaw si Sulayao humingi ng tubig ito. Nagkaroon ng pagkakataon si Col. Mark Pespes. Habang inaabutan si Sulayao ng tubig mabilis na pinaputukan ito para tapusin na ang madugo at mapanganib na “hostage taking.”


Awa ng Diyos, buhay at hindi nasaktan ang dating mambabatas. Maraming salamat Panginoong Diyos. Protektahan at sa lalong madaling panahon palayain na ninyo siya.


Sa ebanghelyo noong Huwebes sinabi ni Hesus sa mga guro ng batas, “Sinasabi ng karunungan ng Diyos: Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, ngunit uusigin at papatayin nila ang ilan sa kanila. Kaya't papanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa sugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, Papanagutin ang salinlahing ito.”


“Sawimpalad kayong mga guro ng batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga makakapasok.” Lucas 11:47-54)


Inalok ng pamahalaan na ilipat ang dating mambabatas sa mas ligtas na piitan, pero tumanggi ito. Hindi nagbabago ang paninindigan at pagsulong nito sa katotohanan at katarungan. Malinaw na may panganib at banta sa kanyang buhay, ngunit hindi siya magbabago, hinding-hindi niya isusuko ang katotohanan hanggang hindi niya nakakamit ang katarungan hindi lang para sa sarili, kundi para sa lahat ng biktima ng karahasan at pagkait ng katarungan.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 9, 2022


Noong ika-5 ng Pebrero 2020, binawian ng buhay si Padre Danilo Bermudo, ang kaiskuwela kong pari na naglilingkod sa Diyosesis ng Bulacan. Nang nagtungo kami sa parokya ni Padre Danny para mag-alay ng misa para sa kanya, ipinasyal kami ng kanyang katuwang na pari sa Hardin ni Padre Danny. Nakita namin ang magagandang tanim na inaalagaan ng yumaong pari. Buhay na buhay. Pawang nakangiti lahat ng kanyang halaman. Tiyak na bunga ang kagandahan at sigla ng mga halaman sa matiyaga at mapagmahal na pangangalaga ng yumaong pari sa kanyang halaman.


Pagkatapos naming pasyalan ang hardin, natanong natin ang katuwang na pari ni Padre Danny, “Padre, ikaw naman, ano ang hilig mo?” Ngumiti ang pari at sumagot. “Hilig kong mag-alaga ng aso. Naririto rin sa gilid ng hardin ang aking mga aso.” At dinala kami ng pari sa kanyang mga alagang aso. Sumususo ang limang napaka-cute na tutang Dachshund sa kanilang ina. Pinagmalaki ng pari ang kanyang mga alagang aso at inalok pa ako. “Binebenta ko ang mga tuta, ngunit para sa 'yo, kung gusto ninyo ay bibigay kong libre ang isa.” Hindi ako nagdalawang-isip at tinanggap ang kanyang alok. Pinapili ako sa mga tuta at swerte naman at wala pang may-ari ng tutang napili ko. “Bumalik na lang kayo pagkaraan ng dalawang linggo para kunin ang inyong bagong alaga.


Malungkot ang misa para sa yumao kong kaeskwela. Nakilala ko si Padre Danny noong kami ay pare-parehong seminarista noong 1973. Matagal na kaming magkaibigan. Marami na kaming pinagdaanan sa seminaryo at sa labas nito bilang mga pari. Ngunit sa kabila ng kalungkutan ng pagkawala ni Padre Danny, siya naman ang pagdating ng bagong alagang tuta na galing sa isa ring pari. Nang bumalik ako upang kunin ang tuta, malungkot na ibinalita ng pari na tinamaan ang lahat ng aso ng nakamamatay na virus.


Namatay ang tutang napili ko. Ngunit, ayon sa pari, ang pinakamaliit, pinakamahina at ang pinakakaraniwan, hindi cute, hindi pangit na tuta ang natirang buhay. “Nahihiya akong ibigay sa iyo ang kaisa-isang nabuhay na tuta, ngunit kung gusto ninyo, ibibigay ko siya sa inyo.” Pumayag ako at inuwi ko ang napakaliit na tutang babae na tinawag kong Dan-Dan bilang paggunita at pasasalamat sa buhay ng aking yumaong kaeskwela.

Noong ika-4 ng Oktubre, sa Pista ni San Francisco ng Assisi, patron ng kalikasan at patron ng mga hayop, tumawag ang tagapag-alaga ni Dan-Dan na hirap manganak si Dandan at kung hindi magbabago ang kanyang kalagayan, baka kailanganin nito ng Cesarean Section. Nahirapan ang munting aso at ganun nga ang nangyari. Naoperahan siya at nailabas ang tatlong tuta na isa-isang namatay. Awa ng Diyos, buhay siya. Tila binuwis ng kanyang tatlong anak ang buhay ng kanilang ina. Bilang paghahanda sa Pista ni San Francisco ng Assisi na ipinagdiwang namin sa pamamagitan ng misa at pagbabasbas sa mga alagang hayop, binasa ko ang librong isinulat ng Franciscanong Pari, “Will I see my dog in heaven.” Makikita ko ba ang aking aso sa langit?


Noon ding araw na iyon magkasunod kong dinalaw at binasbasan ang napakaliit na sanggol na isinilang ng premature ng anim na buwan pa lamang. Kay liit-liit ni Andre Kayden na iniiyakan ng kanyang mahal na mga magulang. Pagkatapos kong dasalan at basbasan ang sanggol, inihanda na ito para dalhin sa Crematorium. Nagmamadali akong umalis para naman sa misa para sa yumaong parokyano. Pagkatapos mag-treadmill si Rowell, ito ay umupo at nagpahinga. Daan-daanan ito ng mga kasama niya sa bahay. Wala silang kamalay-malay na wala na si Rowel sa edad na 55.


Nasaan na si Andre Kayden; si Rowel at ang tatlong anak ni Dan-Dan? Meron bang magkahiwalay na langit para sa tao at hayop? Meron bang kaluluwa ang mga hayop? Hindi ko masabing oo, ngunit hindi ko rin masabing hindi. Ayon sa librong “Will I see my dog in heaven?” ang kakaibang ugali ng mga alaga, pets, ang kanilang katapatan (loyalty); pagmamahal at pagmamalasakit para sa kanilang amo ay larawan ng walang hanggang kabutihan ng Diyos sa atin. Ayon sa Paring Franciscanong nagsulat ng libro, merong prinsipyo ng buhay ang bawat hayop na masasabing “kaluluwa nila.” Hindi na kailangang pagtalunan kung sino ang mas mataas, tayo o sila. Ang mahalaga ay ang kanilang mahiwagang pagiging larawan ng walang hanggang katapatan at pagmamahal ng Diyos.


Sa araw na ito, mimisahan namin ni Padre Flavie Villanueva ang kaibigan naming si CHR Chair Chito Gascon, na isang taon nang yumao. At ngayong sinusulat ko ang artikolong ito, nababalot ako ng kalungkutan dahil sa pagpanaw ni Tita Tessie Jose, asawa ni Tito Frank Sionil Jose kaninang 11:30 ng umaga.


Walang humpay ang pagdating at paglisan ng mga kamag-anak, kaibigan, kaparokya, kababayan, kapanalig… Walang humpay ang pagbati ng langit at lupa… Ang babala at paalala ng buhay at kamatayan… Ang gumigising at gumigitlang kaligtasan o kapahamakan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 8, 2022


Kakaiba ang naging pagdiriwang ng Pista ni San Francisco ng Assisi noong Martes, ika-4 ng Oktubre 2022. Nagsimula ang araw na iyon sa amin parokya sa pamamagitan ng Misa para sa mga alagang hayop at sa buong kalikasan. Ang karaniwang tahimik na simbahang hindi puno ay biglang pinasigla ng mga tahol ng aso at ngiyaw ng pusa at sari-saring ingay ng mga hayop at ng kanilang mga amo na tila nag-uusap at nagpupumilit na magkasundong umayos ng galaw sa loob ng simbahan. Hindi naman nagtuluy-tuloy ang sari-saring ingay ng hayop. Nang nagsimula na ang misa, unti-unti na ring tumahimik at nakiisa ang mga hayop sa pagdiriwang ng banal na misa. Ano kaya ang magiging omeliya ko na maaaring pakinabangan ng mga tao at ng kani-kanilang alaga?


Sinimulan ko ang omeliya sa tanong: “Meron bang pagkakatulad ang hayop sa tao?” Tingnan natin ang ilang magagandang katangian ng tao, tulad ng katapatan, pagsunod, pagkalinga at pagmamahal. Pagpoprotekta at pagbabantay sa mga mahal sa buhay. Sa lahat ng magagandang katangian ng tao, madaling makita rin ang mga ito sa mga hayop. Tingnan natin ang mga katangiang ito. Hindi lang sila tapat kundi sobra-sobrang tapat na iaalay pa ang kanilang buhay sa among-kaibigan. Hindi lang sila masunurin kundi masunuring-masunurin sila. Hindi lang mapagmahal at mapagkalinga kundi buong araw nilang ipapakita sa kanilang amo ang paggiliw, pagkalinga at pagmamahal. At sa kabila ng mababang tingin ng marami sa mga alagang hayop, napakahusay nilang magbigay ng halimbawa at inspirasyon sa mga among-kaibigan na nag-aalaga sa kanila.


Karagdagan pang ugali ng mga alagang hayop ay ang kanilang likas na pagbigay ng sigla at ibayong buhay sa tao. Kilala na sa ibang bansa ang programang “Animals for companionship for hire.” Hindi lahat ng uri ng aso o puso ang maaaring ipaarkila para may makakausap, mabibiro’t malalambingan ang mga taong nag-iisa’t nalulungkot. Mabuti pa ang hayop na kayang pasayahin ang mga nalulungkot. Nawalan na ba ng panahon ang mga tao para kalingain, suportahan at samahan ang kamag-anak, kaibigan o kapwa?


Samantala, nang gumagabi na noong Pista ni San Francisco, naganap ang pinaka-unang pagpaslang sa kilalang journalist na walang takot na bumabatikos at nagtutuwid sa mga kalabisan, abuso, mali at masamang ginagawa ng nakaraang administrasyon at ng kasalukuyang administrasyon. Anim na pu’t dalawang taon pa lamang si Percy (Lapid Fire) Mabasa. Matapang nitong binatikos ang fake news; ang lumolobong budget ng Presidente; ang pagpili nito ng mga miyembro ng kanyang gabinete. Ang pinakahuling patutsada nito tungkol sa pagtatangka ng nakaraang administrasyon na siraan at pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon. Bagama't nakaka-kaba ang madiriing batikos ni Percy sa nakaraan at kasalukuyang administrasyon, nagbibigay ng pag-asa at lakas ng loob ang kanyang walang takot na pagbabatikos.


Tiyak na alam ni Percy Mabasa ang panganib na hinaharap niya dahil sa kanyang matapang na pamamahayag ngunit hindi ito natakot at natigilan. Napakabigat ng kanyang ginawa: ang salagin ang laganap nang takot sa walang tigil na pagpatay ng mga mamamahayag.


Salamat sa iyong matapang na pamamahayag, Percy. Salamat sa pagsisikap na buhayin ang tunay at malalim na pagmamahal sa Inang Bayan. Salamat sa pag-alay ng iyong buhay upang magising ang natutulog, lalo na’t higit nagtutulug-tulugang mamamayan. Salamat, maraming salamat sa iyong kahanga-hangang pagmamahal sa katotohanan at ang mala-bayani mong pamamahayag nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page